Inday TrendingInday Trending
Mas Pinili ng Binata na Bumili ng Motorsiklo Kaysa Unahin ang Pagpapakasal; Hindi Niya Inaasahan na Peligro Pala ang Hatid Nito

Mas Pinili ng Binata na Bumili ng Motorsiklo Kaysa Unahin ang Pagpapakasal; Hindi Niya Inaasahan na Peligro Pala ang Hatid Nito

“Babe, sa susunod na buwan ay anibersaryo na naman natin. Hindi pa ba natin paplanuhin ang kasal? Akala ko ba balak mong ikasal tayo ngayong taon?” nagtatampong sambit ni Anna sa nobyong si Mark.

“Gusto ko talagang ikasal tayo ngayong taon. Kung p’wede nga lang pakasalan na kita ngayong araw na ito ay gagawin ko. Pero may mga kailangan pa kasi tayong pag-ipunan. Gusto ko rin na mabigyan kita ng magandang kasal tulad ng pinapangarap ng lahat ng kababaihan,” tugon nama ni Mark.

“Kahit simpleng kasal lang naman ay ayos na ako. Ang gusto ko lang talaga ay magsama na tayo. ‘Yung hindi mo na ako ihahatid sa bahay namin dahil pareho na tayo ng bahay na uuwian,” sambit pa ng dalaga.

“Hayaan mo at pagsusumikapan kong makaipon agad, babe. Bigyan mo lang ako ng tatlong buwan at uumpisahan na natin ang pagpaplano ng kasal natin. Kung gusto mo nga’y habang naghihintay kang makaipon tayo ay umisip ka na ng istilo ng magiging trahe de boda mo. At kung ano ang nais mong motif sa kasal natin. Para kapag nakaipon na tayo ay mabilis na natin itong mapaghahandaan,” muling wika ni Mark.

Isang matamis na ngiti at isang halik sa pisngi ang naisagot ni Anna.

Limang taon nang magkasintahan sina Anna at Mark. Nagkakilala sila sa isang party at mula noon ay hindi na mapaghiwalay ang dalawa. Makalipas ang apat na taon ay niyaya na ni Mark na magpakasal si Anna ngunit magdadalawang taon na ang lumipas ay hindi pa rin nagagawang magpakasal ng dalawa dahil hindi pa raw sapat ang ipon ni Mark.

Nagtatampo man si Anna ay hindi niya mapilit itong si Mark. Ayaw kasi niyang maging mitsa pa ito ng mas matinding tampuhan sa pagitan nilang magkasintahan. Kaya gano’n na lang ang tuwa ni Anna nang marinig niya na sa loob ng tatlong buwan ay itutuloy na nila ang plano ng pagpapakasal.

Nang araw ding iyon ay walang sawa sa pagtingin ng mga gown itong si Anna. Maging ang susuotin ni Mark at ng ilang mga kaanak ay pinag-iisipan na rin niya. Masayang-masaya siya habang tumitingin ng larawan ng mga kasal. Ramdam niya kasing sa pagkakataong ito ay matutuloy na ang pag-iisang dibdib nila ng kasintahan.

Walang sawang pinapaalala ni Anna kay Mark ang pangako nito. Nakikita naman ng dalaga ang pagsusumikap ni Mark na makaipon ng pera. Madalas pa nga itong mag-over time para lang mas malaking sweldo ang maiuwi niya.

Makalipas ang tatlong buwan ay inaasahan ni Anna na maghahanap na sila ng mga suppliers para sa planong pagpapakasal ngunit iba ang surpresang tumambad sa kaniya pagpunta niya sa bahay ni Mark.

“Bagong motor? Akala ko ba ay nag-iipon ka para sa kasal natin? Babe, naman! May balak ka pa bang ituloy ang kasal natin?” nadidismayang tanong ni Anna.

“Babe, naisip ko lang kasi na kapag may mga alis tayo ay mas mabilis kapag may motor. Saka nahihirapan na rin naman akong mamasahe. Ako na lang ata sa opisina namin ang walang sariling sasakyan. Tutal hindi ko pa kayang bumili ng kotse ay motor na lang ang binili ko. Binayaran ko na nang buo para hindi ko na hulug-hulugan buwan-buwan,” masayang wika ni Mark.

Nanahimik na lang si Anna. Masama man ang loob ay ayaw niyang masira ang ligayang nararamdaman ng kaniyang kasintahan dahil sa bago nitong motor.

Araw-araw, simula nang makabili ng bagong motor ay napapansin ni Anna ang malaking pagbabago sa ugali ng kasintahan. Palagi na itong abala sa kaniyang motorsiklo. Kapansin-pansin din ang pagiging mayabang nito.

Unti-unti nang tinutubuan ng tampo itong si Anna. Sa tingin kasi niya ay tuluyan nang nawala sa isip ng binata ang plano nilang pagpapakasal. Madalas ding wala kasi si Mark dahil kasama ito ng kaniyang mga barkada at nagpupunta sila kung saan-saan.

“Mark, kung saan-saan na kayo nakakarating ng mga barkada mo. Madalas nakikita kita, wala ka pang helmet na suot at mabilis ang pagpapaandar mo ng motorsiklo. Hindi mo na nga kinuha ang opinyon ko sa pagbili mo ng motorsiklo. Sana naman ay ingatan mo ang sarili mo. Ikakasal pa tayo,” saad ni Anna sa nobyo.

