Inday TrendingInday Trending
Isinakripisyo ng Dalaga ang Sariling Kinabukasan para sa Kaniyang Pamilya; Isang Magandang Pagpapala ang Kaniyang Matatanggap

Isinakripisyo ng Dalaga ang Sariling Kinabukasan para sa Kaniyang Pamilya; Isang Magandang Pagpapala ang Kaniyang Matatanggap

Hindi maiwasan ni Aling Thelma na tumulo ang kaniyang mga luha habang pinagmamasdan ang kaniyang panganay na anak na si Berna na nagbabalot ng kaniyang mga gamit. Bukas na kasi ang byahe ng dalaga papuntang Maynila. Pumasok kasi itong kasambahay para makatulong sa kanilang pamilya.

Ilang saglit lang ay napansin ni Berna ang ina.

“O, ‘nay, bakit hindi pa po kayo natutulog? May kailangan po ba kayo? May masama po ba kayong nararamdaman?” wika ng dalaga.

“Wala naman, anak. Parang gusto sana kitang pigilan sa pag-alis mo. Dito ka na lang sa amin at pagkasyahin na lang natin kung ano ang meron. Pagbubutihan na lang namin ng tatay mo ang pagtatanim sa bukid,” naluluhang sambit ni Aling Thelma.

“‘Nay, hindi na po ako p’wedeng umatras. Saka alam n’yo naman na noon pa ay gusto ko nang tumulong sa pamilya natin. Gusto kong makaipon nang sa gayon ay mapag-aral ko ang mga kapatid ko. Para naman pagdating ng araw ay mabago ang buhay nila. Huwag na po kayong mag-alala sa akin dahil kaya ko na po ang sarili ko,” saad naman ni Berna.

“Naaawa lang kasi ako sa iyo, anak. Dapat kasi ay nag-aaral ka para matupad mo naman ang pangarap mo sa buhay. Pero heto ka at aalis para sa aming pamilya mo. Kami dapat ang kumayod ng tatay mo para mabigyan kayong mga anak namin ng magandang buhay,” pagtangis pa ng ina.

“Huwag na po kayong umiyak, ‘nay. Gusto ko naman po itong gagawin ko. Mahal na mahal ko po kayo ni tatay at pati ang mga kapatid ko. Ayos lang po talaga ako. Ang pangarap ko naman po ay mabigyan kayo ng magandang buhay. Kaya nga po ito, tutuparin ko na,” dagdag pa ng dalaga.

Niyakap na lamang ni Berna ang ina nang sa gayon ay hindi na ito mag-alala pa.

Kinabukasan ay maagang gumising si Berna para bumiyahe papuntang Maynila. Magkahalong kaba, saya at pangungulila ang nararamdaman ng dalaga. Ngunit mas nangingibabaw sa kaniya ang pagnanais na iahon sa hirap ang kaniyang pamilya.

Pagdating pa lang sa bahay na kaniyang pinagtatrabahuhan ay agad nang tumawag si Berna sa kaniyang pamilya para ipaalam na ligtas siyang nakarating.

“Palagi kang mag-iingat diyan, anak. Huwag mo na kaming masyadong alalahanin dito dahil ayos lang kami. Galingan mo ang trabaho mo at ang pakikisama mo sa kanila. Maraming salamat, anak, sa mga sakripisyo mo,” wika ni Aling Thelma sa kaniyang panganay.

Unang sahod pa lang ni Berna ay ipinadala na niyang lahat sa kaniyang pamilya sa probinsya. Ni hindi man lang siya nagtira ni piso para sa kaniyang sarili.

“‘Nay, gamitin n’yo po ang pera na iyan para sa pag-aaral ng mga kapatid ko. Gagawin ko po ang lahat para makapagtapos sila ng pag-aaral. Kapag nakapagtapos sila ng pag-aaral ay parang nakapagtapos na rin po ako,” wika pa ni Berna.

Walang ginawa si Berna kung hindi magtrabaho at mag-ipon para maipadala sa kaniyang mga magulang. Dahil sa sobra-sobra niyang kabaitan ay nag-aalala na sa kaniya ang mga kapwa kasambahay niya.

“Alam mo, Berna, magtira ka ng kahit magkano para sa sarili mo. Huwag mong ibigay lahat sa pamilya mo. Maniwala ka gigising ka na lang isang araw na sa wala rin mapupunta ang lahat ng pinaghirapan mo. Ganyan naman ang pamilya natin. Kilala lang tayo kapag may pera at may pakinabang sila sa atin. Pero kapag wala na’y wala na rin tayong halaga,” saad ni Karen, kasamahan niya sa trabaho.

“Naku, hindi gano’n ang pamilya ko. Sa totoo nga lang ay ayaw nila akong papuntahin dito, ako lang ang nagpumilit,” paliwanag naman ni Berna.

