Inday TrendingInday Trending
Isang Sikreto ang Pinakaiingatan ng Matandang Mayaman; Labis Nilang Ikinabigla nang Mabunyag Iyon

Isang Sikreto ang Pinakaiingatan ng Matandang Mayaman; Labis Nilang Ikinabigla nang Mabunyag Iyon

Hitik sa bisita ang handaan sa mansyon ng mga Vellez. Napakaraming masasarap na pagkain at pamilyar na mukha ang naroroon. Maraming pamilyar na mukha na nagnanais lumapit at makipag-usap kay Mara.

Subalit wala sa mga iyon ang atensyon niya. Mayroong siyang hinahanap na isang silid.

May nakapagsabi kasi sa kaniya na mayroon isang silid sa bahay ng mga Vellez, at mga pinagkakatiwalaang tao lamang ang nakakaalam kung ano’ng laman ng silid na iyon.

Ilang beses niya nang sinubukan na manuhol subalit sadyang matapat ang tauhan ng mga Vellez at walang nais na bumaliktad.

Kaya naman nagdesisyon siya na siya na mismo ang maglalahad ng itinatagong lihim ng pamilya, kung ano man iyon!

“Walang baho na hindi umaalingasaw. Malalaman din ng mga tao na hindi perpekto ang pamilya niyo,” nakangising bulong ni Mara.

Si Leonardo Vellez ang isa sa mga katunggali ng kaniyang ama sa pagiging gobernador ng kanilang lalawigan.

Ngunit malakas ang hatak nito sa tao, dahil malinis ang pangalan nito at kahit na minsan ay hindi ito nasangkot sa kahit na anong katiwalian.

Nanganganib tuloy na maagaw ng mga Vellez ang kapangyarihan mula sa kaniyang ama. At hindi niya mapapayagan iyon.

Sinubukan niya na hanapan ng butas ang pagkatao nito, ngunit wala siyang ibang nakita kundi ang lihim na itinatago ng isa sa mga silid sa bahay nito.

Nasisiguro niya na na kung anuman iyon ay ikasisira iyon ng pangalan ng matanda.

“Saan ang banyo?” pakunwaring tanong niya nang mamataan siya ng isa sa mga kasambahay.

“Mayroon po sa dulo, diretso lang po, tapos liko sa kanan,” magalang na tugon nito bago siya iniwan.

Nang masiguro niya na siya na lamang ang naroroon ay dali-dali niyang inakyat ang ikatlong palapag, kung saan naroon ang misteryosong silid.

Napanganga siya nang makita ang bilang ng silid sa palapag na iyon.

“Bente? Lintik naman, iisa-isahin ko pa ang mga ito?” asar na bulong ni Mara. Ngunit wala rin naman siyang ibang magagawa lalo pa iyon lang ang pagkakataon niya na makatapak sa mansyon nang walang maghihinala.

Ang unang tatlong silid na nabuksan niya ay pawang hindi nakakakandado, kaya naman agad niyang nahinuha na wala roon ang hinahanap niya.

Sa iilang pintong sunod niyang binuksan ay bigo rin siya. Wala sa mga iyon ang hinahanap niya.

Nasa huling limang pinto na siya nang sa kamalas-malasan ay masipat siya ng isa sa mga kasambahay na umiikot sa loob ng bahay, marahil upang magmatyag.

Agad itong lumapit at nag-usisa. Kita sa mukha nito ang pagkabigla at pag-aalala.

“Ma’am, ano pong ginagawa niyo? Hindi po maaaring basta-basta na lamang pasukin ng mga bisita ang mga silid. Ipinagbabawal po ni Don Leonardo,” marahang paliwanag ng babae.

Marahas siyang umiling. Hindi maaari! Malapit na siya. Hindi siya maaaring tumigil. Kung hindi mabubunyag ang pamilya.

Nang mapagtanto ng kasambahay na hindi siya nito mapipigilan ay umalis ito. Pagbalik nito ay may kasama na itong isang guwardiya.

“Ma’am, kailangan niyo na hong bumalik sa ibaba, dahil naroon ang mga bisita,” malumanay na wika ng lalaki.

Akmang lalapit ito nang tumalim ang mata niya.

“Subukan mong lumapit! Hindi mo ba ako nakikilala? Ako si Mara Domingo, ako ang anak ng gobernador! Ako ang magsisiwalat ng lihim ng mga mga Vellez!”