“Gamay ko naman ang pagpapatakbo nitong motorsiklo ko. Maingat naman ako, e. Saka hindi lang ako nagsusuot ng helmet dahil malapit lang naman ang pupuntahan ko. Huwag ka nang mag-alala sa akin. Siya nga pala, mamaya ay iniimbitahan ako ni Pareng Glen sa bahay nila. Birthday daw kasi ng tatay niya at may kaunting salo-salo. Samahan mo ako, a!” wika naman ni Mark.

“Sige, basta magtaxi na lang tayo papunta kina Glen. Baka mamaya kasi ay may inuman doon at delikado kung mamomotorsiklo tayo pauwi,” sambit naman ng dalaga.

“Wala ka talagang katiwa-tiwala sa akin, babe! Ano pa’t bumili ako ng motor kung gagastos lang din tayo sa pamasahe. Kahit naman may inuman ay hindi ako iinom dahil nga nakamotorsiklo tayo. Ako ang bahala sa iyo!” pagmamayabang pa ng binata.

Muling nasunod ang kagustuahan ni Mark at wala muling nagawa si Anna. Kahit na kabado ay umangkas pa rin ang dalaga sa motorsiklo ng nobyo.

“Babe, iisa lang pala ang helmet mo. Magtaxi na lang kaya tayo?” sambit ni Anna.

“Ako ang bahala, sa looban tayo dadaan para walang huli,” giit ng binata.

Takot na takot si Anna sa mabilis na pagpapaandar ni Mark ng motorsiklo. Lalo pang pinabilis ng binata ang pagpapaandar para yumakap sa kaniya ang nobya.

“Hindi magandang biro ‘yun, Mark! Ingatan mo ang buhay natin dahil gusto kong matagal pa tayong magkasama! Hindi pa nga tayo nakakapagpakasal e!” naiinis na wika ng dalaga.

Tatawa-tawa lang si Mark.

Nang makarating sila sa handaan ay nagulat si Anna nang biglang uminom ng alak itong si Mark. Kahit anong saway ng dalaga ay ayaw talagang papigil ng kaniyang kasintahan.

Hanggang sa hatinggabi na at kailangan na nilang umuwi.

“Babe, magtaxi na tayo. Lasing ka na, e. Hindi mo na kayang magpatakbo pa ng sasakyan. Nakakatakot pa at nakamotorsiklo tayo. Sabi mo ay hindi ka iinom. Bakit ngayon ay lasing na lasing ka?” nagtatampong sambit ni Anna.

“Tumigil ka nga. Ayokong iwan ang motorsiklo ko dito. Baka mamaya ay masira ito o kaya magasgasan. Tara na at sumakay ka na. Ihahatid na kita sa inyo. Huwag mo akong pahiyain dito, Anna! Hindi ako lasing, nakainom lang ako. Kayang-kaya ko pang magnaneho!” naiinis namang wika ni Mark.

Upang maiwasan na gumawa ng eskandalo ang nobyo ay sumakay pa rin ng motorsiklo si Anna. Kakaba-kaba man ay patuloy niyang pinapaalala sa kasintahan na magpatakbo lamang nang marahan.

Ngunit dahil nga lasing ay patuloy sa pagpapakitang gilas itong si Mark. Lalo pa niyang binilisan upang mapayakap muli sa kaniya si Anna.

“Mark, tama na, hindi na ito nakakatuwa. Bagalan mo na ang pagpapatakbo!” pakiusap ng dalaga.

Ngunit sa tuwing nakikiusap ni Anna ay lalo pang binibilisan ni Mark.

Hanggang sa mangyari nga ang hindi inaasahan. Isang truck ang bigla nilang nakasalubong. Sa bilis ng andar ng motorsiklo ay hindi na nagawa pang pumreno ni Mark hanggang sa sumalpok sila sa trak.

Paggising ni Mark ay nasa ospital na siya. Agad niyang hinanap ang kasintahang si Anna.

“Mag-iisang linggo ka nang walang malay, Mark. Wala na si Anna. Hindi na siya nakaabot pa ng ospital. Masuwerte ka lang dahil nakasuot ka ng helmet. Pero si Anna, kalunos-lunos ang sinapit niya,” saad ng kaniyang inang lumuluha.

Halos gumuho ang mundo ni Mark nang malaman ang kagimbal-gimbal na balita. Hindi siya makapaniwala na ang lahat ng pangarap nila ni Anna ay mawawala na lamang ng isang iglap.

Labis ang pagsisising nadarama ni Mark. Kung nakinig lamang siya sa kaniyang kasintahan ay narito pa ito sana ngayon. Lubos din niyang pinagsisisihan na bumili pa siya ng motor. At ang labis na nagpapasakit ng kaniyang kalooban ay hindi man lang niya napagbigyan ang nobya sa tanging hiling nito na maikasal silang dalawa.

Nabuhay man si Mark ay habang buhay niyang dadalhin sa kaniyang puso ang bigat ng pangyayari. Lalo pa’t dahil sa aksidente ay hindi na siya muling makakalakad pa.

Advertisement