Inday TrendingInday Trending
Ilang Kompanya na ang In-applyan ng Dalaga Ngunit Bigo pa rin Siya; Mabigyan pa Kaya Siya ng Tiyansa?

Ilang Kompanya na ang In-applyan ng Dalaga Ngunit Bigo pa rin Siya; Mabigyan pa Kaya Siya ng Tiyansa?

Pagkababa ni Yasmin ng jeep ay agad niyang inayos ang palda niya na bahagyang nagusot. Nais niya kasing maging presentable para sa kaniyang job interview.

Sa totoo lang, simula noong grumaduate siya sa kolehiyo ay higit dalawampung kompanya na yata ang nasubukan niya.

Subalit hindi pa rin siya pinapalad na mapili. Paano ba naman, sadyang napakarami talaga sa mga kasabayan niya ang higit na may ibubuga kumpara sa kaniya.

Nalulungkot man kung minsan ay nananatili siyang positibo. Naniniwala kasi siya na darating din ang trabaho na inilaan para lamang sa kaniya.

“Good morning po,” kimi niyang bati sa guwardiya ng gusali, na sinagot naman nito ng isang matamis na ngiti.

“Magandang umaga po, Ma’am,” sagot pa nito.

Marahan ang lakad ni Yasmin papunta sa silid kung saan gaganapin ang interview niya. Mabilis kasi ang naging biyahe niya kaya naman nakarating siya nang maaga.

Nang makakita siya ng CR ay pumasok siya roon upang mag-ayos ng sarili. Pakiramdam niya kasi ang gulo-gulo na ang kaniyang makeup dahil sa pakikipagsiksikan niya kanina sa biyahe.

Pagpasok niya ay naabutan niya ang isang magandang babae na sa tingin niya ay ilang taon lamang ang tanda sa kaniya.

May kausap ito sa telepono. Bahagya pa nga siyang nagulat nang tumaas ang boses nito.

“Makikipaghiwalay ka sa akin sa telepono? Bakit hindi tayo mag-usap nang maayos?” halos bulyawan nito ang kausap.

Nais niya man magpat*y malisya ay hindi niya magawa dahil malakas ang boses ng babae. Mabuti na nga lang at silang dalawa lamang ang tao sa loob ng CR.

Inabala niya ang sarili sa pag-aayos ng pawisan niyang mukha. Ngunit maya-maya lang narinig niya ang mahinang paghikbi ng babae. Wala na ang kausap nito sa telepono.

Aabutan niya sana ito ng tissue subalit wala siyang nakita. Wala sa loob na kinuha niya ang kaniyang panyo at iniabot sa babae, na tinanggap naman nito.

“S-salamat,” sumisigok-sigok pang sabi ng babae.

Tumango siya. Tahimik siyang naghintay, nahinuha na kailangan nito ng makakausap. Natutunan kasi niya mula sa kaniyang ina na damayan ang mga taong may mabigat na dinaramdam.

Nang mukhang nahihimasmasan na ang babae ay saka lamang ito nagsalita.

“Salamat. Pasensya ka na at narinig mo pa ‘yung drama ko,” natatawang turan nito.

“Wala ‘yun. Wala ka namang ginagawang masama. Hindi mo naman ako naabala. Minsan kailangan talaga nating umiyak para mailabas natin lahat, saka tayo lalaban ulit,” aniya.

“Salamat sa panyo. ‘Yung walang hiyang ex ko, nakipaghiwalay ba naman sa telepono,” naiiling na kwento nito, tila nais ilabas ang sama ng loob.

Napangiti si Yasmin. Magaan ang loob niya sa babae lalo pa’t mukha itong palakaibigan.

“Aba, kung ganoon, kahit ako ay ngangalngal nga! Iiyak mo lang, hanggang sa handa ka nang harapin ulit ang buhay,” payo niya sa babae.

Muli ay natawa ito. “Talaga? Mukhang sanay na sanay ka na rin sa pag-iyak, ha?” biro ng babae.

Si Yasmin naman ang pagak na natawa. “Naku, sinabi mo pa! Alam mo ba na lampas dalawampu na ang kompanya na pinag-applyan ko? Ni isa, walang gustong tumanggap sa akin.” Hindi niya na maiwasang magkwento.

“Talaga? Napakasipag mo namang mag-apply! Ano sa tingin mo ang dahilan kaya hindi ka natatanggap?” tila interesadong usisa ng babae.

Napailing na lang si Yasmin.

“Siguro may mga tao lang talaga na higit sa akin? Basta, kailangan ko lang ng isang tao na magtitiwala sa kakayahan ko. May ibubuga naman ako. Masipag ako, hindi nale-late. Hindi rin ako pasaway. Sana lang makita nila ‘yun. Kailangan ko lang talaga ng pagkakataong matanggap para maipakita ang lahat ng iyon.” Napabuntong hininga siya.

