Inday TrendingInday Trending
Tinanggihan ng Dalaga ang Simpleng Kasal na Kayang Ibigay ng Nobyo; Paglaon ng Panahon ay Lubos Niya Itong Pagsisisihan

Tinanggihan ng Dalaga ang Simpleng Kasal na Kayang Ibigay ng Nobyo; Paglaon ng Panahon ay Lubos Niya Itong Pagsisisihan

Abalang abala si Rina sa pagtingin sa kaniyang selpon habang hinihintay ang pagkaing inorder nila ng kasintahang si Justin sa restawran. Ang hindi alam ni Rina ay may dala nang singsing ang kasintahan at nagpaplano na itong yayain siyang magpakasal.

“Kanina pa ako nagkukwento dito, babe, pero parang hindi mo naman ako pinakikinggan. Ano ba ang pinagkakaabalahan mo riyan at parang napakaimportante?” pagtataka ng binatang kasintahan.

“Hindi ko kasi maiwasan na tingnan itong kasal ng dati kong kaklaseng is Beverly. Napaka-enggrande ng kaniyang kasal. Bawat anggulo ay napakaganda! Babe, kapag magpapakasal naman tayo ay ganito ang gusto ko!” paglalambing ng dalaga.

Nang makita ni Justin ang pinagmamasdang kasalan ni Rina ay medyo napalunok siya.

“Hindi ba masyadong magarbo ang kasal na iyan? Sa tingin ko kasi ay parang hindi naman praktikal ‘yan. Para sa akin kasi ay kahit na simple basta naroon ang mga malalapit na kamag-anak natin para saksihan ang ating pagmamahalan ay sapat na,” saad naman ni Justin.

“Bilang isang babae, sa tingin ko’y kailangan ibigay ng lalaki ang gustong kasal ng babae kung talagang mahal niya ito. Minsan lang tayo ikakasal kaya dapat ay bongga!” sambit ni Rina.

“Paano kung hindi ko pa kaya ang ganiyang kasal? Mamahalin mo pa ba ako?” tanong naman ni Justin habang palihim na hawak ang singsing na ibibigay sa dalaga.

“Hay naku, Justin! Kung hindi rin lang ganito kaganda ang kasal natin ay huwag na lang muna tayong magpakasal. Mag-ipon na lang muna tayo! Ayaw ko namang magmukhang basta maikasal lang,” dagdag pa ng dalaga.

Dahil sa sinabing ito ni Rina ay umatras si Justin sa plano niyang pagyaya sa dalaga ng kasal. Maliwanag kasi sa kaniya na hindi pa niya kayang ibigay ang gustong kasal ng kaniyang nobya.

Ilang araw ang nakalipas at humahanap pa rin ng tiyempo itong si Justin upang yayain ng kasal si Rina. Umaasa kasi siyang magbabago ang pananaw ng kaniyang nobya hinggil sa garbo ng kasalang nais nito.

Ngunit hindi lang pala si Rina ang nag-aasam ng magarbong kasalan. Pati na rin pala ang pamilya nito.

“Justin, kailan mo ba balak yayayain magpakasal ang apo kong si Rina? Aba’y nasa hustong edad na kayo at ilang taon na rin naman kayong magkasintahan. Kahit na simpleng kasal lang. Ang mahalaga ay paglaanan niyo ang buhay pagkatapos ng kasal,” saad ni Lola Salome.

“Hay naku, inay! Hindi p’wedeng basta simple lang ang kasal nitong si Rina. Ayokong maging kahiya-hiya sa mga kumare ko. Kailangan ay matalbugan natin ang kasal ng mga anak nila!” saad ng inang si Carlota.

“Kaya ngayon pa lang ay mag-ipon ka na, Justin. Aba’y sasagutin mo ang lahat. Nakakahiya naman kung ang babae pa ang pagagastusin mo! Hindi p’wedeng maglabas kahit singko ang anak namin, tandaan mo iyan!” dagdag naman ng amang si Kiko.

“Tigilan n’yo nga ang mga sinasabi niyo riyan! Masyado kayong maluho. Akala n’yo naman ay mayaman tayo! Hayaan n’yo ang dalawa na magdesisyon sa kung paano sila ikakasal. Ano’ng mangyayari kung magarbo nga tapos ay magkakanda-utang-utang naman sila pagkatapos!” sambit pa ni Lola Salome.

Nanliliit na si Justin sa nais ni Rina at ng mga magulang nito. Ngunit labis niyang mahal si Rina kaya naisipan niyang sa puntong iyon ay yayain na niya ito ng kasal. Kung tunay kasi siyang mahal ni Rina ay tatanggapin nito kahit simpleng kasalan lamang basta siya ang kasama.

“Sa totoo lang ay hindi ko kayang ibigay ang kasal na gusto mo, Rina, pero ang pangako ko sa iyo ay kahit kailan ay hindi kita iiwan. Hindi kita lolokohin at lalong hindi kita pababayaan. Magiging tapat ako sa iyo habang buhay. Sana ay pakasal ka sa akin,” wika ni Justin sabay abot ng singsing sa dalaga.

