Inday TrendingInday Trending
Pinagtangkaan ng Tuberong Ito ang Dalagang Kustomer, Makaiskor kaya Siya Rito?

Pinagtangkaan ng Tuberong Ito ang Dalagang Kustomer, Makaiskor kaya Siya Rito?

“Mukhang araw-araw ka nang may trabaho ngayon, pare, ha? Saan ang raket mo ngayon? Isama mo naman ako, wala na akong mapakain sa mag-iina ko, eh!” wika ni Arnold sa kaniyang kaibigan, isang hapon nang makasalubong niya itong may bitbit-bitbit na mga gamit sa pag-aayos ng tubo.

“Naku, hindi pwede sa’yo ang trabaho ko, pamilyado ka nang tao, eh! Baka hindi mo kayanin ang temptasyon kapag nakita mo ang pinagsisilbihan kong dalaga!” patawa-tawang sagot ni Jerald dahilan para mapailing ang kaniyang kaibigan.

“Sabi na nga ba, eh, may pinupuntirya ka na namang dalaga, eh! Sinasadya mong masira ang tubo ng bahay niya para araw-araw kang may trabaho at upang makita mo siya, ano?” paninigurado nito na ikinatawa niya.

“Kilalang-kilala mo na talaga ako, pare! Syempre, kailangan kong kumita at makakita ng ganoong klaseng dalaga, eh! Sa katunayan, balak ko na siyang tikman ngayong gabi kapag tinawagan niya ako!” pagmamalaki niya pa rito habang kumekendeng-kendeng.

“Iba ka rin talaga! Kuhanan mo ng bidyo, ha, para mapanuod ko!” wika nito na lalo niyang ikinahagalpak.

“Walang problema!” kumpiyansado niyang sabi habang iniisip ang maaaring mangyari sa pagitan nila ng naturang dalaga.

Isang kilalang tubero sa kanilang lugar ang lalaking si Jerald. Kada may masisirang tubo kung saan mang parte ng kanilang lalawigan, siya kaagad ang nakakatanggap ng tawag mula sa mga kustomer na nangangailangan ng tulong.

Hindi kataka-takang agad siyang pinagkakatiwalaan ng mga tao dahil sa galing niyang magkumpuni ng mga barado at sirang tubo at bukod pa roon, simula pa lang kasi nang siya’y tumuntong sa legal na edad hanggang ngayong apat na pung taon na siya, ito ang kaniyang pinagkakakitaan.

Ngunit, may pagkamalisyoso nga lang siya na hindi kaagad nakikita ng kaniyang mga kustomer. Lalo na, kapag mag-isa at magandang dalaga ang naging kustomer niya. Hindi maaaring hindi siya babalik sa bahay nito upang muli itong mapagmasdan dahilan para hindi niya ibigay ang magandang kalidad ng gawa nang sa gayon, siya’y muling tawagan. Katulad na lang ng ginawa niya sa pangkasalukuyan niyang kustomer na bagong salta sa kanilang lugar. Unang kita niya pa lang dito, hindi na niya maalis sa isip ang ganda ng dalaga.

Kaya naman, imbis na ayusin ang tubo nito, lalo niya itong sinira upang makabalik siya nang gabi sa bahay nito.

Katulad ng inaasahan niya nang gabing iyon, muli siyang tinawagan ng dalaga.

Daing nito, “Manong, ‘yong tubo ng lababo ko sira na naman!” kaya siya’y nagdali-daling magpunta rito bitbit-bitbit sa utak ang masama niyang balak.

Pagdating niya sa bahay nito, agad siyang nagtungo sa kusina nito. Habang siya’y pinagmamasdan ng dalagang magkumpuni, roon na niya tuluyang hindi napigilan ang sarili.

Pinalapit niya ito upang kunwari’y magpatulong, pero, paglapit nito, agad niyang tinakip sa ilong nito ang panyong may pangpatulog.

Ngunit hindi niya lubos akalain ang mga sumunod na nangyari dahil agad na nakakalas sa kaniyang mahigpit na pagkakayakap ang dalaga dahilan para hindi nito tuluyang maamoy ang panyong hawak niya.

“Subukan mong sumigaw, katapusan na ng buhay mo!” banta niya rito.

“Bakit pa ako sisigaw kung kaya naman kitang patumbahin, manong?” patawa-tawa nitong sambit saka agad siyang nilapitan at sinikmuraan gamit ang isang napakalakas na sipa.

Gaganti pa lang sana siya sa dalaga nang muli na naman siya nitong sinipa sa tiyan na sinundan pa nito ng isang malakas na suntok sa kaniyang panga dahilan para siya’y tuluyang mawalan ng malay.

Nagising na lang siyang nakatali ang kaniyang mga kamay ng sarili niyang damit habang siya’y nasa harap ng mga pulis sa presinto. Nasa tabi niya ang dalagang nakikipagtawanan pa sa mga pulis habang pinanunuod ang bidyong nakuhanan ng CCTV camera sa bahay nito.

“Mukhang mali ka ng pinuntirya ngayon, manong, ha? Kung minamalas ka nga naman! Natapat ka sa isang dalagang nag-aaral ng taekwondo!” kantyaw ng isang pulis sa kaniya habang pinag-iisipan ang kasong maaaring isampa sa kaniya na labis niyang ikinahiya’t ikinakaba.

At dahil nga sa tibay ng ebidensyang hawak ng biktima, siya’y tuluyang nakulong na grabe niya talaga pinagsisihan.

Wika niya habang humahagulgol sa selda, “Kung hindi lang sana ako nagpaapekto sa makamundong utak ko, sana, nakakapagtrabaho pa rin ako nang marangal ngayon.”

Tayo’y nahaharap sa mga temptasyon upang masubok kung anong klaseng tao talaga tayo, kung ikaw ay magpapaapekto at tutugon dito, tiyak na ang kapahamakan mo.

Advertisement