Araw-araw na May Isang Pirasong Pulang Rosas na Dala ang Dalaga; Sikretong Manliligaw Nga Ba ang Nagpapadala Niyon?

Araw-araw na May Isang Pirasong Pulang Rosas na Dala ang Dalaga; Sikretong Manliligaw Nga Ba ang Nagpapadala Niyon?

LoveMysteryStories

“Wow ma’am, mukhang desidido ang manliligaw niyo ah! Araw-araw may pinapadalang bulaklak!” salubong na bati ng mabait na gwardiyang si Mang Toni sa dalagang si Mira. Nang umagang iyon kasi ay pumasok sa opisina ang dalaga na may dala na namang isang pirasong pulang rosas. Isang misteryosong ngiti lamang ang sagot ni Mira at saka dumiretso na sa loob ng opisina.

Tulad ni Mang Toni, ganoon din ang reaksyon ng kaopisinang si Joy at Chi pagkakita sa bulaklak na bitbit ni Mira.

“Hmm… grabe rin yang manliligaw mo, ano? Walang palya. Bakit ‘di mo kasi subukang hulihin para makita mo kung kanino galing?” Kahit anong pangungulit ni Joy at Chi na subukan niyang alamin ang pagkatao ng sender ng pulang rosas ay walang tugon si Mira kung hindi maliit na ngiti.

“For all I know baka sa kaniya lang galing iyan ‘no, hmp,” pairap na sabi ng isang kaopisina nila. Inirapan naman ni Joy ang nagsabing iyon saka ibinaling ang atensyon kay Mira.

“Sana makilala naman namin iyan ano,” singit ng isa pa niyang kaibigan na si Chi.

“Sana nga…” nakatulalang sabi rin ni Mira.

Nag-aalalang nagkatinginan sina Joy at Chi nang mapansing nakatulala na naman ang kaibigan nila. Napansin nila na tila ba nagbago ito. Ang dating Mira na kilala nila bilang masayahin at makulit na dalaga, ngayon ay laging seryoso at madalas tila lumilipad kung saan ang utak. Kahit ngumingiti ito sa kanila ay halatang may lambong sa mga mata nito. Nitong nakaraang dalawang buwan, kasabay ng tila pagbabago nito ay ang paglitaw din ng mga pulang rosas na dala-dala nito tuwing pagpasok sa umaga. Kinantyawan pa nila ito nung una na may nililihim na jowa sa kanila ngunit nang magtuloy-tuloy iyon, araw- araw, at nakikita nilang tila malungkot ang kaibigan, ang pangangantyaw nila ay nauwi na sa pag-aalala.

Hanggang isang araw, lunch break nila, yayayain sana nilang kumain sa labas si Mira ngunit nahuli nila itong umiiyak habang akap sa dibdib ang pulang rosas. Doon na tuluyang nagpasya ang magkaibigan na alamin ang pagkatao ng nagpapadala ng bulaklak. Ano ba talagang pinagdadaanan ni Mira at bakit ito nagkakaganoon? Gusto nilang matulungan ang kaibigan sa kung ano man ang problema nito.

Nang hapon din iyon ay nagplano si Joy at Chi na susundan mula sa bahay hanggang sa pagpasok nito sa opisina si Mira upang malaman nila kung saan nanggagaling ang pulang rosas. Habang nag-aabang sa kanto kung saan tanaw nila ang bahay ni Mira, nakita nila itong lumabas ng bahay. Sinundan nila ang kotse ng dalaga at nagulat sila nang tumigil iyon sa isang tindahan ng mga bulaklak. Nag-aalangan ang magkaibigan sapagkat nahuhulaan na nila ang susunod na mangyayari. Paglabas ni Mira ay may bitbit na itong isang pirasong pulang rosas. Tama nga ang hinala nila, dito lang din galing ang mga rosas! Ngunit bakit tuwing tatanungin nila ay hindi nito nililinaw iyon? At ano naman kaya ang dahilan nito?

