
Namuhay Siyang may Galit sa mga Tao sa Paligid Niya; Paano Matutunaw ang Yelong Bumalot sa Puso Niya?
“Hindi ba’t sinabi ko na ‘wag kang maglalapit sa akin?” asik ni Becca sa mas nakababatang si Summer.
“Becca, magpapaturo lang naman sana ako sa Math. Alam ko na magaling ka sa Math…” tila maiiyak na sagot nito.
“Wala akong pakialam! Lumayo ka sa akin, dahil ayokong nakikita ang mukha mo!” bulyaw niya sa bata.Napairap na lang siya nang laglag ang balikat na lumayo ito sa kaniya.
Nang pumanaw ang kaniyang ina, pinakasalan ng kaniyang Papa ang ina ni Summer. Noong una ay magkasundong-magkasundo sila ni Summer lalo pa’t halos magkaedad sila.
Ngunit nang aksidente niyang malaman ang katotohanan na ang ina pala nito ay kabit ng Papa niya, at kapatid niya sa ama si Summer, napuno ng galit ang puso niya.
Dahil sa nalaman ay kusang lumayo ang loob niya kay Summer. Matagal na nitong sinusubukan na mapalapit ulit sa kaniya, ngunit hindi niya talaga ito kayang ituring na kapatid. Hindi niya na kayang ibalik pa ang dati nilang samahan.
Natigil ang pagbabalik tanaw niya nang marinig niya ang marahang tinig ni Lorena, ang kaniyang madrasta.
“Becca, hija, bumaba ka na at kakain na tayo.”
“Hindi ako nagugutom,” pabalang na sagot niya.
“Sigurado ka ba? Hindi ka rin kumain kanina,” anito.
“Sa tingin mo ba kakain ako na kasabay niyo?” bulyaw niya.
Narinig niya ang pagbuntong hininga ng babae.
“Ipagtatabi kita ng pagkain. Bumaba ka kung nagugutom ka,” tila pagsuko nito bago ito naglakad palayo.
Nang sumapit ang umaga ay dire-diretso siyang naglakad palabas ng bahay nang maabutan niya ang tatlo na kumakain.
“Becca, kumain ka muna!” narinig niya pang sigaw ng Papa, ngunit hindi niya iyon pinansin.
Nang sumapit ang tanghalian ay lumapit sa kaniya si Summer. May bitbit itong pagkain na alam niyang padala ng ina nito.
“Becca, pinabibigay ni Mama. Hindi ka raw kasi kumain ng almusal.”
“Hindi ko kakainin ‘yan. Ialis mo ‘yan sa harap ko,” malamig na tugon niya.
“P-pero B-becca, sayang naman–”
“Hindi ba’t sinabi ko na na ‘wag kang lalapit sa akin? Bakit ang kulit-kulit mo?” angil niya sa babae.
“Becca, g-gusto ko lang na–”
“Umalis ka sa harap ko! Alis!” sigaw niya.
Nakita pa niya ang pagpapahid nito ng luha nang tumalikod ito.
Napangiti si Becca. Sa t’wing nasasaktan kasi si Summer, pakiramdam niya ay nakakaganti siya sa pagsira ng ina nito sa pamilya nila.
Nang hapong iyon ay nakita niyang makulimlim ang panahon. Nagbabadya ang malakas na ulan. Gaya ng dati, nakita niya na naghihintay sa kaniya si Summer.
“Becca, nagdala ako ng ekstrang payong para sa’yo. Mukha kasing uulan…” anito bago iniabot sa kaniya ang payong.
Tahimik na kinuha niya ang iniaabot nito.
“Gusto mo bang sabay tayong umuwi?” tanong nito.
Sasagot na sana siya ng “hindi” nang may maisip siyang kapilyahan.
“Gusto ko sana, kaso may pupuntahan pa ako, eh…” aniya.
Nanlaki naman ang mata nito. Iyon kasi ang unang beses na kinausap niya ito nang maayos.
“Gusto mo hintayin kita? Hihintayin kita dun sa playground na lagi nating tinatambayan!” pagboboluntaryo nito.
Tumango siya bago naglakad palayo. Sa labi niya ay may nakapaskil na ngiti.
“Maghintay ka sa wala…” bulong niya.
Nang makauwi siya sa bahay nila ay dire-diretso siya sa kaniyang silid. Humiga siya sa kaniyang kama at unti-unting bumigat ang kaniyang talukap at tuluyan na siyang nakaidlip.
