
Kinokonsensya ng Ina ang Anak na OFW kapag ‘Di Ito Nakakapagpapadala; Napakasaklap ng Mangyayari sa Kanilang Pamilya
“Doris, anak, nasaan na ‘yung sinasabi ko sa iyo noong nakaraan na magpadala ka ulit ng pera? Kinukulit na naman ako ni Aling Tess sa utang natin sa kaniya! Ako ang pinapahiya dito kahit sinabi ko nang wala ka pang pinapadala!” bungad ni Aling Leny nang tawagan ang anak na nagtatrabaho sa ibang bansa.
“Hindi po ba, ‘nay, napag-usapan na natin ito. Kakapadala ko lang sa inyo noong isang linggo. Lahat na nga po ng sahod ko ay binigay ko na po sa inyo,” sagot naman ng dalaga.
“Paano na ‘yan ngayon? Hahayaan mo na lang akong ipahiya dito ni Aling Tess? Saka ugaliin mo ngang sumagot sa mga mensahe ko. Tingnan mo nga at nagastusan pa ako sa pantawag sa iyo!” pagbubunganga pa ng ina.
“‘Nay, pasensya na po talaga kayo at hindi po ako makakapagbigay ngayon ng sobra dahil gipit din po ako. Kailangan ko talagang unahin ang nakasangla nating bahay at saka ‘yung mga iba pa pong bayarin tulad ng kuryente at tubig,” saad pa ni Doriz.
“Palibhasa’y ang taas na ng tingin mo sa sarili mo ngayon porket nasa ibang bansa ka na. Akala ko ba ay tutuparin mo ang pangako mo sa tatay mo na hindi mo kami pababayaan? Sige, ako na ang bahala sa utang kay Aling Tess. Pababayaan ko na lang na pag-usapan kami dito ng mga kapitbahay dahil sa kahihiyan,” saad pa ng ina.
Napabuntong hininga si Doris. Sa tuwing nasusumbatan kasi siya ng ina ay wala siyang magawa. Lalo na kapag pinaalala ng ina ang pangako ng dalaga sa yumaong ama. Alam na alam ni Aling Leny ang kahinaan ni Doris.
“Sige na, ‘nay, titignan ko po kung may mauutangan akong kaibigan dito. Pero sa susunod po sana ay huwag na kayong mangutang. Saka sabihin n’yo rin kay kuya na sa susunod ay siya na ang magbayad ng utang niya. Para naman sa kaarawan ng anak niya ang perang iyon,” paliwanag ni Doris.
“Magbibigay ka rin pala, pinagastos mo pa ako para tawagan ka. Bayaran mo ‘tong load ko, a! Ikaw na ang pakipag-usap sa kuya mo dahil ang sabi niya sa akin ay regalo mo raw ‘yun sa anak niya. O siya, ibababa ko na ito at mauubos na nang tuluyan ‘yung pina-load ko! Ang ipapadala mo, huwag mong kalimutan!” bilin pa ni Aling Leny.
Pagbaba ng telepono ay agad na tumawag naman ni Doris sa kaibigan niyang si Yolly, isa ring domestic helper.
“Pati ba naman ang panghanda sa kaarawan ng anak ng kuya mo ay ikaw ang sasagot. Aba’y sobra naman ata ang kapal ng mukha ng pamilya mo, Doris. Bakit mo kasi sila hinahayaan na abusuhin ka?” galit na sambit ng kaibigan.
“Yolly, huwag mo na akong sermunan ngayon. Pangako ibabalik ko kaagad sa iyo kapag sumweldo na ako. Hindi lang ako makapag-advance sa amo ko dahil nga naka ilang bale na rin ako,” giit naman ni Doris.
“Pasensya ka na, Doris, at wala ring akong maipapahiram sa iyo. Alam mo naman ang sitwasyon ng pamilya ko ngayon sa Pilipinas. Saka may binabayaran din akong bahay. Bakit hindi mo kaya subukan na manghiram kay Dante? Hindi ba malaki ang gusto sa iyo no’n? Saka malaki ang kita no’n sa trabaho niya ospital. Sigurado akong papahiramin ka no’n!” wika muli ng kaibigan.
“Nakakahiya, Yolly. Si Dante ang huling taong gusto kong utangan. Saka baka mamaya, isipin niya na ginagamit ko lang siya. Ang tagal-tagal na niyang nanliligaw sa akin tapos hindi ko naman siya sinasagot. Tapos bigla kong uutangan? Nakakahiya!” wika pa ni Doris.
