
Bisyo ang Inaatupag ng Lalaki Kaysa sa Bigyan ng Oras ang Pamilya; Papagitna na Pala sa Kanila ang Tadhana Upang Ipakita kung Gaano ito Kahalaga
Si Lando ay isang engineer at nagtatrabaho siya sa isang tanyag na kompanya. Malaki ang perang kinikita niya rito, kaya’t nakapagpatayo siya ng sariling bahay at nakabili na ng mga sasakyan sa edad pa lamang na bente uno anyos. Ngayon ay naibibigay rin niya ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang limang mga anak… ngunit habang tumatagal ay nagkakaroon siya ng mga bisyo.
Nagsimula siyang magsugal at mag-inom. Halos mas marami na rin itong oras sa kaniyang mga kabarkada kaysa sa sariling pamilya.
“Lasing ka na naman! Ilang buwan ka nang ganiyan? Hindi ka man lang makauwi nang hindi ka lasing!” panenermon ng asawa niyang si Sophia, sa tuwing siya’y uuwing lasing sa kanila. Para na nga itong sirang plaka dahil paulit-ulit na lang ang sinasabi nito.
“Naibibigay ko naman ang mga gusto n’yo, hindi ba? Huwag n’yo nang pakialaman ang kasiyahan ko,” pangangatuwiran naman ni Lando sa asawa.
“Akala mo ba, sapat na ’yon? Hindi pera mo ang kailangan namin, kundi ikaw mismo!” Binato siya ni Sophia ng unan at kumot. “Diyan ka matulog sa sofa ngayong gabi at isipin mo ang kasalanan mo!”
Ngunit talagang matigas na ang mukha ni Lando. Kinabukasan, pagkagising pa lang ay dumiretso na si Lando sa isang casino at doon ay nagsayang na naman siya ng pera. Nawaldas ang lahat ng kaniyang dala. Pagkatapos magsugal ay dumiretso na siya ng pasok sa opisina.
Nagkaroon ng meeting ang mga boss ni Lando at napag-alaman niyang kinakailangan magtanggal ng tauhan ang kanilang kompanya sapagkat nagsimula na itong humina.
Hapon na nang nakatanggap ng tawag si Lando mula sa kaniyang asawa. Dinala sa raw sa ospital ang kaniyang bunsong anak na si Daisy. Agad naman na sumugod si Lando sa ospital upang makita ang kalagayan nito.
Napag-alaman ng mag-asawa na may sakit sa dugo ang kanilang bunsong anak. Magkakaroon ng buwan-buwang gamutan si Daisy at aabutin sa ilang daang libo ang gagastusin nila rito!
“Pasensya na, Lando. Isa ka sa mga napiling tanggalin ng kompanya.” Iyon ang balitang bumungad sa kaniya sa pagpasok niya sa opisina kinabukasan. Agad namang nanlumo si Lando sa narinig.
“S-sir, h-hindi n’yo po ako pwedeng tanggalin ngayon! Kailangan ko po ng trabaho! M-may malubhang sakit ang anak ko! Parang-awa niyo na sir,” pagmamakaawa ni Lando sa kaniyang boss ngunit iling lang ang tanging naisagot nito sa kaniya.
“Pasensiya ka na, Lando. Wala na akong magagawa pa.” Tinapik pa siya nito sa balikat bago tumalikod.
Nanlulumo si Lando sa mga nangyayari sa kaniya. Nagkaroon ng sakit ang kaniyang anak, Natanggal siya sa kaniyang trabaho at malaking pera ang nawala sa kaniya noong nagsugal siya sa casino. Sa tingin ni Lando ay pinaparusahan siya dahil hindi na niya binibigyan ng oras ang kaniyang pamilya.
Ibinenta ni Lando ang kaniyang sasakyan upang magkaroon ng kapital sa pagpapatayo ng negosyo, habang ang natanggap niya namang separation pay mula sa dating pinagtatrabahuhang kompanya ay inilaaan niya sa pagpapagamot kay Daisy.
Ginawa ni Lando ang lahat upang makabawi sa kaniyang mag-iina, lalo na sa anak ni Daisy. Ngunit habang tumatagal ay tila lalong bumibigat ang kaniyang pasanin.
Patuloy pa rin ang gamutan ni Daisy para sa kaniyang sakit, ngunit sa nakikita ni Lando ay tila ba ito na rin ang kusang sumusuko. Ibinalita kasi sa kanila ng doktor na hindi na raw lumalaban si Daisy at hindi na kinakaya ng chemotherapy nito ang kaniyang sakit.
Halos manlumo si Lando lalo’t wala pa ring pag-usad ang negosyong sinubukan niyang pasukin. Mababa pa rin ang kita sa restawran na kaniyang ipinatayo. Dahil doon ay sinubukan niyang ipahawak iyon sa kaniyang asawang si Sophia.
Madalas ay umiiyak si Lando sa tabi ng anak na si Daisy habang hawak ang kamay nito. Nagsisisi siya sa mga panahong sinayang niya sa mga bagay na walang kakwenta-kwenta. Anumang oras mula ngayon ay maaaring mawala ang kaniyang anak sa kaniya, at nanghihinayang siyang hindi niya nilubos ang panahon habang kasama niya pa ito.
Ibinuhos ni Lando ang kaniyang mga dasal upang tulungan ang kaniyang anak, kasabay ng kaniyang lubos na pagsisisi.
Mabuti na lamang at tila dininig ng Panginoon ang kaniyang mga dalangin at simula noon ay nag-umpisang bumuti ang kalagayan nito! Bukod pa ro’n ay nagsimula na ring dumami ang mga kostumer na dumadalaw sa kanilang kainan!
Muli ay bumalik sa dati ang buhay ng pamilya nina Lando. Sa katunayan nga ay lalo pa itong naging maalwan ngayon, lalo pa at nagtatrabaho na ulit si Lando, habang ang asawang si Sophia naman ang nag-aasikaso sa kanilang negosyo. Abala man sa pagtatrabaho, hindi na kailan man kinalimutan pa ni Lando na bigyan ng oras ang kaniyang pamilya, dahil ngayon, alam na alam na niya ang halaga nito. Hindi niya malilimutan ang leksyong itinuro sa kaniya ng kaniyang minsang pagkatalo.