Nang mapansin niya na matamang nakatingin sa kaniya ang babae ay hindi niya maiwasang mapahiya.

“Naku, sorry ha. Ako dapat ang makikinig sa’yo dahil ikaw ang may problema, pero ikaw pa ang nakinig sa mga reklamo ko sa buhay,” nahihiya niyang anas.

“Wala ‘yun. Nakinig lang ako gaya ng pakikinig mo sa akin,” nakangiting pahayag ng babae.

Nang sumulyap ang babae sa relo nito ay noon niya natutop ang kaniyang bibig. May interview nga pala siya!

“Hala! Late na ako!” natataranta niyang bulalas bago mabilisang nagpaalam sa babae at halos magtatakbo palabas upang hindi siya mahuli sa kaniyang interview.

Isang minuto na lamang at interview niya na, subalit puno ang elevator. Kinailangan niyang takbuhin ang ikapitong palapag. Nang makarating siya ay late na siya ng limang minuto.

At agad na lumaylay ang kaniyang balikat nang marinig niya ang sinabi ng guwardiya.

“Mahigpit ho ang patakaran. Hindi na ho nagpapapasok ng mga na-late,” paliwanag nito.

Paulit-ulit siyang nakiusap subalit matigas talaga ang naging desisyon ng guwardiya.

Hindi maiwasan ni Yasmin na maiyak sa labis na pagkadismaya. Ilang beses pa ba siyang mabibigo?

Naglalakad na siya palayo nang isang pamilyar na tinig ang pumailanlang sa tahimik na lobby.

“Miss! Sandali, ‘wag ka munang umuwi!”

Nang lingunin niya ang nagmamay-ari ng tinig ay nakita niya ang babae na kausap niya sa CR kani-kanina lang.

“Bakit?” takang tanong ni Yasmin sa babae.

“Basta, pumasok ka na sa interview room,” anito bago nagmamadaling pumasok sa silid kung saan dapat gaganapin ang interview niya.

Nang lingunin niya ang guwardiya ay tumango na rin ito at iminuwestra na pumasok na siya. Nagtataka man ay iyon ang ginawa niya.

Nang makapasok siya ay nanlaki ang mata niya sa naabutan. Kasama pala sa mga tao na mag-iinterview ang babaeng nakasabay niya kanina sa CR!

Tatlo silang sabay-sabay na in-interview, ngunit muling lumaylay ang balikat niya nang marinig niya ang mga kasabay niya. Ang isa ay nanggaling mula sa isang sikat na eskwelahan habang ang isa naman ay higit sa limang taon na ang karanasan sa pagtatrabaho sa isang malaking kompanya.

Doon pa lang ay talong-talo na siya. Kaya naman gulat na gulat siya nang matapos ang interview ay magsalita ang babae.

“Ms. Yasmin Peralta, isa ka sa mga natanggap. Bumalik ka sa Lunes para sa orientation,” nakangiting pagbabalita nito.

Masayang-masaya man ay hindi maiwasang magtaka ni Yasmin. Ngunit nasagot din ang malaki niyang katanungan nang muli silang magkita ng babaeng nakilala niya, si Bea.

“Naalala ko kasi ‘yung sinabi mo noong nagkakilala tayo. Kailangan mo lang ng isang tao na magtitiwala sa’yo. At ako ‘yun. Gusto kitang bigyan ng tiyansa na mapatunayan ang sarili mo,” paliwanag nito.

“Pero bakit ako? Madami namang magagaling kumpara sa akin…” hindi pa rin makapaniwalang bulalas niya.

“Hindi naman galing lang ang ang hinahanap namin. Kailangan din natin ng mga taong determinado, handang sumubok, at higit sa lahat, ‘yung may puso. ‘Yung handang makinig kapag kailangan, at marunong makipagkapwa-tao. At nakita ko sa’yo ‘yun, Yasmin,” nakangiting katwiran nito.

Napangiti na lamang si Yasmin sa narinig sa babae.

“Salamat. Makakaasa ka na gagawin ko ang lahat ng makakaya ko, at hindi ka magsisisi,” pangako niya kay Bea.

At hindi naman niya ito binigo. Hindi niya sinayang ang pagtitiwala nito. Ilang taon lamang at lumipas at isa na siya magagaling na empleyado ng kompanya. At may bonus pa! Nagkaroon siya ng mabait na kaibigan sa katauhan ni Bea.

Sa t’wing maalala ni Yasmin kung paano siya nagsimula ay hindi niya maiwasang mapangiti. Naisip niya kasi na marami man ang tumanggi sa kaniya noong una ay dinala naman siya ng kapalaran kung saan siya tunay na magiging maligaya.

Advertisement