“Bahala ka. Basta ako, wala akong maipapahiram sa iyo ngayon. Dapat kasi ay turuan mo na ang pamilya mo na tumayo sa sarili nilang mga paa. Paano naman kapag ikaw ang nangailangan ng pera? Sino ang tutulong sa iyo?” saad ni Yolly.
Sandaling hindi nakasagot ni Doris. Alam kasi niya ang katotohanang wala siyang aasahan sa kaniyang pamilya at lalong wala rin siyang madudukot sa oras ng pangangailangan dahil lahat ay pinapadala niya sa pamilya sa Pilipinas.
“Alam mo naman na narito ako sa ibang bansa para sa pamilya ko. Kaya nga lahat ay ginagawa ko para mabigyan sila ng magandang buhay. Kahit na isakripisyo ko ang sarili ko,” tanging tugon ng dalaga.
Hindi na alam ni Doris ang kaniyang gagawin. Lumapit na siya sa ibang mga kaibigan at kakilala. Maging ang kaniyang amo ay nilapitan na rin niya ngunit walang makapagpautang sa kaniya.
Kaya kahit nahihiya ay napilitan siyang lumapit sa manliligaw na si Dante.
“Walang problema sa akin, Doris. Saan ko ba ipapadala ang pera?” tugon agad ni Dante.
“Pasensya ka na talaga, Dante. Wala na lang talaga akong ibang malapitan. Babayaran agad kita kapag sumweldo na ako,” nahihiyang sambit ni Doris.
“Bayaran mo na lang ako kapag nakaluwag ka, Doris. Alam ko na ginagawa mo ang lahat para sa pamilya mo sa Pilipinas. Pero sana ay huwag mo ring kalimutan ang sarili mo,” payo pa ng ginoo.
Kahit marami nang nagsasabi kay Doris na mag-impok siya ay hindi niya magawa dahil sa tindi ng gastos ng kaniyang pamilya. Literal na ginawa siyang bangko ng mga ito. Konting kibot ay hihingi sa kaniya ng pera. Pinipilit man niyang tiisin ay hindi niya magawa dahil ayaw niyang masaktan ang damdamin ng mga ito.
Mula nang araw na makatuntong si Doris sa ibang bansa ay inasa na sa kaniya ng kaniyang ina at mga kapatid ang lahat kahit na may sari-sarili na itong mga pamilya. Dahilan para maghanap pa si Doris ng iba’t ibang pagkakakitaan.
Isang buwan ang lumipas at walang pinagbago sa pamilya ni Doris sa Pilipinas. Patuloy pa rin ang panghihingi ng mga ito.
Hanggang isang araw ay bigla na lamang sumama ang pakiramdam ng dalaga.
“Napapadalas na yata ang pagsama ng pakiramdam mo. Bakit hindi ka magpasuri sa doktor?” saad ni Yolly sa kaibigan.
“Mahal magpakonsulta dito sa ibang bansa. Pag-uwi ko na lang ng Pilipinas. Sayang kasi ang pagpapagamot ko. Marami pa akong kailangang bayaran sa Pilipinas,” tugon naman ni Doris.
Ngunit habang tumatagal ay lumalala na ang nararamdam ni Doris. Nang hindi na niya kaya ay nagpasuri na siya sa doktor. Doon ay nakita na mayroon siyang c@ncer sa dugo.
“Hindi ko kakayanin ang pagpapagamot dito sa ibang bansa. Pinapauwi na rin ako ng mga amo ko dahil hindi ko na kaya pang magtrabaho. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng pera para pangtustos sa pamilya ko at sa gamutan ko,” naluluhang sambit ni Doris kay Yolly.
Naaawa man si Yolly sa kaibigan ay wala siyang magawa. Nang makauwi si Doris sa Pilipinas ay agad niyang sinabi ang kaniyang kalagayan. Ngunit imbes na bumawi naman ang pamilya niya dahil si Doris naman ang nangangailangan ay itinuring pa siyang pabigat ng mga ito.
Ni hindi man lamang siya pinagamot ng kaniyang pamilya. At ang nakakalungkot pa roon ay tinuring siya na malaking pabigat sa kanilang buhay.
“Dapat kasi ay iningatan mo ang sarili mo. Tingnan mo ngayon ang sinapit mo! Paano na tayo mabubuhay niyan? Paano na kami ng mga kapatid mo na umaasa sa iyo?!” sambit ni Aling Leny sa kaniyang anak.