“Siyempre, sa una ay ganyan sila. Mabait sa atin at kunwari’y nag-aalala. Pero darating ang panahon na masasanay sila na tayo ang sumasagot ng lahat. Maniwala ka sa akin. Kahit itanong mo pa sa ibang kasamahan natin dito. Kabisadong kabisado na namin ang ganiyang istorya,” sambit naman ni Lita, ang labandera sa bahay na iyon.

Ngunit kahit ano pang sabihin ng mga kasamahan ay hindi nila napigilan si Berna sa pagtulong sa kaniyang pamilya. Madalas nila itong kutyain dahil masyado raw itong mabait at mapagbigay.

Minsan ay inaya ng mga ito si Berna upang lumabas. Ngunit hindi sila pinaunlakan ng dalaga.

“Kayo na lang muna ang umalis. Iniiwasan ko kasing gumatos dahil pinag-iipunan ko ang pangkolehiyo ng kapatid ko,” saad ni Berna.

“Naku, Berna, palagi na lang ang pamilya mo ang iniisip mo. Baka mamaya kapag nabuntis na lang ‘yang kapatid mo ay malugmok ka. Bigyan mo naman ng kaligayahan ang sarili mo. Puro ka na lang pamilya!” natatawang sambit ni Karen.

Hindi na lang sumagot pa si Berna. Batid niya kasing hindi naman siya maiintindihan ng mga kasamahan.

Nasanay ang na ang mga kasamahan ni Berna na hindi siya sumasama sa kanilang mga pag-alis kaya hindi na nila niyayaya ang dalaga. Dahilan din ito para tuluyang lumayo ang loob nila at tuluyang kainisan si Berna.

Madalas nilang patawanan ang pagiging maka-pamilya nitong si Berna. Tiyak silang pagsisisihan ni Berna bandang huli ang kaniyang desisyon.

Ngunit hindi lang ang mga kasambahay ang nakatuon sa mga ginagawa ni Berna. Maging ang kaniyang mga amo ay nagtataka rin kung bakit lahat ng sahod ni Berna ay pinapadala niya sa kaniyang pamilya.

Tawang tawa ang mga kasambahay nang ipatawag si Berna ng amo para kausapin.

“Hindi mo ba iniisip man lang ang kapakanan mo, Berna? Magtira ka naman kahit magkano para sa iyong sarili. Iba pa rin ang may sarili kang ipon. Paano na lang kung isang araw ay hindi sumang-ayon ang lahat sa nais mong mangyari? Sigurado ka bang kaya mo ang sarili mo?” wika pa ng babaeng amo.

“Madam, hindi ko naman po hawak ang kapalaran nila. Ang sa akin lang po ay nais kong gawin ang lahat ng makakaya ko para lang mabigyan sila ng magandang bukas. Hindi naman po mapaghangad ang pamilya ko. At kung dumating man ang panahon na hindi nga umayon ang lahat sa pangarap ko, basta sa akin, ginawa ko po ang lahat para sa kanila. Ginawa ko po ang lahat para maging isang mabuting anak at kapatid,” pahayag ni Berna.

Naantig ang kalooban ng amo sa sinabing ito ni Berna. Napatunayan niyang mabuti talaga ang kalooban nito at ang tanging hangad lang niya ay maiahon sa kahirapan ang kaniyang pamilya.

“Marahil ay mabuti rin ang mga magulang mo. Napakaswerte nila sapagkat ikaw ang kanilang anak. Berna, sana tanggapin mo ang iaalok ko sa iyo. Dahil hindi ka makasarili at inuuna mo palagi ang kapakanan ng iyong pamilya. Nais ko sanang makatulong sa inyo. Nais ka sana naming pag-aralin ng asawa ko sa kolehiyo. Sasagutin namin ang lahat ng kailangan mo. Basta ipangako mo lang na gagalingan mo ang pag-aaral. Hindi lahat ay tulad mo. Hayaan mong gamitin kami ng Panginoon para gantihan ang kabutihan ng iyong puso,” wika pa ng babaeng amo.

Bumaha ang luha ni Berna. Hindi lang kasi alam ng marami ngunit pangarap niya talagang makapag-aral ng kolehiyo. Ngunit kaya niyang isakripisyo ang pangarap na ito para lang sa ikabubuti ng kaniyang pamilya.

Napanganga naman ang kaniyang mga kasamahan nang malaman ang gantimpalang ibinigay ng mga amo sa dalaga. Samantalang, labis ang tuwa ng pamilya ni Berna sa magandang balitang ito.

“Karapat-dapat ka sa lahat ng pagpapalang iyong natatanggap, anak. Dahil hindi ka lang mabuting anak at kapatid kung hindi napakabuti mong tao kahit kanino,” saad ni Aling Thelma sa anak.

Pinagbutihan ni Berna ang kaniyang pag-aaral at pagtatrabaho. Hangad niyang sa kaniyang pagtatapos sa pag-aaral ay mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kaniyang pamilya sa probinsya.

Advertisement