Inday TrendingInday Trending
Ilang Taon nang Pinagbabayaran ng Misis ang Kaniyang Pagtataksil Noon; Kailan Kaya Siya Patatawarin Muli ni Mister?

Ilang Taon nang Pinagbabayaran ng Misis ang Kaniyang Pagtataksil Noon; Kailan Kaya Siya Patatawarin Muli ni Mister?

Nagsisimula ang araw ni Liezel na aligaga habang gumagawa ng mga gawaing bahay. Panggabi kasi sa trabaho ang kaniyang mister at hindi mawala sa isip niya ang posibilidad na maaari siyang iwan nito anumang oras. Kasabay nito ang minu-minuto niyang pagsilip sa selpon upang tingnan kung may mensahe ang kaniyang mahal na asawa.

Tatlong taon na ang nakakaraan nang magpakasal ang mag-asawa. Isang taon ang lumipas ngunit hindi sila mabiyayaan ng supling. Ang dahilan, walang kakayahan ang kaniyang asawa na magkaroon sila ng anak. Sa madaling salita, baog ang kaniyang mister ayon sa kanilang doktor.

Kahit na anong lambing at katotoo ni Mark sa kaniyang misis, hindi iyon natanggap ni Liezel. Hindi rin nagtagal, pagkaraan ng ilang buwan ay nahulog sa tukso si Liezel at nabuntis ng ibang lalaki. Subalit nagkaroon ng komplikasyon kung saan nabuo ang bata sa ibang parte ng kaniyang matres at kinailangan itong alisin dahil kung hindi ay maaari niya iyong ikasawi.

Pinutol ni Liezel ang kaniyang lihim na pakikipagrelasyon sa isang lalaki na kanila ring matalik na kaibigan. Naiwang wasak si Mark. Ang kaniyang puso pati na ang buhay. Hindi kasi niya lubos maisip kung paano ito nagawa sa kaniya. Kung sa mga palabas ay mga mister ang nagtataksil, iba naman sa kanilang sitwasyon.

Kung kaya naman, dalawang taon na ang nakakalipas, naging malamig ang pakikitungo ni Mark kay Liezel. At hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin niya lubos na mapatawad ang misis. Wala pa rin silang supling na naisip ni Liezel ay paraan sana upang maging maayos muli ang kanilang relasyon. Nananatili itong bangungot sa kanilang dalawa. Ang araw-araw nila sa loob ng dalawang taon ay malamig at puro na lamang bangayan.

Isang umaga, nagising si Liezel mula sa isang bangungot. Muli niyang napanaginipan ang kaniyang pagtataksil at ang anak na tinanggal sa kaniyang sinapupunan. Huminga siya nang malalim at tahimik na humikbi mula sa pagkakaiyak. Tatlong taon na sana ang anak niya sa mga panahong ito. Subalit maaari ngang ganti ito lahat ng tadhana. Ang ilang taon ay bangungot sa panaginip man o sa totoong buhay niya.

Biglang gumising si Liezel sa katotohanan at agad na tinignan ang oras. Tanghali na pala ngunit wala pa siyang lutong ulam para kay Mark na maaaring pauwi na. Hindi na aabot kung magluluto pa siya kaya naman, nag-ayos siya ng sarili at nagbihis. Mabilis siyang kumilos upang bumili ng ulam sa labas. Iinitin na lamang niya ito upang hindi mahalata na hindi siya ang nagluto.

Sunod-sunod ang hakbang ni Liezel ngunit napatigil siya nang makita ang asawa na kausap ang anak ng may-ari ng karinderya na si Mariz. Nagtatawanan ang dalawa at kitang-kita niya kung paano magtinginan ang mga iyon. Nagsalubong ang kaniyang kilay at muling binilisan ang paglakad na halos tumakbo na. Hinila niya sa may braso si Mark at nagsisisigaw ng kung ano-ano sa babae.

Noong una ay mahinahon pa siyang inaawat ni Mark at mariing itinatanggi ang mga hinala ni Liezel. Ngunit ayaw pa rin niya magpaawat. Marami na ang lumabas at nakiusyoso sa mga pinagsasabi ni Liezel. Kung kaya naman, ginamitan na siya ni Mark ng pwersa at halos mahilahod si Liezel maiuwi lamang sa kanilang bahay.

Tahimik si Mark at pumasok sa kwarto upang magbihis na. Samantala, si Liezel naman ay nagngingitngit pa rin sa galit. Napuno ang babae ng hinala sa mister. Sigurado siyang mayroon itong ginagawang mali at ginagantihan lamang siya nito.

Ilang minuto pa ang lumipas, buhat ng pananahimik ni Mark, lalong nainis si Liezel dahil ang ibig sabihin lang daw nito ay totoo ang kaniyang mga hinala. Hanggang sa hindi na nakapagtiis si Mark at pinagtaasan na rin ng boses ang asawa. Muling nagkaroon ng bangayan sa pagitan ng dalawa at umabot pa kung saan muling inungkat ni Mark ang pagtataksil ni Liezel sa kaniya dalawang taon na ang nakakalipas.

Natahimik si Liezel at walang masabi matapos niyang marinig ang mga masasakit na salita ng mister. Akala niya ay wala na iyon dahil ilang taon na rin naman. Buong akala niya na ang pananatili na lamang niya sa bahay ay makakapanatag ng loob ng asawa na wala na siyang ginagawang masama. Ngunit ang lahat ng iyon ay maling akala lamang niya dahil si Mark, hanggang ngayon ay hindi pa naghihilom at patuloy ang paghihinala sa kaniya. Hinihintay na lamang pala nito na tuluyang umalis ang misis sa kanilang bahay para matahimik na ito.

Matapos magisisigaw ng mister, kinuha nito ang bag at mabilis na umalis sa kanilang bahay. Naiwang luhaan at puno ng hinagpis si Liezel sa bahay na pareho naman nilang binuo. Ang pag-aaway na iyon ay nagpaguho ng buhay ni Liezel pati na ang kaniyang pangarap kasama ang mister.

Hindi nagtagal, nagpasya si Liezel na umalis na rin. Dala ang leksiyon na hindi sa lahat ng panahon ay bibigyan tayo ng ikalawa o ikatlong pagkakataon. Kung minsan, ang oportunidad sa buhay ay isang beses lamang ibinibigay, kung kaya nararapat lamang na alagaan at pahalagahan natin ito. Hindi na kailanman nagkabalikan ang mag-asawa at nagpatuloy sa pagpapahilom ng isa´t isa na magkahiwalay.

Advertisement