Naguguluhan ang magkaibigan sa natuklasan. Ngunit mas nangibabaw ang kanilang awa nang makita nilang ilang minuto muna sa kotse si Mira at humahagulgol ng iyak. Doon sila nagpasyong lapitan na ito.

“Mira… “ sambit ni Joy sabay katok sa bintana ng kotse. Nagulat si Mira nang makita sila at agad na pinunasan ang mga luha. Sumakay sila sa kotse nito at sinamahan ito habang patuloy itong umiiyak. Inalo lang nila ito hanggang tumahan ito at nagsimulang magkwento.

“Isang pulang rosas ang huli niyang binigay sa akin bago siya nawala… “

“Sino?” nag-iingat na tanong ni Chi na puno ng pag-aalala.

“Nakilala ko si Marco sa isang ospital limang buwan na ang lumipas dahil sinasamahan ko ang kapatid ko sa pagpapagamot. Akala ko noong una ay doktor siya doon. Napakabuti niya at matulungin sa mga pasyente doon, pati sa ate ko. Nahulog ang loob ko sa kaniya, akala ko nagkakamabutihan na kami dahil nagkakausap din kami sa telepono. Kaya nang huling araw ng pagpapagamot ni ate ay nagtapat ako ng damdamin sa kaniya. Katahimikan lang ang sagot niya, at doon ko lang din siya nakitang sobrang lungkot. Dahil wala siyang sinabi at ‘di makatingin sa’kin, umalis na lang ako na hiyang-hiya sa sarili. Nang samahan ko ulit si ate sa ospital ay naglakas loob akong ipagtanong siya. Doon ko lang nalaman na wala na pala siya sa ospital na iyon. At nalaman ko… na hindi pala siya doktor kung hindi matagal na pasyente doon. Sobrang lala na raw ng sakit niya kaya nagpasyang sa ibang bansa na lang magpagamot. Sinabi rin nilang nakakaawa daw dahil may taning na ang buhay niya,” hagulgol na naman si Mira sa naisip.

‘Di namalayan ng magkaibigan na pati sila ay napaluha na rin dahil sa pangwarak pusong kwento ni Mira. Ngayong alam na nila ang dahilan, nagpasya na lang sila na huwag nang punain ang kaibigan. Simbolo pala ang pulang rosas ng duguan nitong puso. Hiling nila ay sana balang araw ay makaka-move-on

Laglag ang panga nina Joy at Chi nang pagpasok nila sa opisina kinabukasan ay wala pa si Mira, ngunit isang pulang rosas ang nasa lamesa nito. Nagkatinginan ang dalawa sa naisip. Pagdating ni Mira ay naguguluhan din ito at nagtanong kanino galing ang bulaklak, sabay tingin sa pulang rosas na bitbit niya.

“Miracle,” bati ng isang tinig. Tila ba nabingi sa lakas ng tibok ng puso niya si Mira nang paglingon ay nakita ang binatang iniibig, walang iba kundi si Marco!

Nagyakapan ang dalawa at sabay na lumuha. Buti ay wala pang tao sa opisina maliban kay Joy at Chi na kapwa naluha na rin sa saya. Kitang-kita kasi nila ang pagmamahalan na nagniningning sa mga mata ng dalawa.

“Matagal ko nang tanggap na ‘di na ‘ko gagaling, ngunit dahil sa’yo, pinili kong lumaban ulit. Salamat Mira.”

Napag-alaman nilang si Marco mismo ang nagpasyang sa ibang bansa magpaopera. Iyon ay dahil gusto niya pang mabuhay kasama si Mira. Ngayon ay patuloy itong nagpapagaling ngunit nagpumilit na bumalik para sa dalagang iniibig. Buong puso namang tinanggap ni Mira ang pag-ibig na matagal na hinintay at inalagaan. Nalalanta nga ang rosas na binibili niya araw-araw, ngunit hindi ang kaniyang damdamin. Isa ngang milagro ang pag-ibig. Ito ang dahilan ng pag-inog ng mundo, at minsan ito rin ang pwersang tumutulak sa atin upang labanan pa ang mga pagsubok ng buhay.

More Stories