Nagising na lamang siya nang marinig ang komosyon sa labas. Dahil sa ingay ay iritable siyang bumangon. Nang mapasulyap siya sa labas ay nakita niya na malakas ang buhos ng ulan. Panaka-naka ring nagliliwanag ang langit dahil sa kidlat.
Nakita niya ang kaniyang Papa at Tita Lorena. Nakaupo ang dalawa sa sala, tila problemado.
“Alam mo ba kung nasaan si Summer?” bungad ng kaniyang Papa.
Kumunot ang noo niya. “Wala pa si Summer? Anong oras na ba?”
“Alas dos ng umaga,” sagot ni Lorena. Bahagyang may nginig sa tinig nito.
Kumabog ang dibdib ni Becca. May nangyari bang masama kay Summer?
Nang marinig niya ang malakas na kulog ay tila kidlat na bumalik sa alaala niya ang huli nilang pag-uusap.
“Gusto mo hintayin kita? Hihintayin kita dun sa playground na lagi nating tinatambayan!”
Nanlaki ang mata niya. Posible ba na hinintay siya ni Summer?
Nang marinig niya ang mahihinang hikbi ni Lorena ay tila may kumurot sa puso niya. Nais niyang saktan ang babae ngunit hindi sa ganitong paraan. Hindi niya nais na mapahamak ang kahit na sino, lalo na si Summer!
Dali-dali siyang lumabas upang tunguhin ang palaruan kung saan madalas silang tumambay ni Summer noong mga panahong magkaibigan pa sila.
Hindi niya alintana ang galit na pagtawag ng kaniyang Papa. Gusto niya lang masiguro na ligtas si Summer.
Nang makarating siya sa palaruan ay nakahinga siya nang maluwag nang makita ang isang babaeng nakauniporme. Si Summer. Basang-basa ito ng ulan, habang iniuugoy nito ang sarili sa bakal na duyan.
“Becca!” nakangiting sigaw nito nang maramdaman ang presensya niya.
Nang makita ang inosente nitong mukha na walang bahid ng pagkadismaya o galit ay tuluyan na siyang napaiyak.
“Becca, bakit?” tanong nito.
“Bakit ka naghintay dito, ang lakas-lakas ng ulan! Bakit hindi ka umuwi? Nag-alala kami sa’yo!”
Ngumiti ito. “Hindi ba sinabi ko sa’yo na hihintayin kita? Baka magalit ka lang lalo sa akin kung umalis ako.”
Umupo siya sa duyan na katabi nito. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ninais niya na makinig sa anumang sasabihin nito.
“Sorry kung pakiramdam mo nasira namin ang pamilya niyo, Becca. Pero sana maintindihan mo na mahal ni Mama at Papa ang isa’t isa. Hindi nila gusto na saktan ka. Si Papa, gusto niya lang magkaroon ka ng bagong pamilya. Ganoon din ang gusto ni Mama para sa akin. At siguro, iyon din ang gugustuhin ng Mama mo,” litanya nito.
“Hindi naman mababago ng pagkakamali nila ‘yung katotohanan na magkapatid tayo, hindi ba? Gusto ko lang na bumalik tayo sa dati. Miss na miss ko na ‘yung pagkakaibigan natin,” pag-amin nito.
Matapos ang mahabang panahon ay tila naglaho na parang bula ang yelo na bumabalot sa puso ni Becca, Napagtanto niya kasi na hindi lang siya ang may bigat na dinadala, kundi maging ang kaniyang Papa, Tita Lorena, at si Summer.
Sa galit niya ay ginusto niyang saktan ang mga nasa paligid niya. Nalimutan niya tuloy kung paano maging masaya.
Habang patuloy ang malakas na buhos na ulan ay walang patid din ang pagbuhos ng luha at galit sa puso ni Becca.
Nang tumila ang ulan ay tila bula ring naglaho ang galit at bigat sa dibdib niya.
“Sana maging magkaibigan na ulit tayo, Becca,” pakiusap ni Summer.
Napangiti siya bago hinawakan ang kamay nito.
“Hindi tayo magkaibigan. Magkapatid tayo.”
Sisimulan ni Becca na mamuhay nang walang galit sa kaniyang puso. At alam niyang iyon din ang gugustuhin ng kaniyang ina kung nabubuhay pa ito.