Napaluha na lamang si Doris dahil awang-awa siya sa kaniyang sarili. Kung nakinig lamang siya sa payo ng kaniyang mga kaibigan ay mayroon dapat siyang malaking ipon na naipapantustos para makapagpagaling.
Sa pagdaan ng mga araw ay nawawalan na ng pag-asa itong si Doris. Hanggang sa dumating si Dante at nang makita ang kaniyang kalagayan ay agad niyang kinuha ang dalaga.
“Hinahayaan n’yo lang na kunin na lang siya ng Panginoon? Bakit hindi kayo gumagawa ng paraan para maipagamot si Doris? Ibalik n’yo naman sa kaniya ang lahat ng kaniyang sakripisyo! Ngayon wala na siyang naibibigay sa inyo ay wala na rin siyang halaga?” sobrang galit ang nararamdaman ni Dante sa pamilya ng iniibig.
“Kung gusto mo siya ay ikaw na ang bahala sa kaniya. Basta kung mawala man siya ay hindi na namin siya kargo. Ikaw na ang magpalibing sa kaniya kung gusto mo! Kasalanan niya iyan dahil hindi niya iningatan ang katawan niya!” bulyaw ni Aling Leny.
“Sinakripisyo niya ang lahat para magkaroon kayo ng magandang buhay dito. Kukunin ko na si Doris at paglabas namin sa pintuang iyan ay wala na kayong karapatan sa kaniya! Hindi niyo na siya makikita kahit kailan!” sambit din ni Dante.
Dinala ni Dante si Doris ospital upang ipasuri. Gusto niyang manumbalik ang kaunting lakas ng dalaga dahil nais niyang dalhin ito sa ibang bansa upang doon na ipagamot.
“Ako na ang bahala sa iyo, Doris. Huwag kang mag-alala dahil kahit kailan ay hindi kita pababayaan. Sumama ka na sa akin dahil sa ibang bansa, hindi ka na magugulo pa at masasaktan ng pamilya mo,” sambit ni Dante sa dalaga.
Dahil sa labis na sama ng loob ay pumayag na rin si Doris. Tuluyan nang lumipad patungong ibang bansa ang dalawa. Doon ay pinatunayan ni Dante ang kaniyang pangakong pag-ibig kay Doris. Dahil nagtatrabaho sa ospital itong si Dante ay nakakuha siya ng malaking diskwento. Maging ang ibang kaibigan nila sa ibang bansa ay tumulong rin sa pagpapagamot kay Doris.
Sa paglipas ng panahon ay tuluyan nang nahulog rin ang loob ni Doris kay Dante. Lalo pa at walang sawa ang binata sa pag-aalaga sa may sakit na dalaga.
Samantala, ni wala man lamang narinig na pag-aalala si Dante mula sa pamilya ni Doris sa Pilipinas. Sadyang pinabayaan na ng ina at kapatid ang kaawa-awang si Doris.
Makalipas ang dalawang taong gamutan, sa wakas ay bumuti na rin ang kalagayan ng dalaga. Hanggang sa tuluyan na siyang gumaling.
Nang malaman ito ng ina ni Doris ay saka lamang ito nangumusta. Ngunit hindi na pinahintulutan pa ni Dante na magamit at masaktan ulit si Doris.
“Ako na ang bahala sa pamilya mo, Doris. Hindi ko na hahayaan pang abusuhin ka nila. Ngayon ay kailangan na talaga nilang tumayo sa sarili nilang mga paa at matutong maghanapbuhay. Narito lang ako palagi sa tabi mo at hindi kita iiwan,” wika pa ni Dante.
“Nagpapasalamat ako sa Panginoon at binigay ka Niya sa akin. Ikaw ang instrumentong ginamit Niya para madugtungan ang buhay ko. Maraming salamat din, Dante, sapagkat hindi ka nagsawang alagaan ako. Pangako kong habang ako’y nabubuhay ay ikaw lang ang mamahalin ko,” saad naman ni Doris.
Ikinasal ang dalawa sa ibang bansa at doon na nanirahan. Masakit man ang ginawa ng pamilya ni Doris ay hindi pa rin sila tuluyang tinalikuran ng dalaga. Ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na hahayaan pa ni Doris na guluhin ng mga kaanak ang buhay nila ng asawang si Dante.