
Kilala ang Matanda sa Pagtuturo nang Libre sa mga Taga-Baryo; Bukod sa Kaalaman ay May Mas Malaking Handog pa Ito sa Kanila
“Salamat at nakarating din. Isang taon akong hindi nakauwi. Makikita ko na sina inay at itay,” masayang sabi ni Jimbo.
Naging abala siya sa trabaho sa Maynila kaya matagal siyang hindi nakauwi sa probinsya kung saan siya lumaki. Ngayon ay sabik na sabik na siyang muling mayakap ang mga magulang. Nang makita ang inay at itay niyang sina Aling Azon at Mang Divino ay nagka-iyakan pa silang mag-anak.
“Namiss ka namin, anak! Ang tagal mong hindi nakauwi rito,” wika ng ina sabay yakap sa kanya.
“Naku, susulitin mo talaga ang pagbabakasyon dito, anak. Hindi kami papayag na hindi ka mag-enjoy habang narito ka,” sambit naman ng ama.
“Sobra ko rin kayong namiss, inay, itay. Namiss ko itong lugar natin, ang mga tao at ang paligid,” masayang tugon ng binata.
Ilang araw palang siyang nagbabakasyon sa kanilang baryo pero palagi na niyang naririnig na usap-usapan ng mga magulang niya at ng mga taga-roon ang tungkol sa taong nagngangalang Mang Julian.
“Kawawa naman si Mang Julian, may sakit daw at hindi na makabangon,” nag-aalalang sabi ni Aling Azon.
“Oo nga eh, nakakaawa naman ang matandang iyon. Mag-isa na nga sa buhay, nagkasakit pa,” sabad naman ni Mang Divino.
Dahil sa kuryosidad ay nagtanong si Jimbo.
“S-sino po ba si Mang Julian? Mula po nang magbalik ako’y pangalan na niya ang palaging bukambibig ninyo at ng mga kapitbahay natin,” aniya.
“Nang magtrabaho ka sa Maynila ay dumating naman dito sa atin si Mang Julian. Isa siyang estranghero na hindi namin alam kung saan nagmula. Ang sabi lang niya ay galing siya sa malayong lalawigan at isang dating sundalong nakaligtas noong panahon ng giyera. Mula nang dumating dito ang matandang iyon ay naging malaking tulong na siya sa mga kapitbahay nating salat sa buhay at sa kanilang mga anak dahil matiyagang tinuturuan ni Mang Julian ang mga kabataan dito na magbasa, magsulat at kung anu-ano pang kaalaman. Laking gulat namin at ng mga taga-rito na napakatalinong tao pala niya. Marami siyang alam na hindi namin alam. Kahit ang mga guro rito sa atin ay manghang-mangha sa mga nalalaman niya,” kuwento ni Aling Azon.
“At hindi lang siya matalino, napakabait at ubod pa ng sipag niyang si Mang Julian. Natatandaan mo nung nakaraang buwan nang tumama rito sa atin ang malakas na bagyo? ‘Di ba nasira itong bubong natin? Si Mang Julian ang nag-ayos ng sira sa bubong ng bahay natin. Siya lang mag-isa at hindi nagpatulong. Hindi rin siya nagpabayad ni isang kusing. Ganoon din ang ginawa niya sa iba pa nating kapitbahay na nasiraan ng bahay,” saad pa ni Mang Divino.
“Masipag din sa pagtitinda ng kung anu-ano ang matanda. Minsan nga hindi na siya kumikita, at panay utang na lang sa kanya ang mga kapitbahay natin,” wika pa ng ina.
Sa mga ikinuwento ng mga magulang ay bigla siyang nagkaroon ng interes kay Mang Julian, gusto niya itong makilala. Kinaumagahan ay napagbigyan ang ibig niya na makilala ang pamosong matanda nang inutusan siya ng ina na pumunta sa tirahan nito.
“O, anak, maaari bang makisuyo sa iyo?” tanong ng ina.
Nakita niya na may inihanda itong kakanin at mainit na sabaw.
