Inday TrendingInday Trending
Kinukunsinti ng Ginang na Ito ang Pagiging Babaero ng Anak, Sakit Tuloy ang Naging Dulot Nito sa Kanila

Kinukunsinti ng Ginang na Ito ang Pagiging Babaero ng Anak, Sakit Tuloy ang Naging Dulot Nito sa Kanila

“Mama, nalaman na yata ni Cristie na may iba akong dinadalang babae rito sa bahay. Ano pong dapat kong gawin? Ayoko pong mapahiya. Sigurado akong ipapahiya niya ako sa social media kapag napatunayan niyang niloloko ko siya!” kabang-kabang sambit ni Ken sa nanay niyang naghuhugas ng pinggan.

“Paano niya nalaman? Tayong dalawa lang naman ang tao rito sa bahay na nakakakita na may bagong kang babaeng dinadala rito,” pagtataka ni Agnes habang patuloy sa kaniyang ginagawa.

“Nakita raw po kami ng kaibigan niya sa isang restawran. Sabi ko na lang po pinsan ko ‘yon pero hindi ko alam kung naniwala siya. Natatakot po ako, mama,” kwento pa nito na kaniyang ikinailing.

“Akong bahala roon! Hindi kita masisisi kung maghahanap ka ng iba dahil napakapangit ng dalagang iyon! Ayokong magkaapo sa kaniya. Kapag sinugod ka rito o pinahiya, ako ang haharap!” sagot niya sa anak dahilan para siya’y yakapin nito at labis na magpasalamat.

Kinukunsinti ng ginang na si Agnes ang masamang gawain ng kaniyang anak. Kahit na kasi may nobya na ito, mayroon pa rin itong dinadalang ibang babae sa kanilang lugar. Kung minsan pa, roon sa kanila natutulog ang bagong babae at sa tuwing magtatanong ang nobya nito sa kaniya, gagawin niya ang lahat upang pagtakpan ang anak.

Mahal na mahal niya kasi ang anak niyang ito dahilan para kahit alam niyang mali na ang ginagawa nito, siya’y nagbubulag-bulagan upang matugunan lamang ang kasiyahan nito.

Sa katunayan, simula pa lang noong bata pa ito, sinimulan na niya ang pagtatakip sa kasalanan nito. Nagawa kasi nitong kuhanin ang selpon ng guro at nang siya’y komprontahin nito, imbis na magpakumbaba, sinisi niya pa ang kaburaraan at pagiging pababaya nito upang malinis ang pangalan ng anak.

Nadala niya ang ugaling ito hanggang ngayon na binata na ang kaniyang anak at kung sino-sinong babae na ang dinadala sa kanilang bahay.

Nang araw na ‘yon, katulad ng inaasahan niya, sumugod nga sa kanilang bahay ang nobya ng kaniyang anak. Sakto namang naroon din ang bagong babae nito dahilan para hindi niya ito papasukin ng kanilang bahay.

“Hanggang kailan niyo po pagtatakpan ang ugaling aso niyong anak?” galit na tanong nito sa kaniya.

“Maghinay-hinay ka sa pananalita, hija, baka hindi kita matantiya! Pasalamat ka nga at nagawa kitang tanggapin bilang nobya niya kahit napakapangit mo! Kung ako sa’yo, maghanap ka na lang ibang lalaking mabubulag sa itsura mo!” sigaw niya rito.

“Ah, ganoon po ba?” wika pa nito, saka agad na tinutok sa kaniya ang hawak na selpon, “Pinapakilala ko nga pala sa inyong lahat ang kunsintidor na nanay na si Agnes. Kahit anong gawin ng anak niya, pagtatakpan niya. Gaano siya kat*ngang ina?” wika pa nito at doon niya napagtantong naka-live pala ito sa social media.

Napatulala siya habang binabasa nang malakas ng dalaga ang mga masasamang komento tungkol sa kaniya. Sa pagkatulala niya, nagawa ng dalagang makapasok sa kanilang bahay at huling-huli nito ang kaniyang anak na mayroon ngang kasamang iba.

Katakot-takot na sigawan ang kaniyang narinig dahilan para agad siyang sumunod sa kwarto nito kung saan binub*gbog na ng dalaga ang anak niya at ang kasama nitong dalaga.

Dahil nga hindi na niya alam ang gagawin, siya’y tumawag ng mga tanod upang patigilin ang kaguluhang ito sa sarili niyang bahay.

Naawat man nila ang dalaga, katakot-takot na mga panghuhusga naman ang kaniyang natamo. Kahit mga kaibigan niya, kapitbahay nila, at ilang kaanak, nagalit sa ginagawa niya para lamang pagtakpan ang maling gawain ng kaniyang anak.

At dahil sumikat na sa social media ang ginawa niya at ang mukha ng kaniyang anak pati ang bagong kinakasama nito, napag-alaman niyang ang dalagang ito pala ay positibo sa kumakalat na sakit at nagtatago lang upang huwag gumastos nang malaki sa ospital na labis niyang ikinagulat at pinagsisihan.

Ito ang dahilan para silang mag-ina ay magpositibo rin sa sakit at milagrosong hindi nahawa ang totoong nobya ng kaniyang anak.

“Ito na po ba ang karmang bigay sa akin? Pakiusap, tulungan Mo kaming makabayad sa ospital na ito at gumaling,” iyak niya sa Panginoon, habang hirap na hirap huminga.

Simula noon, kinumbinsi niya ang sarili na huwag na muling kunsintihin ang anak dahil wala itong magagawang mabuti sa kanilang buhay. Napag-isip-isip niya ring hindi natutulog ang karma at dapat niya itong katakutan.

Advertisement