Inday TrendingInday Trending
Nakakabilib ang Lolang Konduktor ng Bus na Ito; May Malalim na Rason Pala Kung Bakit Siya Pumasok sa Ganoong Trabaho

Nakakabilib ang Lolang Konduktor ng Bus na Ito; May Malalim na Rason Pala Kung Bakit Siya Pumasok sa Ganoong Trabaho

“Oh lima na lang, aandar na!” sigaw ni Manang Nadja sabay punas ng kaniyang tumatagaktak na pawis. Tanghaling tapat at kaya’t sobrang init na init siya. ‘Di nakatulong na tila ba sumasakit ang mga tuhod at batok niya kaninang umaga pa. Sisenta anyos na kasi siya. Marami ngang nagsasabi sa kaniya na tumigil na sa pagkokonduktor sa bus dahil sa edad niya. Katwiran niya ay mas malakas pa nga siya sa mga ito. Isa pa, hindi alam ng marami na mahalaga sa kaniya ang trabaho dahil sa isang rason. Naputol ang kaniyang pagmumuni-muni nang bigla siyang businahan ng kaniyang drayber na si Elfie.

“Halika na manang!” Nakangisi nitong sabi. Mabilis naman na tumalima si Nadja. Naging mahaba ang araw na iyon para sa kanila. Malapit na magmadaling araw at gagarahe na dapat sila. Tulad ng nakagawian ay tsinek ni Nadja ang buong bus upang masigurong wala nang pasahero. Nagulat siya nang isang buntis na babae ang nakita niya. Nilapitan niya ito upang pababain nang mapansin niyang humihikbi ito. Nanaig sa kaniya ang pusong ina kaya’t marahan niya itong tinapik at sinabihan. Nagpupunas ng luha na agad namang tumayo ang babae. Kapwa sila nagulat nang makita nilang basa ang inupuan nito. Kasabay ng realisasyon na pumutok na ang panubigan nito ay biglang napaupo muli ang babae habang umaaray sa sakit. Mukhang manganganak na ito!

“Ay! Ay! Elfie, tulong! Dali!” Natatarantang sabi ni Manang Nadja. Dali-dali namang sumunod si Elfie at nang makita niya na basa at duguan na ang babaeng pasahero, tila natulos din ito sa kinatatayuan.

“Aba bilis at isugod na natin ito sa ospital!” sigaw ng matanda habang maingat na inaalalayan ang babaeng patuloy sa pagsigaw dahil sa sakit.

Agad namang pinaharurot ni Elfie ang bus patungo sa pinakamalapit na ospital. Si Manang Nadja ay hawak ang kamay ng babae habang patuloy sa pagdarasal. Pagdating sa ospital ay halos makipagaway pa ang manang dahil sa matagal na pagresponde ng mga doktor dahil mukhang may banggaan ding naganap malapit doon.

“Mauna ka na Elfie at baka hinahanap ka na ng asawa’t anak mo.”

“Kayo ho?” Tanong ni Elfie na nag-aalangan siyang iwan.

“Ako nang bahala dito, sige na,” sagot niya.

Matyagang naghintay si Manang Nadja sa kamag-anak na tinawagan ng babae. Pagdating ng mga ito ay uuwi na rin siya. Maya-maya lang ay isang humahangos na lalaki ang dumating.

“Lino? Ikaw ba iyan?” Sabi ni Manang Nadja sa nanginginig na tinig.

“‘Manang Nadja?” Gulat rin na sabi nito saka siya niyakap ng mahigpit. Ito daw pala ang asawa ng babaeng tinulungan niya kanina sa bus. Umiiyak na hinawakan ni Manang Nadja ang kamay ni Lino.

“Nasaan na ang anak ko, Lino? Nasaan na si Marvin?” Tila ba bumalik sa alaala nila ang trahedyang nangyari. Isang malakas na bagyo ang dumating sa kanilang baranggay noon at hindi kaagad sila nakalikas. Halos buong pamilya ni Manang Nadja ang nasawi, habang ang bunso niyong apo na si Marvin ay ‘di na kailanman nakita.

“Wala na po si Marvin, Manang Nadja… kami po ang magkasama noong…” hindi maituloy ni Lino ang sasabihin at napaiyak na rin.

Tuluyang napahagulgol ang matanda sa tindi ng kirot sa kaniyang puso. Napunta siya sa Maynila at nagpasyang kumuha ng trabaho na makakahalubilo niya ang maraming tao – tulad ng pagkokonduktor sa bus. Iyon ay sa pag-asang matagpuan ang nawawalang apo. Ngunit ngayong narinig niya ang balita ay tila ba bago lahat ang sugat ng nakaraan.

Matapos tila maubos ang luha, tumayo na si Nadja at nagpaalam. Pagtalikod niya ay narinig niyang nagsalita si Lino.

“Maaari ho ba kayo maging ninang ng anak ko? Sa ngayon ay kami-kami lang ng asawa ko ang magkasama, kung wala ho kayong kasama sa buhay, sa amin na lang po kayo tumira. Gusto ko pong suklian ang kabutihan niyo rin sa akin noon,” sabi ni Lino.

Tumango naman si Manang Nadja at pinisil ang kamay ni Lino. Umuwi siya ay pasikat na ang araw. Hungkag ang kaniyang puso ngunit habang siya ay nagdarasal, naisip niyang mabuti na rin ang lahat ng iyon. Ngayon ay makakausad na rin siya. ‘Di man niya maintindihan ang plano ng Poong Maykapal, sa ngayon ay mabubuhay siya para sa mga taong inilagay Nito sa buhay niya. Tuloy lang ang buhay.

Advertisement