
Matagal na Niyang Pinutol ang Koneksyon Niya sa Kaniyang Ina; Ngunit Isang Pangyayari ang Magpapabago sa Isip Niya
Labing pitong taong gulang pa lamang si Aliana, ngunit sa murang edad niya ay marami na siyang alam na bisyo katulad na lang ng paninigarilyo at pag-inom ng alak. Kung minsan nga ay sa bahay na ng nobyo niya natutulog ang dalaga dahil sa kalasingan. Bukod pa roon ay hindi sineseryoso ni Aliana ang kaniyang pag-aaral.
Hiwalay na ang kaniyang mga magulang at sa kaniyang ama niya siya nakatira. Habang ang kaniyang ina naman ay sa ibang bansa na nakatira at may sarili nang pamilya. Iyon ang dahilan kung bakit galit siya sa ina at kung bakit pinili niyang sumama sa kaniyang ama.
Nang umuwi si Aliana ay nadatnan niyang lasing na lasing na naman ang kaniyang ama at sinasaktan nito ang bago nitong kinakasama. Kaya’t agad siyang umalis ulit ng bahay bago pa man mabaling sa kaniya ang galit nito.
Sa tuwing ganito ang dadatnan niyang sitwasyon sa bahay ay dumidiretso siya sa bahay ng kaniyang nobyo at doon siya nagpapalipas ng gabi. Dahil doon, hindi nagtagal ay nabuntis siya nang maaga…
Agad niyang kinausap ang nobyo. “Jerome, buntis ako…”
“Ano?! H-hindi p’wede! Hindi ko matatanggap ang batang ’yan! Hindi ko pa kaya, Aliana!” ngunit tugon nito sa kaniya.
Matapos ang usapan nilang ’yon ay hindi na muli pang nagpakita si Jerome sa kaniya. Itinago rin ito ng pamilya nito kaya naman hindi na niya alam ang kaniyang gagawin.
Pinili ni Aliana na huwag sabihin sa ama ang kaniyang pinagdaraanan dahil sa takot na baka saktan siya nito. Ang ginawa niya’y huminto siya sa pag-aaral at naghanap ng mapapasukan na trabaho upang bago pa siya manganak ay may pera siyang gagamiting panggastos para sa anak.
Ngunit kasabay ng paglipas ng mga buwan ay ang unti-unti na ring paglaki ng kaniyang tiyan, dahilan upang mapansin na iyon ng kaniyang ama.
“Aliana, buntis ka ba?!” galit na tanong ng kaniyang ama. Hindi naman na siya nakatanggi pa at agad na humingi ng tawad dito.
“Anong patawad? Lumayas ka sa pamamahay ko! Nakakahiya ka!” Nagpupuyos ito sa tindi ng galit sa kaniya.
“Papa, nagtratrabaho naman po ako, e. Ako na po ang bubuhay sa anak ko. Huwag n’yo naman po akong paalisin!” pagmamamakaawa naman ni Aliana.
Ngunit imbis na maintindihan siya nito’y nakatanggap pa siya sampal mula sa ama. “Wala akong pakialam, basta’t lumayas ka rito sa pamamahay ko, disgrasyada!”
Wala na siyang nagawa pa kundi sundin ang sinasabi ng ama. Wala na rin siyang ibang maisip na puntahan, kundi ang kaniyang lola, kahit pa, matagal nang pinutol ni Aliana ang koneksyon niya sa pamilya ng kaniyang ina sapagkat galit siya rito.
Alam ni Aliana na magagalit rin ang Lola Fely niya sa kaniya ngunit nilakasan niya ang kaniyang loob dahil wala namang ibang tutulong sa kanila ng anak niya. Huminga nang malalim si Aliana bago katukin ang bahay ng kaniyang Lola Fely.
Agad namang pinagbuksan ng pinto si Aliana matapos niyang ipakilala sa lola ang kaniyang sarili. Natigilan ang matanda nang makita ang kaniyang sitwasyon. Hindi nakarinig si Aliana ng kahit anong panghuhusga mula sa kaniya Lola Fely, bagkus ay sinalubong siya nito ng isang mahigpit na yakap.
“Sorry po at pununtahan ko kayo,“ aniya habang umiiyak. “Wala na po kasi akong ibang malapitan.”
“Apo, bukas ang tahanan ko para sa inyo ng magiging anak mo,” sagot naman ni Lola Fely at labis ang naging pasasalamat ni Aliana sa pagtanggap nito sa kaniya.
Kinabukasan, isang text mula sa ina ang natanggap ni Aliana. Noong una’y nagtaka pa siya kung paano nito nalaman ang kaniyang numero, ngunit naalala niya ang kaniyang lola. Ito siguro ang nagbigay.
“Kausapin mo na ang nanay mo. Siya rin naman ang makakatulong sa ’yo,” payo sa kaniya ni Lola Fely.
Pinag-isipan pa ni Aliana kung handa na ba siyang kausapin ang kaniyang ina, ngunit sa huli ay napagtanto nito na wala ring patutunguhan ang hindi pagpansin dito.
Tinawagan niya ito. Nakapag-usap silang mag-ina na naging dahilan upang sa wakas ay magkaayos din sila nito, makalipas ang maraming taon.
Sa mga sumunod pang araw, linggo at buwan, kahit malayo ang kaniya ina ay ito ang naging napakaepektibong gabay ni Aliana. Bumawi ito sa pamamagitan ng pag-alalay sa kaniya. Bukod pa roon, ito na rin ang sumagot sa lahat ng gastusin para sa kaniyang nalalapit na panganganak.
Makalipas pa ang tatlong taon, nakatapos din ng pag-aaral si Aliana sa tulong ng kaniyang ina. Nagpasya kasi siyang bumalik sa pag-aaral matapos niyang makapanganak. Sa tuwina ay binibisita sila ng kaniyang ina, upang patuloy siyang bigyan ng suporta, lalo pa’t ngayon ay magsisimula na rin siyang magtrabaho. Hindi akalain ni Aliana na mararanasan niya pang muli ang ganito.
Lubos na ipinagpapasalamat niya ang ginawang paraan ng Diyos upang muli ay magkaroon ulit siya ng isang matatawag na pamilya, na habang buhay ay kaniyang magiging kaagapay anumang pagsubok ang dumating.