“Aba, mukhang masarap ‘yan ah!” sambit niya.
“Dalhin mo ito kay Mang Julian. Kawawa naman, nag-iisa lang iyon sa kubo niya. Para makilala mo na rin siya. Sabihin mo, anak ka namin ng itay mo,” tugon ng ina.
“Sige po, saan po ba siya nakatira?”
Sinabi ng ina kung saan nakatayo ang kubo ng matanda. Nang marating niya iyon ay agad siyang kumatok.
“Tao po, tao po!” sigaw niya sa labas ng kubo.
Narinig ng matanda ang katok.
“Pasok!” sagot ni Mang Julian.
Dahan-dahang pumasok si Jimbo sa kubo at bumungad agad sa kanya ang payat na payat na matandang lalaki na nakahiga sa papag. ‘Di rin niya napigilang ilinga ang mga mata sa loob ng kubo. Laking gulat niya nang makita na napakaraming pagkain ang naroon. May mga sako ng bigas, kaing ng prutas at gulay at iba pa. May mga nakita rin siyang appliances na hindi niya sukat akalain na makikita niya sa kubo ng matanda.
“Marami naman palang pagkain ang matandang ito. Mukhang mapera, mamahalin pa ang mga appliances na narito, o! Sabi nina inay at itay eh, mahirap lang siya at pagtitinda lang ang ikinabubuhay,” bulong ni Jimbo sa isip.
Nang biglang nagsalita ulit ang matanda.
“Anong maipaglilingkod ko sa iyo, hijo?” tanong nito sa mahinang boses.
“A-ako po ang anak nina Aling Azon at Mang Divino na nagmula sa Maynila. Inutusan lang po ako ni inay na dalhan kayo ng makakain,” sagot niya.
“Ah, ikaw pala yung binatang anak nina Azon at Divino na nagtatrabaho sa Maynila. Palagi kang ibinibida sa akin ng mga magulang mo. Napakabait mo raw at napakasipag na anak. Ikinagagalak kitang makilala, ako nga pala si Julian. Lolo Julian na lang ang itawag mo sa akin gaya ng tawag sa akin ng mga batang tinuturuan ko rito,” wika ng matanda.
Kahit unang beses pa lang silang nagkita ni Mang Julian ay magaan na ang loob nila sa isa’t isa. Ilang oras din silang nagkuwentuhan. Napatotohanan nga ni Jimbo na talagang matalino ang matanda dahil sa mga salitang ginagamit nito sa pagsasalita. Kahit sandaling oras ay marami siyang natutunan kay Mang Julian tungkol sa buhay at kasaysayan.
Nang malapit nang magdilim ay pinauwi na siya ng matanda.
“Hindi sa itinataboy kita, hijo, pero iba na ang panahon ngayon. Mahirap gabihin sa daan. Umuwi ka na at baka hinahanap ka ng mga magulang mo. Mag-iingat ka, ha?” sabi ni Mang Julian.
“A, eh, sige po. Tutuloy na po ako. Magpalakas kayong mabuti, baka bukas ay dumalaw ulit ako,” tugon niya.
Bago siya umalis ay may iniabot sa kanya ang matanda na isang nakatiklop na papel.
“Maaari bang humingi ng pabor, hijo? Itago mo ang papel na ‘yan at pakaingatan. Sa oras na pumanaw ako’y ibigay mo ‘yan sa iyong mga magulang at basahin sa harap ng mga taga-rito,” sambit ng matanda.
Habang pauwi ay hindi pa rin maalis sa isip niya ang matanda. Nakaramdam siya ng lungkot.
“P-paano kung pumanaw nga si Mang Julian? Sino ang maglalamay sa kanya? Sino ang iiyak para sa kanya? Nag-iisa na siya sa buhay at walang kasama,” aniya sa isip.
Kinabukasan, nasagot na lahat ang mga katanungan ni Jimbo dahil…
“Bumangon ka, Jimbo, tutungo tayo sa kubo ni Mang Julian at tutulong tayo roon. Pumanaw na raw ang matanda,” hiyaw ni Aling Azon.
