Inday TrendingInday Trending
Hinamak ng Babae at Iba Pang Pasahero ang Matandang May Dalang Bagoong sa Bus; Isang Bata ang Magpapahiya sa Kanila

Hinamak ng Babae at Iba Pang Pasahero ang Matandang May Dalang Bagoong sa Bus; Isang Bata ang Magpapahiya sa Kanila

Kasama ni Hermie ang pitong taong gulang na anak na si Jaimie at kasalukuyan silang nasa loob ng airconditioned na bus. Ayaw na ayaw kasi ni Hermie na naiinitan silang mag-ina kaya gusto niya na doon sila nakasakay.

“Hayy, ang init ng panahon kaya dapat lang na dito tayo nakasakay, anak. Nagugutom ka na ba? Hayaan mo’t malapit na tayong makauwi,” sambit ng babae sa anak.

“’Di pa naman po, mama. Kakakain lang po natin ng ice cream, eh,” sagot naman ni Jaimie.

Sa una ay maayos pa ang lagay nila sa bus ngunit isang matandang lalaki ang sumakay sa bus at nang nakaupo na ito’y biglang nakaamoy ng ‘di kaaya-aya ang mga pasahero lalo na si Hermie.

“Ano ba ‘yan? Ang baho naman!” sabi ng isang babaeng pasahero.

“Oo nga, ang baho nga! Biglang sumingaw!” wika ng isang lalaki.

“Parang malansang kung ano ang amoy. Nakakasulasok!” reklamo naman ng isang matandang babae.

“Ang bastos naman ng may gawa ng amoy na iyon. Hindi na nahiya!” sabad ng isang dalagita.

Agad namang nahulaan ni Hermie ang mabahong amoy na iyon na biglang umalingasaw sa loob ng bus.

“Hmp! Amoy bagoong!” inis niyang sabi sa isip.

Dahil panay ang reklamo ng mga pasahero sa mabahong amoy ay naalarma na ang kundoktor.

“Sino ba ang may kagagawan ng amoy na iyon? Umamin na kung sino? Nakaka-istorbo sa ibang pasahero,” tanong nito.

Hindi na rin natiis ni Hermie ang magsalita.

“Ano ka ba namang kundoktor ka? Bakit mo pinayagan na makasakay ang taong may dala ng mabahong amoy dito sa bus? Bawal sa aircon bus iyon ‘di ba?” singhal niya sa kundoktor.

“Aba, eh, sorry po ma’am. Hindi ko naman po alam na may dalang mabahong kung ano ang sumakay na iyon,” sagot naman ng lalaki.

“Puwede tayong mam*tay sa suffocation dahil sa amoy na iyon na nakakasulasok talaga!” buwisit na sambit pa ni Hermie na ‘di na mapakali sa kinauupuan.

Patuloy naman ang pagrereklamo ng ibang pasahero.

“Mahiya naman kung sino man ang taong iyon. Maaaring bumaba na lang at sumakay na lang sa ordinaryong bus!” wika naman ng isa pang lalaking pasahero na naiinis na rin sa sitwasyon sa loob ng saskayan.

Maya maya ay tumayo ang matandang lalaki na huling sumakay sa bus at aktong bababa na.

“Para na mama at bababa na ako,” sabi ng matanda.

Napatingin sa kanya ang mga pasahero.

“Tama ang hinala ko, ang matandang ito ang may dala ng mabahong amoy rito!” wika ng isang babaeng pasahero sabay turo sa matandang lalaki.

“Aba, mabuti naman ho at nakaramdam kayo ng hiya, manong! Kanina pa kami nahihilo at nasusuka sa baho ng dala mong kung ano man ‘yan,” inis na sabi ng isang binatilyong pasahero.

“Baka naman bababa na kasi nahalatang kasing amoy na niya ang dala niyang mabaho,” natatawang sambit ng dalagitang kasama ng binatilyo.

Muling nagbunganga si Hermie.

“Buwisit ka, manong! Kaya nga kami sumakay rito ng anak ko dahil ayaw naming mainitan, pero mamam*tay naman pala kami sa baho!” sigaw niya sa matanda.

Dahil sa kahihiyan ay humingi ito ng paumanhin sa mga pasahero.

“Pasensya na kayo. Hindi ko alam na bawal na pala ngayon ang magdala ng bagoong. Hindi ko na uulitin. ‘Di ko napansin na tumagas pala sa plastik kaya sumingaw at umamoy. Akala ko’y walang magrereklamo dahil sa pagkakaalam ko ay ang iba naman sa inyo rito ay kumakain din nitong bagoong,” sagot ng matanda.

Maya maya ay biglang nagsalita ang anak ni Hermie na si Jaimie.

“Patawarin niyo na po si manong. Hindi naman po niya sinasadya eh, at isa pa po tama naman siya na kumakain din naman po ang iba sa inyo ng bagoong. Ikaw, mama, huwag ka nang magalit sa kanya dahil ‘di ba paborito mo nga ang bagoong na kainin lalo na may kasamang pritong talong at isda? Bangung-bango ka nga at sarap na sarap sa bagoong eh, lalo na kapag sinasawsaw mo roon ang manggang hilaw. Sabi mo pa, mama, ‘di ka mabubuhay nang hindi nakakakain ng paborito mong bagoong. Kahapon nga at ngayon ay may bagoong tayong ulam. Kaya nga gusto mo nang umuwi dahil gustung-gusto mo nang ulamin ulit ang bagoong na niluto ni lola. Saka po ang kausap ninyo ay isang lolo, ‘di po ba dapat may paggalang po kayo sa kanya lalo na ang mga mas nakababata sa kanya?” sambit ng bata.

“Halos ‘di nakakibo ang mga pasahero sa bus sa sinabi ni Jaimie. Pati si Hermie ay nakaramdam ng matinding hiya sa sinabi ng anak. Sinampal sila ng katotohanan ng bata. Sa murang edad ay mas nakakaunawa pa pala ito kaysa sa kanilang mga nakatatanda.

Nagpasalamat naman ang matanda sa ginawang pagtatanggol sa kanya ni Jaimie at sa huli ay humingi rin ng paumanhin ang mga nagreklamong pasahero at si Hermie sa matandang lalaki. Pinuri naman ng mga pasahero sa bus ang anak ni Hermie dahil sa pagiging bibo nito. Kahit napahiya ay proud na proud si Hermie sa ginawa ng anak.

Tandaan na ang pamimintas sa kapwa ay huwag gawing pagkakataon para magmalaki, magmalinis, at itaas ang sarili bagkus maging mapagkumbaba sa lahat ng pagkakataon dahil ito ang sasalamin sa iyong tunay na pagkatao.

Advertisement