“Pasensiya ka na, Justin, pero kung hindi mo pa kayang ibigay ang kasal na gusto ko ay pag-ipunan mo muna. Marami pa namang panahon,” sagot ni Rina.

“Kung tunay mong mahal ang anak namin ay susundin mo ang kaniyang nais. Ibibigay mo ang magarbong kasal na kaniyang hinihingi. Huwag mo siyang gawing kahiya-hiya sa harap ng marami. Kung hindi mo kayang ibigay ay huwag mo na lang siyang pakasalan!” sambit ng inang si Carlota.

Labis ang bigat ng dibdib ni Justin. Dito niya napatunayan na hindi siya tunay na mahal ng kaniyang kasintahan. Kaya kahit na mahal na mahal niya si Rina ay itinigil na niya ang pakikipagrelasyon dito.

“Hindi ko naman kawalan ang pakikipaghiwalay mo sa akin, Justin. Maraming higit sa iyo na kayang ibigay ang gusto ko! Tandaan mo, isang araw ay makikita mo ako na naka-trahe de boda at sobrang enggrande ng aking kasal!” pagmamalaki ni Rina.

Hindi pa man lumilipas ang ilang buwan ay nabalitaan ni Justin na may bago nang kasintahan itong si Rina. Nang magkita ang dalawa ay labis na minaliit ni Rina ang dating kasintahan.

“Sabi ko sa iyo, makakahanap ako ng lalaking hihigit sa iyo. Mayaman si Gilbert at kaya niyang ibigay ang kasal na nais ko. Sa huli ay ako pa rin ang nagwagi! Sana ay maging maligaya ka na lang para sa akin at sana ay makita mo rin ang babaeng babagay sa’yo. ‘Yung papayag na magpakasal lang ng simple!” pangungutya ng dalaga.

Samantala, makalipas naman ang isang taon ay nagkaroon na rin ng bagong kasintahan itong si Justin, si Sophia. Napakasimple lamang ng dalaga. Ang tanging nais lang nito ay ang wagas na pagmamahal ni Justin.

Nabalitaan ni Rina na nagpakasal na ang dating nobyo sa kasintahan nito. Isang simpleng seremonya sa simbahan na dinaluhan lamang ng iilang kaanak at kaibigan, at ang handaan ay sa bahay lamang.

Tawa nang tawa itong si Rina habang tinitingnan niya ang mga larawan sa social media ng kasal ng dating nobyo. Habang hindi na siya makapaghintay pa sa darating na kasal nila ni Gilbert. Ang lahat kasi ng kaniyang nais ay masusunod mula sa trahe de boda hanggang sa magarbong handaan.

Ngunit ilang araw bago ang nakatakdang kasal nina Rina at Gilbert ay natuklasan ng dalaga na nangangaliwa ang kaniyang mapapangasawa. Ang masakit pa roon ay ipinamukha pa ni Gilbert kay Rina ang kaniyang maling ginagawa.

“Kung gusto mo akong mapangasawa ay kailangan mong tanggapin ang lahat ng gagawin ko. Ganito na talaga ako, noon pa. Pasalamat ka nga at pakakasalan pa kita!” sambit ni Gilbert sa dalaga.

Labis ang hinanakit ni Rina sa kasintahan. Batid niyang ‘pag itinuloy niya ang kasal ay magiging impyerno lamang ang buhay niya kay Gilbert.

Kaya nakapagdesisyon siyang hindi na lang ituloy ang kasalan. Naging malaking kahihiyan ito para kay Rina at sa kaniyang pamilya. Labis naman ang panghihinayang ni Rina sapagkat ipinagpalit niya ang tunay na pag-ibig ng dating kasintahang si Justin para lamang matupad ang pangarap niyang magarbong kasal.

Lumipas ang panahon at hindi na natupad ang pangarap ni Rina na maikasal nang magarbo. Ni hindi man lang nga siya pinanagutan ng lalaking nakabuntis sa kaniya.

Isang araw habang tinitingnan niya ang kaniyang selpon ay nakita niyang muli ang larawan ng dating kasintahang si Justin. Muli itong ikinasal sa asawang si Sophia. Sa pagkakataong ito ay ibinigay ni Justin sa kaniyang asawang si Sophia ang isang magarbong kasal dahil maganda na ang estado ng buhay nito.

Hindi maiwasan ni Rina na pumatak ang kaniyang mga luha nang mapanood niya ang bidyo ng kasal ng mag-asawa.

“Hindi ka umalis sa tabi ko noong walang wala pa ako. Hindi ka naghangad ng anumang hindi ko kayang ibigay. Ang gusto mo lang ay ang tapat kong pag-ibig. Dahil diyan ay lalo akong nagpursigi na ibigay sa’yo ang lahat ng magagandang bagay sa mundo dahil napakabuti ng iyong puso. Pakakasalan kita nang paulit-ulit dahil binigyan mo ng halaga ang tulad kong ang kaya lamang ibigay ay ang pagmamahal ko,” saad ni Justin kay Sophia.

Napagtanto ni Rina ang lahat ng sinabi ni Justin sa kaniya noong inaaya siya nitong magpakasal. Ngunit kahit anong panghihinayang niya ay hindi na niya maibabalik pa ang panahong siya ang mahal ng dating kasintahan.

Advertisement