Hinayaan ng Ginang na Ito na Magnobya agad ang Anak; Tama Bang Naging Napakaluwag Niya Rito?

Hinayaan ng Ginang na Ito na Magnobya agad ang Anak; Tama Bang Naging Napakaluwag Niya Rito?

FamilyHeartbreakingStories

“Marissa, hindi ba’t trese anyos lang ‘yang panganay mong anak? Pinapayagan mo na agad na magnobya? Kabata-bata pa!” singhal ni Lorna sa kumare, isang umaga nang makita niyang may kasamang dalaga sa loob ng bahay ang anak nito. 

“Naku, mars, walang pakialamanan kung paano magpalaki ng anak! Wala namang masama sa maagang pagnonobya, ang masama, maagang magkapamilya tapos magulang ang magpapakahirap!” inis na tugon ni Marissa habang nagdidilig ng mga alaga niyang halaman.

“Doon na rin ang tungo niyan! Lalo na’t palaging magkasama sa loob ng bahay niyo! Danas na danas ko na ‘yan sa mga anak ko!” tugon pa nito na lalo niyang ikinainis. 

“Ang dumi naman ng isip mo! Huwag mong igaya ang anak ko sa mga anak mong mapupusok!” bulyaw niya pa rito dahilan para mapailing ito. 

“Pustahan tayo, maghihirap ka rin nang ganito katulad sa akin dahil ayaw mong makinig!” wika pa nito dahilan para labis na siyang mabwisit. 

“May tiwala ako sa anak ko kaya huwag ka nang mangialam sa buhay nang may buhay!” sigaw niya saka agad nang pumasok sa kanilang bahay upang huwag nang mapakialamanan ng naturang ginang. 

Anuman ang gustuhin ng anak ng ginang na si Marissa, palagi niya itong binibigay at sinusuportahan. Hinahayaan niya itong lakbayin ang buhay kahit na minsan alam niyang maaari itong mapahamak. Katwiran niya palagi, “Madapa man siya, may matutunan naman siya. Kaysa pigilan ko siya at magrebelde, susuportahan ko na lang siya at gagabayan sa abot ng makakaya ko!” 

Kaya naman, nang may maipakilala na itong nobya sa murang edad, hindi niya ito kailanman pinagalitan o kahit pinagsabihan man lang. Hinahayaan niya itong makasama ang naturang dalaga sa kanilang bahay dahil mayroon naman daw siyang tiwala sa anak niya. Tanging bilin niya lang sa anak, “Dito lang kayo sa sala, ha? Ayokong papasok kayo sa kwarto,” na agad naman nitong sinang-ayunan na kaniyang ikinatuwa. 

Nang araw na iyon, matapos niyang bulyawan ang pakialamerang kumare, agad na siyang naupo sa tabi ng kaniyang anak at sa nobya nitong nanunuod ng telebisyon habang nakain ng almusal. 

“Mama, alas diyes na po, hindi po ba kayo mamamalengke?” tanong ng kaniyang anak. 

“Ay, oo nga pala! Talagang maaasahan ka, anak! Salamat sa pagpapaalala! Aalis muna ako, ha? D’yan muna kayo!” sambit niya saka agad na umalis sa kanilang bahay bitbit-bitbit ang kaniyang bayong pamalengke. 

Ilang minuto pa ang lumipas, agad na rin siyang natapos mamalengke at umuwi sa kanilang bahay. Buong akala niya’y madadatnan niya pang nasa sala ang kaniyang anak pati ang nobya nito ngunit siya’y nagkamali dahil pawang mga gamit na lang ng dalaga ang naroon dahilan para siya’y labis na mataranta. 

Sisigaw pa lang sana siya sa kanilang silid sa paghihinalang naroon ang dalawa, narinig na niya ang bulungan ng mga ito sa kanilang banyo at tila umiiyak ang naturang dalaga. 

Pagsilip niya sa nakaawang na pintuan, nakita niyang may hawak-hawak na pregnancy test ang kaniyang anak habang nakaupo sa sahig ng kanilang banyo’t umiiyak. 

“Ano’ng nangyayari?” hindi na niya napigilang makiisyoso. 

“Ma-mama… nabuntis ko po siya,” uutal-utal na hikbi nito saka pinakita sa kaniya ang hawak na pregnancy test. 

Hindi niya mawari kung anong reaksyon ang kaniyang gagawin. Gulat na gulat siyang para bang nanghihina. 

“A-akong bahala,” tangi niyang sambit kahit na hindi niya alam kung anong maaari niyang gawin. 

At dahil nga wala na siyang magagawa kung hindi ang samahan ang anak na panagutan ang nabuong sanggol, nagdoble kayod na lang siya upang matugunan ang pangangailangan ng naturang dalaga habang nagbubuntis ito at habang nag-aaral ang kaniyang anak. 

Doon niya labis na napagtantong mali pala talaga ang paraan ng pagpapalaki niya sa kaniyang anak. Dapat pala, tinuruan niya ito ng limitasyon sa buhay at tinuwid na ang landas na tinatahak habang maaga pa. 

“Kung natutunan ko lang sanang itama ang mga maling gawain at desisyon ng anak ko simula pa lang noong bata siya, sana, maayos siyang nakakapamuhay ngayon,” wika niya, habang pinagmamasdan ang anak na umiiyak dahil sa samu’t saring panghuhusgang natatanggap mula sa kanilang mga kapitbahay at kamag-aral. 

Simula noon, hanggang tuluyang makapanganak ang nobya ng kaniyang anak, siya ang umako lahat ng responsibilidad dahil alam niyang wala pang alam dito ang dalawang menor de edad. 

Unti-unti niya ring tinuruan ang anak na magbanat ng buto, magnegosyo, at kumilos sa bahay upang kahit papaano’y gumaan ang mga gawain niya. 

“Mga anak, pagtutulungan natin ito, ha?” sambit niya habang nililinisan ang apong umiiyak at nanunuod sa kaniya ang mag-asawa. 

Alam niyang matagal pa, ngunit sa nakikita niyang pagbabago ng dalawa at sa pagsisikap ng mga ito na maiayos ang kanilang buhay, sigurado siyang makakaraos din sila.

More Stories