“A-ano po?!”
Ang sagot sa tanong niya na kung sino ang maglalamay at iiyak sa pagpanaw ni Mang Julian ay walang iba kundi ang buong baryo. Ang mga magulang niya at mga kapitbahay nila ang umiyak at nagluksa para kay Mang Julian. Ang buong baryo ang kasama nito hanggang sa huling hantungan. Ang kabutihan ni Mang Julian na handang tumulong sa kahit na sino sa pamamagitan ng pagtuturo at pagbibigay sa kapwa ng walang hinihinging kapalit ay ang dahilan kung bakit napamahal sa kanya ang mga tao sa kanilang lugar. Napag-alaman din ni Jimbo na ang nakita niyang mga pagkain at appliances sa loob ng kubo ng matanda ay nagmula lang sa mga kapitbahay nila. Ang mga iyon ay pasasalamat ng mga ito sa kabutihan ni Mang Julian sa buong baryo.
Hindi na rin natiis ni Jimbo na maiyak sa pagkawala ng matanda dahil kahit kaunting oras lamang niyang nakilala ito’t nakausap ay napalapit na siya rito. Ngunit sa kabila ng kanilang pagluluksa ay bigla niyang naalala ang papel na inihabilin sa kanya ni Mang Julian.
“T-teka, inay, m-meron pong iniabot sa akin si Mang Julian na papel. Ang sabi po niya’y kapag pumanaw siya ay ibigay ko raw po ito sa inyo at basahin sa harap ng mga kapitbahay natin,” sabi niya kay Aling Azon.
Ibinigay niya sa mga magulang ang papel at binasa naman ito ni Aling Azon sa harap ng buong baryo.
Ikinamangha ng lahat ang nilalaman ng sulat.
“Nais kong magpasalamat sa baryong ito sa ginawa ninyong pagtanggap at magandang pakikitungo sa akin. Kaligayahan ko na ang magturo sa aking kapwa ng mga kaalamang natutunan ko rin mula pagkabata hanggang sa aking pagtanda. Sa aking paglisan ay nais kong ihandog sa inyong lahat ang matagal ko nang pinakatatagong kayamanan na nahukay ko pa noong matapos ang giyera. Hindi ko nagawang pakinabangan ito kaya ibibigay ko na ito sa inyo. Nawa’y gamitin ninyo ito sa mabuti. Nakaguhit din sa papel ang mapa kung saan nakabaon ang kayaman,” wika ni Mang Jose sa sulat.
Labis ang pasasalamat ng mga taga-baryo sa biyayang ibinigay ni Mang Julian. Hindi sila makapaniwala na bukod sa kaalaman ay binigyan pa sila nito ng kayamanan. Pagkatapos nilang maayos na mailibing ang labi ng matanda ay pinuntahan nila ang lugar kung saan nakabaon ang sinasabing kayamanan at laking gulat nila nang mahukay nila ang isang malaking baul na naglalaman ng mga ginto, diyamante at antigong alahas. Hinati ng mga magka-kapitbahay ang kayamanan sa bawat isa, walang naglamangan at nagka-inggitan, lahat sila ay nabahaginan at nakinabang sa yaman ni Mang Julian.
“Maraming salamat, Mang Julian. Malaking tulong ang kayamanang ibinigay mo sa amin,” sabi ni Mang Divino.
Ginamit nga ng mga taga-baryo sa makabuluhan ang handog sa kanila ng yumaong matanda. Nagpatayo sila ng mga karagdagang eskwelahan at bumili ng mga gamit para rito. Nagtayo ang ilan ng mga negosyo para tulungan at bigyan ng trabaho ang ibang tao na nagmula pa sa ibang lugar na kapos sa pera.
Nagpagawa naman ng patubigan ang magulang ni Jimbo na nagagamit ng buong baryo sa pagsasaka na pangunahing ikinabubuhay ng mga taga-roon. Masaya namang bumalik sa Maynila si Jimbo dala ang karanasang hindi niya kailanman malilimutan. Na minsa’y nakilala niya ang tulad ni Mang Julian.