
Utos ng Alkalde na Lumpuhin ang Nangwasak sa Puso ng Kaniyang Anak, Ito Rin kaya ang Kagustuhan ng Anak Niya?
“Sigurado ka na bang ipapab*gbog natin ang dating nobyo ng anak mo, boss?” paninigurado ni Cardo sa kaniyang amo, isang umaga bago niya gawin ang pinag-uutos nito.
“Sigurado pa sa sigurado, Cardo. Gusto ko nga ako mismo ang bum*gbog sa lokong ‘yon, eh! Hindi ko alam kung anong mali sa anak ko para harap-harapan niyang lokohin sa loob pa mismo ng ibinigay kong bahay sa kanilang dalawa! Napakakapal ng pagmumukha!” galit na sagot ni Sulpicio saka agad na nilukot ang hawak na diyaryo.
“Paano kapag nalaman ng anak mo na ikaw ang utak sa likod no’n, boss?” tanong nito na ikinataas ng kilay niya.
“Bakit? May balak ka bang magpahuli?” masungit niya ring tanong dito.
“Wala po,” nakatungong sagot nito dahil sa takot.
“Mabuti, riyan na lang ako makakabawi sa anak ko. Kahit na hindi kami ganoon kalapit no’n dahil sa pagkasubsob ko sa trabaho, hinding-hindi ko kayang makita siyang araw-araw na umiiyak dahil sa isang pangit na lalaki! Kaya ikaw, gawin mo ang lahat upang mab*gbog ‘yon. Ayos lang kahit tuldukan niyo na ang buhay no’n!” utos niya pa kaya agad nang napatayo sa kinauupuan ang lalaki at naghanda na sa kaniyang pinagagawa.
“Masusunod po, boss!” sambit nito saka tuluyan nang lumabas sa kaniyang opisina.
Alkalde ng kanilang bayan ang padre de pamilyang si Sulpicio. Bata pa lang ang nag-iisa niyang anak na dalaga, sinumulan na niya ang paglilingkod sa bayan. Kahit anong pangyayari sa buhay ng nag-iisa niyang anak, palagi siyang wala sa tabi nito dahil nga siya’y aligaga sa kaniyang mga responsibilidad bilang isang alkalde.
Kahit nga nang mawala ang kaniyang asawa dahil sa isang malubhang sakit, ni hindi niya nagawang damayan sa pagluluksa ang noong sampung taong gulang niyang anak.
Makita man niya itong umiiyak sa isang sulok, hindi niya ito magawang kausapin o kahit yakapin man lang.
Ito ang dahilan para malayo nang tuluyan ang loob nito sa kaniya. Kahit anong problemang kinahaharap nito, hindi ito nagsasabi sa kaniya o kahit humihingi man lang ng tulong dahilan para labis siyang makonsensya.
Kaya naman, nang mabalitaan niyang niloko ito nang kinakasamang binata, agad siyang nagpasiyang ipab*gbog ito sa kaniyang mga tauhan. Ito ang tanging paraan na naiisip niyang upang matugunan ang sakit na nararamdaman ng kaniyang anak.
Ngunit nang araw na ‘yon, pagkaalis ng kaniyang tauhan, agad din itong bumalik sa loob ng kaniyang opisina na kaniyang pinagtaka.
“O, napatumba mo na ba agad?” tanong niya rito at laking gulat niya nang makitang nasa likod nito ang galit niyang anak.
“Wala ka na bang naiisip na magandang gawin? Tingin mo ba magiging masaya ako kapag may sinaktan kang tao dahil sa akin? Wala ka ba talagang puso?” galit na tanong nito sa kaniya na hindi niya nasagot dahil agad na itong nagdabog, “Makakaramay ang kailangan ko, papa, hindi ‘yang iniisip mo!” sigaw pa nito sa kaniya na labis niyang ikinatungo.
Labis na humagulgol sa harapan niya ang dalaga dahilan para lapitan niya ito at yakapin nang mahigpit habang humihingi ng tawad dito.
“Pasensya ka na, anak, siguro nga hindi na nakakapag-isip nang tama si papa,” wika niya saka muli itong niyakap.
Doon niya napagtantong ito ang unang pagkakataon na mayakap niya ang kaniyang anak na talagang nagbigay sa kaniya nang labis na saya at pangongonsenya.
Katulad ng nais ng kaniyang anak, pinatigil niya ang planong pagpapab*gbog sa binata at siya’y nanatili sa tabi nito.
Dinala niya ito sa isang malayong lugar at doon niya ito sinamahang mag-inom, magliwaliw, at marami pang gawaing hindi niya pa nagagawa kasama ang dalaga.
“Ang sarap pala talaga sa pakiramdam na makasama at madamayan ang anak sa mga araw na wala siyang makapitan. Salamat naman at napagtanto ko na ito ngayon,” wika niya sa sarili habang pinagmamasdan ang anak niyang mag-ihaw ng kinatay niyang manok.
Simula noon, natuto na siyang magbalanse ng kaniyang oras. Hinati niya ang sarili niya upang matugunan ang parehong responsilidad niya sa bayan at sa nag-iisa niyang anak. Sa ganoong paraan, naaalagaan na niya ang kaniyang mga taong bayan, napapakitaan niya pa nang lubos na pagmamahal ang kaniyang anak na dalaga.
Ito ang tanging rason kung bakit simula nang araw na iyon, tuluyan nang mapalapit sa kaniya ang dalaga na labis na ikinataba ng puso niya.