Inday TrendingInday Trending
Naging Masama ang Trato ng Matandang Ina ng Kaniyang Amo sa Babaeng Ito; Isang Malalim na Nakaraan pala ang Dahilan ng Lahat ng Iyon

Naging Masama ang Trato ng Matandang Ina ng Kaniyang Amo sa Babaeng Ito; Isang Malalim na Nakaraan pala ang Dahilan ng Lahat ng Iyon

Napaigik sa sakit si Gelay, matapos niyang makatanggap ng isang malakas na tadyak mula sa ina ng kaniyang amo. Kasabay n’on ay ang malulutong na murang binibitiwan nito, habang siya ay tumilapon palabas ng banyo.

“Huwag kang lalapit sa akin, d*monyita ka! Huwag kang lalapit! Isusumbong kita sa anak ko at ipakukulong ka niya!” sigaw pa ng nag-uulyanin nang matandang si Ginang Nadia Cervantes.

Napailing na lamang si Gelay habang sapo ang kaniyang nasaktang balakang. Inalu-alo pa niya ang matanda, bago niya ito muling nilapitan upang tapusin na ang pagpapaligo rito.

Sanay na sa halos araw-araw na ganoong senaryo si Gelay. Palagi talaga siyang nasasaktan ng matanda, pisikal man o berbal na sakit ang pag-uusapan. Ngunit mahaba ang kaniyang pasensiya at napag-aralan niya nang pagtiisan ang mga ganoong bagay sa ngalan ng kaniyang propesyon bilang isang care giver.

Matagal na ring iniisip ni Gelay ang dahilan kung bakit ganito makitungo ang matanda sa kanilang mga nagiging tagapag-alaga nito. Dahil iyon sa mga salitang binibitiwan nito sa tuwing susumpungin ito. Tila kasi palaging takot ang nasabing matanda. Animo mayroon itong pinagbabantaan. Sa tatlong buwang pagiging care giver niya para kay Ginang Nadia ay iyon na rin ang umiikot sa kaniyang isip. Kaya’t nang gabing iyon, naisip niyang imbes na magtanim siya ng galit sa matanda, bakit kaya hindi niya alamin kung bakit ito nagkaganoon, lalo pa at ayon naman sa anak nito ay hindi naman daw ito ganito noon.

“Nanay Nadia, oras na po ng pag-inom n’yo ng gamot,” turan ni Gelay sa malambing na tinig nang pumasok siya sa kuwarto ng matanda habang bitbit ang try ng mga gamot nito.

Mabilis naman ang naging pag-iling ng matanda. “Ayoko, ayoko! Lalasunin mo na naman ako! Ayoko, may lason ’yan!” paulit-ulit pang sabi nito bago humalukipkip at nagtalukbong ng kumot sa higaan.

“Nanay, wala pong lason ito. Hindi ko po magagawa iyon sa inyo, pangako. Inom na po kayo ng gamot, kundi ay magtatampo sa inyo ang anak n’yo, sige,” pang-uuto pa ni Gelay sa matanda, ngunit nagpatuloy pa rin ito sa mabilis na pag-iling.

“Ayoko! Lalasunin mo lang din ako kagaya ng ginagawa ni Emely sa akin noon! Sasaktan mo lang din ako!” parang batang sagot pa ng matanda na maya-maya’y nanlaki pa ang mga mata’t nilingon siya.

“Lumayo ka! Sasaktan mo lang ako, Emely! Ayoko sa ’yo! Lumayo ka!” hiyaw pa nito na nagsimula na namang pagbabatuhin siya ng kung anu-anong bagay! “Huwag kang lalapit! Hindi ako magsusumbong, basta’t huwag mo lang akong saktan! Ayoko na! Ang sakit!”

Nabigla naman si Gelay sa kaniyang mga narinig. Tila ba hindi sinasadyang nalaman niya ang tunay na dahilan kung bakit naging ganitong makitungo ang matanda sa kaniyang mga nagiging tagapag-alaga. Bigla siyang naluha. Hindi niya maatim na isipin man lang kung ano any pinagdaanan nito sa kamay ng tinutukoy nitong Emely dahil sa nakikita niyang trauma sa matanda.

Tiniis ni Gelay ang mga pananakit ni Ginang Nadia at pilit niya itong nilapitan. Kahit pa pinagsususuntok siya nito ay ginawa niya ang lahat upang mayakap ito’t mapatahan.

“Huwag na po kayong matakot, ’nay. Nandito na po ako. Si Gelay po. Hindi ko po kayo sasaktan,” aniya habang hinahagod ang likod ng matanda upang kumalma ito, habang patuloy pa rin ang pag-agos ng masaganang luha sa kaniyang pisngi.

Sa ganoong posisyon sila inabutan ng kaniyang among si Ma’am Nathalie. Agad naman itong nagtaka sa nakitang ayos nila kaya hindi na siya nag-atubiling sabihin pa ang kaniyang mga nalaman.

“OMG! Hindi ko akalaing magagawa ni Emely ang bagay na ’yon kay mommy!” Magkakahalong emosyon ang makikita sa ekspresyon ng mukha ni Ma’am Nathalie sa isiniwalat ni Gelay. Si Emely kasi ay isa sa mga anak ng dating labandera ng kanilang pamilya na matagal ding tinulungan ng kaniyang ina!

Noon lamang naalala ni Nathalie na i-check ang kanilang mga CCTV upang tingnan kung may mga ebidensya silang makikita roon. Suwerte namang hindi siya nabigo dahil kitang-kita sa mga iyon ang lahat ng kalokohang ginagawa ng dating care giver ni Ginang Nadia!

Agad na nagsampa ng kaso si Ma’am Nathalie matapos iyon, at suwerte namang agad na nabigyan iyon ng magandang resulta!

Salamat sa napakabait na care giver na si Gelay dahil sa tunay na pag-aalala at pagkalinga nito sa kaniyang amo. Dahil sa kaniya ay nakamit ni Ginang Nadia ang hustisya at ngayon ay maaari na nitong makalimutan ang masakit nitong nakaraan.

Advertisement