Inday TrendingInday Trending
Pasaway sa Kaniyang Ama ang Dalagang Ito; Malaking Leksiyon ang Hatid ng Tadhana sa Kaniya

Pasaway sa Kaniyang Ama ang Dalagang Ito; Malaking Leksiyon ang Hatid ng Tadhana sa Kaniya

Palubog na ang araw at halos lahat ay pauwi na galing sa kanilang mga trabaho. Isa na rito ay si Mang Jojo na nakangiting binabati ang mga kapitbahay habang siya ay pauwi. Mabuting tao at palangiti ang matanda kung kaya naman kinagigiliwan siya ng mga tao sa kanilang barangay. Marami rin sa kanila ang palaging nag-aabot ng ulam sa kaniya halos araw-araw. Subalit kung ganoon nila kagusto ang matanda, ganoon naman nila kinamumuhian ang nag-iisa nitong anak na babae na si Dani.

Pagpasok sa kanilang bahay, alam kaagad ni Mang Jojo na hindi pa kumakain ang anak at nasa loob pa ito ng kaniyang silid. Marahan pang binuksan ng ama ang pinto at nakitang may kasama itong lalaki na agad niyang itinaboy. Gulat siya sa kaniyang nakita dahil sa bawat araw ay palala na nang palala ang mga hindi kanais-nais na gawain ng kaniyang anak.

Sa edad na labing pito, pasaway na anak kung maituturing si Dani. Ayon rin sa mga tao sa kanilang barangay, gabi gabi itong nakatambay sa kanilang kalye at kung minsan pa nga ay nagnanakaw ito ng mga tsinelas at damit kasama ang kaniyang mga tropa. Sa bawat gusot na kaniyang ginagawa, lubos naman ang paghingi ng pasensya ni Mang Jojo sa mga kapitbahay.

Malaki ang galit ni Dani sa kaniyang ama dahil limang taon na rin ang nakakalipas nang pumanaw na ang kaniyang ina. Ito ay dahil sa isang aksidente kung saan sila ay masayang nagbabakasyon sa isang kabundukan at nahulog doon ang kaniyang ina. Lubos na sinisi ni Dani ang ama dahil sa kanilang dalawa ng kaniyang ina na nahulog sa bangin, mas pinili ni Mang Jojo na sagipin si Dani. Simula nang mangyari ang aksidente na iyon, lubos na kinamuhian ni Dani ang ama at kasabay nito ay ang kaniyang pagrerebelde.

Kahit na hirap si Mang Jojo sa pagtatrabaho bilang isang guwardiya sa isang bangko, pinipilit niyang magampanan ang pagiging tatay at nanay sa kaniyang anak. Ang kaniyang munting sweldo ay hindi naman nagkukulang upang matustusan ang pagkain at pag-aaral ni Dani. Kahit na may mga sabi sabi na palagi lang lumiliban ang dalaga sa kaniyang eskwela.

Nang hapon na iyon, matapos itaboy ni Mang Jojo ang lalaking kasa-kasama ni Dani sa kaniyang pagtulog sa silid nito, naisip niyang kausapin nang masinsinan ang anak. Subalit nang matunton niya ang lamesa kung saan kumakain nang simangot ang dalaga, agad itong nagdabog at umalis sa kusina. Pumasok muli ito sa kaniyang silid kahit na kita niyang nais siyang kausapin ng ama. Dagdag pa nito ang malakas na dabog na pagsara niya ng pinto ng kaniyang silid.

Naiwan si Mang Jojo na bigo na suyuin at pagsabihan ang anak. Pumasok siya sa kanyang silid at nakita ang larawan ng kaniyang yumaong asawa. Kinausap niya ito at maraming mga itinanong sa kaniyang mga desisyon para sa kanilang anak. Habang kausap ang litrato, hindi na napigilan ng matanda na maluha sa kanilang sitwasyon ng kaniyang anak. Pakiramdam niya ay gusto na niyang sumuko sa pagpapalaki kay Dani. Kung hindi lamang niya iyon anak ay malamang ay sinukuan na rin niya ito kagaya ng ibang tao na wala nang ibang tingin sa dalaga kundi ang pagiging pariwara nito sa buhay.

Lumipas pa ang ilang mga linggo matapos ang araw na itinaboy ni Mang Jojo ang lalaking nakasama ni Dani. Nag-aalala na si Mang Jojo dahil hindi umuuwi ang kaniyang anak. Tatlong linggo na rin kasi noong huli niya itong makita na umuwi sa kanilang bahay. Gawain naman na ito ni Dani at maraming beses siyang nagpapulis ngunit nasa bahay lamang pala ito nila sa tuwing siya ay nasa trabaho. Subalit hindi tulad noon, ngayon ay mayroon na palang pangyayaring magtuturo ng leksiyon kay Dani.

Gulat na sinalubong si Mang Jojo nang kaniyang datnan sa bahay ang maraming mga pulis at mga taong nagkukumpulan doon. Agad niyang hinanap si Dani at nakita niyang nakaupo ito at tulala sa kanilang sala. Lubos na tumangis si Mang Jojo nang malaman na pinagsamantalahan umano ito ng grupo ng mga kalalakihan subalit ayaw raw magsalita ni Dani kung sino ang gumawa noon sa kaniya.

Lumipas ang mga araw at hindi na nakuha ni Mang Jojo ang ninanais na katarungan para sa anak. Subalit hindi tulad noon, muling lumambot ang puso ni Dani para sa kaniyang ama. Minabuti niyang huwag nang lumabas ng bahay at maging masaya na lamang kasama si Mang Jojo.

Hanggang sa isang umaga, ginising ni Mang Jojo ang kaniyang anak na binabangungot. Pagdilat ng kaniyang mata, agad niyang niyakap nang mahigpit ang ama na alalang-alala sa kaniya. Sa mga oras na iyon, sa unang pagkakataon ay nalaman ni Mang Jojo ang salarin na anak raw ng kanilang kapitan ang siyang nanamantala sa kaniyang anak. Walang mapaglagyan ng awa si Mang Jojo para sa kaniyang anak.

Pumasok si Mang Jojo habang iniisip ang nangyari sa kaniyang anak. Habang naiwan naman si Dani na pilit na nagpapahilom ng kaniyang sarili sa mga nangyari sa kaniya. Kinagabihan, habang naghihintay sa kaniyang ama, masaya siyang nagluto ng ulam na iniluluto sa kanila ng kaniyang ina noon. Subalit sumapit ang hatinggabi ngunit walang Mang Jojo siyang nasilayan.

Kinaumagahan, sabik na binuksan ni Dani ang pinto nang marinig ang mga katok mula rito. Ngunit imbes na kaniyang ama, mga pulis ito na naghatid ng masamang balita. Nakakulong daw ang kaniyang ama matapos nitong barilin ang anak ng kapitan na siyang salarin sa nangyari sa kaniya.

Nang mga oras na iyon, napaupo si Dani dahil sa panghihina. Naisip niya ang limang taong nasayang na sana ay nakapamuhay sila nang maayos ng kaniyang ama. Ang limang taon na sana ay naging mabuti siyang anak. Ngayon tuloy na nais na niyang itama ang lahat, wala na siyang ama dahil rin sa kaniyang kagagawan. Puno ng pagsisisi si Dani subalit naghahangad siya na balang araw ay muli silang mabubuhay nang masaya at magkasama ng kaniyang pinakamamahal na ama.

Advertisement