Inday TrendingInday Trending
Pinagmataasaan ng Ginang na Ito ang Dating Nobya ng Anak, Mas Matagumpay Pa Pala ito Kaysa sa Kanila

Pinagmataasaan ng Ginang na Ito ang Dating Nobya ng Anak, Mas Matagumpay Pa Pala ito Kaysa sa Kanila

“Hello po, tita, mano po,” bati ni Jelay sa ina ng dati niyang nobyo, isang hapon nang makita niya ito sa isang restawran at masayang kumakain kasama ang mga amiga nito.

“Ay, naku, huwag ka nang magmano sa akin, hindi ka na naman nobya ng anak ko. Nabalitaan mo na bang kinasal na ang anak ko at mayroon na rin silang anak ng babaeng ipinalit niya sa’yo?” tuloy-tuloy na sagot ni Sally sa dalaga dahilan para pilit itong mapangiti sa kaniya.

“Opo, nabalitaan ko po iyon at masaya po ako para sa kanila,” wika nito habang nakangiti.

“Aba, dapat ka lang talagang maging masaya dahil simula nang mawala ka sa buhay ng anak ko, napakaraming swerte ang dumating sa kaniya! Sa katunayan nga, maganda na ang buhay namin ngayon dahil sa kanilang mag-asawa!” pagmamalaki niya pa, nakita niya ang maluha-luhang mata ng dalaga na kaniyang ikinangisi.

“Mabuti naman po kung ganoon,” tipid nitong tugon nang maramdamang nakatingin na sa kanilang dalawa ang mga kasama niyang amiga.

“Napakabuti talaga! Ikaw? Kumusta ka na? Dito ka ba nagtatrabaho? Bakit hindi ka naman nagsumikap sa buhay? Ayan tuloy, waitress ka pa rin!” pangmamata niya rito saka agad niyang kinuha ang wallet niya upang bigyan niya ito ng tip.

Wala nang mas sasaya pa sa ginang na si Sally sa tagumpay na naabot ng kaniyang anak kasama ang pinakasalang dalaga nito. Kung dati ay sa isang barong-barong lamang sila nakatira sa may tabi ng dagat, ngayon ay mayroon na silang bahay at lupa, sasakyan, at isang grocery store.

Ito ang dahilan para ganoon niya ipagmalaki ang sipag at tiyagang mayroon ang anak niya at ang asawa nito. Laking pasasamalat niya pang hindi ang dating nobya ng kaniyang anak na dating waitress at mahirap din katulad nila ang nakatuluyan ng kaniyang anak dahil kung hindi, ayon sa kaniya, baka siguro hanggang ngayon, sila’y naghihirap sa tabi ng dagat.

Kaya naman, nang makita niyang isa pa ring waitress hanggang ngayon ang dating kasintahan ng anak, agad niya itong minaliit sa harap ng mga mayayamang niyang amiga na nakilala niya sa zumba.

Nakita at naramdaman man niyang hindi na ito komportable sa kaniyang mga sinasabi, kumuha pa siya ng isang libong piso upang tuluyan itong mapahiya.

Ngunit, bago pa niya maiabot dito ang kinuhang pera, bigla na itong napalibutan ng mga naglalakihang mga kalalakihan.

“Nandito lang po pala kayo, madam, kanina pa po namin kayo hinahanap,” wika ng isang lalaki sa likod nito dahilan para usisain niya ito.

“Madam? Bakit ka nila tinatawag na madam? Ikaw ba ang pinuno ng mga waitress dito? Ang galing naman, kahit papaano tumaas ang ranggo mo!” patuloy niyang pangmamaliit dito.

“Maghinay-hinay po kayo sa panghuhusga, ma’am. Para lang po sa kaalamanan niyong lahat, siya po ang may-ari ng restawran na ito na mayroong nang humigit kumulang isang daang branches sa buong Pilipinas,” sagot sa kaniya ng naturang lalaki na ikinalaki ng mga mata niya.

“Naabot ko po ito lahat nang mawala kayo sa buhay ko,” dagdag pa ng dalaga saka agad na umalis sa harapan niya na lubos niyang ikinahiya sa mga kasama niyang amiga.

Doon muli niyang naalala na ang dalagang ito pala ang bumubuhay sa kanila ng kaniyang anak noon. Lalo pa nang matigil siya sa pagtitinda ng isda at mawalan ng trabaho ang kaniyang anak.

Sa pagkahiya niyang iyon, agad siyang nagyayang umuwi at ito’y ikinuwento sa kaniyang anak.

“Opo, mama, mas matagumpay na po talaga iyon sa akin. Ibang klase po ang talino at tiyaga ng babaeng iyon. Sa katunayan po, siya ang nagpahiram ng pera sa aming mag-asawa para makapagsimula kami. Napakabuti niya po, mama, sana hindi niyo siya pinahiya at minaliit,” sambit ng kaniyang anak kaya lubos siyang nakaramdam ng kahihiyan.

Ginawa niya ang lahat upang muling makausap ang dalaga. Gustong-gusto niyang humingi ng tawad at magpasalamat dito at dahil nga likas na ang kabaitan nito, agad siya nitong kinita.

“Pasensya ka na talaga sa akin, ha? Masyadong lumobo ang ulo ko sa tagumpay ng anak ko,” tapat niyang sambit dito.

“Ayos lang po iyon, ang mahalaga po, napagtanto niyo ang pagkakamali niyo. Mas mabuti pong putukin niyo ang paglobo ng ulo niyo upang mas dumami ang grasyang lalapit sa inyo,” payo nito na talagang buong puso niyang tinanggap.

Simula noon, wala na siyang taong pinagmataasaan na talagang nagbigay sa kaniya ng saya dahil mas dumami ang kaniyang mga kaibigan.

Advertisement