Dahil sa komosyon ay unti-unti nang dumami ang tao sa paligid. Marahil narinig ng mga ito ang kanilang sigawan.

Kitang-kita niya rin ang ilang taga-baryo na nagbubulungan.

Nang bubuksan niya ang huling pinto ay napagtanto niya na nakandado iyon.

“Ito, ito na ‘yun!” tarantang bulalas niya.

Kinuha niya sa kaniyang bulsa ang isang master key na ipinagawa niya pa sa isang eksperto. Ngunit sa kaniyang pagkadismaya ay hindi iyon gumana.

Mas lalong tumindi ang hinala niya nang mapagtantong grabe ang seguridad ng partikular na silid na iyon.

Napapitlag siya nang marinig ang isang malakas na boses na pumailanlang sa pligid.

“Ano’ng nangyayari rito?”

Nilingon niya ang matanda bago ngumisi.

“Ano ang itinatago ng silid na ito? May itinatago ka bang lihim, Don Leonardo?” tanong niya sa matanda.

“Bakit mo ako hinahanapan ng baho, Mara? Nais mo bang dungisan ang malinis kong pangalan? Inutusan ka ba ng magaling mong ama?” balik tanong ng matanda,

Bahagya siyang napahiya ngunit hindi niya ipinahalata.

“Kung lalabanan mo ang aking ama sa pagka-gobernador, dapat lang na malaman ng tao ang lahat ng tungkol sa’yo,” katwiran niya, na sinang-ayunan naman ang iilan.

Natigilan ang matanda, tila nag-iisip. Makalipas ang ilang sandali ay may kinuha nito ang susi sa bulsa ng suot nitong pantalon.

“Bueno, kung mapilit ka, wala naman akong magagawa,” anito bago binuksan ang pinto.

Nang bumukas ang pinto ng misteryosong silid ay binalot siya ng pagtataka. Kakaiba kasi ang laman ng malawak na silid.

Nakatambak doon ang sangkatutak na sako ng bigas, at sako-sakong kung ano-ano, na nahinuha niyang pagkain.

Sa sahig ay maayos na nakahilera ang daan-daang nakaplastik na bigas, na may kasamang de-lata at ilan pang uri ng pagkain.

Hindi niya pa mauunawaan ang lahat kung hindi nagsalita ang isa sa mga bisita. Si Mayor Alcaraz.

“Don Leonardo, kayo ho ba ang nagbigay ng kaban-kabang bigas para sa mga mahihirap noong nakaraang buwan?” nanlalaki ang matang tanong nito.

“Aba’y bakit hindi niyo ho sinabi? Hindi man lang ho kami nakapagpasalamat sa inyo!”

Ngumiti ang don. “Kaya nga gusto kong ilihim ang mga kawanggawa ko. Ayaw ko kasi na mabahiran ito ng kahit na anong pamumulitika. Ang kaso ay mapilit ang anak ni Gov…”

Si Mara ay tila isang talunan na natulos sa kaniyang kinatatayuan.

Imbes na pumangit ang imahe ng don ay mas lalo lamang bumango ang pangalan nito sa madla! Mas lalo pa siyang nabahala nang marinig ang komento ng iilan.

“Naku, iboto natin si Don Leonardo sa eleksyon. Sigurado na walang bahid ng korapsyon, hindi gaya noong gobernador ngayon…”

“Grabe, sinubukan nilang dungisan ang pangalan ng don, ang kaso ay malinis talaga.”

Hindi na nagtaka si Mara nang kumalat ang nangyari sa mansyon ng mga Vellez. Mas lalong dumami ang tao na nagnais na mapunta ang kapangyarihan sa isang kagaya ni Don Leonardo. Nang sumapit ang eleksyon, gaya ng inaasahan ng marami ay ito ang nagwagi at nahalal na gobernador ng lalawigan.

Walang ibang nagawa si Mara kung hindi ang manggalaiti sa inis. Sa kagustuhan niya na masira ang pangalan ng kaniyang katunggali ay tila tinulungan lang niya ito na maabot ang tagumpay.

Marahil ay iyon ang paraan ng kapalaran upang maging patas at ibigay sa nararapat ang kapangyarihan!

Advertisement