Inday TrendingInday Trending
Pinagpalit ng Binatang Ito ang Nobya para sa Mamahaling Sasakyan, Nabigla Siya sa Sumunod na Nangyari

Pinagpalit ng Binatang Ito ang Nobya para sa Mamahaling Sasakyan, Nabigla Siya sa Sumunod na Nangyari

“Pare, ayan na ba ‘yong dati mong matabang nobya? Hindi ko nakilala, ha? Sobrang ganda na niya ngayon at napakasexy pa! Anong ginawa mo riyan, ha? Siguro, inaraw-araw mo, ano?” patawa-tawang wika ni Glen sa matalik na kaibigan habang sinisipat-sipat ang nobya nito, isang gabi habang sila’y nagkakasiyahan sa isang pagmamay-ari niyang condo.

“Hoy! Hindi, ha! Matagal nga kaming hindi nakapagsama niyan dahil umuwi ‘yan sa probinsya nila nang makatanggap siya nang samu’t saring panghuhusga rito sa Maynila,” kwento ni Benedict habang nakatingin din sa dalaga.

“Teka, hindi ba’t pangarap mong magkaroon ng sasakyan katulad ng akin?” pag-iiba nito ng usapan dahilan para siya’y mapangiti.

“Oo, pare, Diyos ko, matagal ko nang pinapanalangin ‘yon!” sabik na sabik niyang sagot.

“Gusto mo bang bilhan kita ng gano’ng klaseng sasakyan?” alok nito na ikinalaki ng mga mata niya.

“Aba, sino ba namang aayaw sa gan’yang alok?” tanong niya rito nang may mga ngiti sa kaniyang labi.

“Basta, papayagan mo akong malambing ang nobya mong ‘yan na napakaganda?” wika nito na ikinangisi niya.

“Hinaan mo lang ang boses mo! May taingang daga ‘yan! Syempre, papayag ako! Isang gabi lang naman, eh, saka kaibigan naman kita!” agaran niyang sambit dahilan para magtalunan silang dalawa sa tuwa.

Simula pa lang nang magkatrabaho ang binatang si Benedict sa Maynila, inggit na inggit na siya sa buhay ng natagpuan niyang kaibigan doon na si Glen. Kahit kasi hindi ito maghirap magtrabaho katulad niya, kayang-kaya ng mga magulang nitong ibigay ang lahat ng mga luho nito.

Sa katunayan, sa edad na bente dos anyos katulad niya, mayroon na itong napakalaking condo, matabang bulsa, at ang pinakakinaiinggitan niya, ang mamahalin nitong sasakyan na kasya ang kaniyang buong pamilya.

At upang bahagya ring makatamasa ng marangyang buhay, palagi siyang nakaaligid dito. Sa condo na nga nito siya nakikitira at pati pangkain niya, ito na rin ang nagbibigay na labis niyang ikinatutuwa dahil buo niyang napapadala sa kaniyang pamilya ang sinasahod niyang pera.

Sa pagkainggit na kaniyang nararamdaman, agad siyang napapayag nitong ipahiram ang kaniyang magandang nobya kapalit ng mamahaling sasakyan. Katwiran niya, “Isang gabi lang naman, hindi na mararamdaman ng nobya ko ‘yon. Lalo na kung lalasingin ko siyang maigi,” dahilan para agad niyang gawin nang gabing iyon ang planong lasingin ang naturang dalaga.

Pinainom niya ito nang pinainom ng alak. Sinabihan niya pa itong doon na sa condong iyon magpalipas ng gabi kasama siya na agad naman nitong sinang-ayunan.

Nang matantiya niyang langong-lango na ang dalaga, agad niyang sinenyasan ang kaniyang kaibigan at ito’y pinasok na sa silid nito.

Kaya lang, bago ito mahalikan ng kaniyang kaibigan, may mga pulis na biglang kumatok sa condo nito na kanilang ikinabiglang lahat.

“Gulat kayo, ‘no? Akala niyo ba maiisahan niyo ako?” sambit ng dalaga saka pinarinig sa kanila ang record ng kanilang usapan sa selpon nito.

“Te-teka, mahal, nagkakamali ka ng iniisip!” tangi niya habang siya’y pinapalibutan na ng mga pulis.

“Probinsyana ako pero hindi ako t*nga, Benedict! Paano mo nasikmurang ipagpalit ako sa isang mamahaling sasakyan? Gano’n ka ba talaga kainggit sa buhay ng walang konsensyang lalaking ito?” sigaw pa nito sa kaniya kaya siya’y napatungo na lamang.

Katulad ng nais ng dalaga, dinala silang magkaibigan sa pulisya at kahit anong suhol ng kaibigan niya rito upang huwag magsampa ng kaso, nagmamatigas ito at nais silang ikulong.

Labis na rin siyang nagmakaawa rito at humingi ng tawad ngunit kahit anong sabihin niya, siya’y tinataboy nito at nagawa pang tawagan ang kaniyang mga magulang upang isumbong ang kamaliang ginawa niya.

Galit na galit siyang kinausap ng kaniyang mga magulang at kahit sarili niyang ama, nais siyang ipakulong dahil sa kaniyang ginawa.

“Hindi kita pinalaki ng gan’yan, Benedict! Kahit na mahirap lang tayo, ni minsan hindi kita tinuruan maging gan’yang klaseng nobyo!” sigaw nito sa kaniya sa selpon na labis niyang ikinaiyak.

At dahil sa hawak na ebidensya ng dalaga, tuluyan nga silang nakulong na dalawa. Maaari man silang magbayad ng piyansa, ilang buwan munang silang ikukulong bago ito mangyari na talagang kaniyang pinagsisihan.

“Napahiya na ako sa mga magulang ko, nawala pa sa akin ang pinakamamahal kong dalaga! Bakit ba kasi ako agad nagpadala sa tukso?” galit niyang sigaw sa kaniyang selda dahilan para agad na humingi ng tawad ang kaniyang kaibigan.

Naging aral sa kaniya ang pangyayaring iyon. Kaya kahit hirap man siyang tanggapin ang lahat ng kapalit ng gawaing iyon, siya’y nagpatuloy sa buhay sa kabila ng napakaraming panghuhusga.

Advertisement