Inday TrendingInday Trending
Masama ang Tingin ng mga Kapitbahay sa Isang Ginang dahil sa Trato Nito sa Manugang; Lahat ay Magugulat sa Tatambad na Katotohanan

Masama ang Tingin ng mga Kapitbahay sa Isang Ginang dahil sa Trato Nito sa Manugang; Lahat ay Magugulat sa Tatambad na Katotohanan

“Manang Lucy, p’wede po ba akong makahiram muna sa inyo ng kahit limang daang piso lang? May kailangan lang akong bilhin talaga para sa mga anak ko,” saad ni April sa kapitbahay.

“Hindi ba nasa ibang bansa ang asawa mo? Wala na ba siyang trabaho? Saka bakit sa akin ka nanghihiram at hindi sa biyenan mo?” sunud-sunod na tanong ng ginang.

“Mahabang kuwento po, Manang Lucy. Matagal na kasing hindi ako pinapadalhan ng asawa ko. Doon na niya pinapadala sa nanay niya at siya na po ang namimili ng mga pangangailangan namin. Hindi ko nga maintindihan kung bakit niya ito ginagawa sa akin. Parang hindi ako asawa,” malungkot na sambt muli ni April.

Napailing si Manang Lucy sa kaniyang nalaman. Naawa siya sa kalagayan ng kaniyang kapitbahay. Kaya agad na pinahiram ni Manang Lucy ang kapitbahay upang maibsan naman ang hirap na nararanasan nito.

Kinabukasan, habang nagwawalis ng bakuran si Manang Lucy ay nakita niya ang biyenan ni April na si Aling Rosita. Sakay ito ng kotseng binili ng anak at dala ang kaniyang mga pinamili sa grocery.

“Isang damukal ang pinamili ngunit hindi man lamang mabigyan ang manugang, Manong turuan niya ang anak niya na bigyang halaga ang asawa. Hindi ‘yung parang masaya pa siya sa nangyayari sa mag-asawa,” inis na sambit ni Manang Lucy.

Narinig naman ito ng isa pang kapitbahay na si Aling Juliet.

“Ano ba ang sinasabi mo riyan, Lucy? Bakit parang inis na inis ka kay Rosita?” pagtataka ng ginang.

Hindi na naiwasan pa ni Manang Lucy na magkuwento tungkol sa nangyari.

“Kahapon ay nangutang sa akin ang manugang niyang si April. Hindi na pala kasi sa kaniya pinapadala ng asawa niya ang pera kung hindi diyan kay Rosita. Tingnan mo naman kung makaasta. Kawawa tuloy si April dahil wala man lang madukot kapag may pangangailangan ang mga anak niya!” pahayag ni Manang Lucy.

“Ibang klase talaga, ano? Alam mo may manugang din naman ako, pero hindi ko naman pinakikialaman ang pagsasama nila. Kung kailangan lang nila ang gabay at payo ko saka ako makikialam, pero ‘yung usapang pinansyal? Hindi ko na ‘yun pinanghihimasukan pa,” saad naman ni Aling Juliet.

Dahil sa pagkukwentong iyon ay kumalat na sa buong lugar ang nangyayari. Marami ang naaawa kay April. Sa isang banda ay naging pabor ito sa ginang dahil may nahihingan na siya ng tulong sa tuwing wala siyang mahugot.

“Hanggang ngayon ba ay ang biyenan mo pa rin ang nagmamaneobra ng pamilya n’yo? Bakit pumapayag ang asawa mo na pakialaman kayo ng nanay niya? Bakit kasi hindi na lang kayo bumukod ng mga bata,” tanong ni Aling Juliet.

“Sa totoo lang ay hindi ko talaga sila maintindihan. Siguro ay natatakot ang asawa ko na magalit sa kaniya ang nanay niya kaya doon na lang niya pinapadala ang pera. Matagal na kasing nakikipagkompetensya sa akin ang byenan ko lalo sa pagmamahal ng asawa ko. Hindi ata niya tanggap na may sarili nang pamilya ang anak niya,” sambit pa ni April.

“Kung ako ang nasa kalagayan mo ay hindi ko papayagan ‘yan. Pipilitin ko ang asawa ko na humiwalay. Kung ayaw niya ay ilalayo ko ang mga bata! Bahala silang maghabol!” wika naman ni Manang Lucy.

“Hindi ko po kasi ‘yun magawa dahil sa mga anak ko. Naaawa ako sa kanila dahil baka mamaya ay hindi ko maibigay ang kanilang mga pangangailangan. Saka sino po ang mag-aalaga sa kanila kapag ako naman ang nagbanat ng buto. Pinipilit ko na lang pong makisama at kayanin ang lahat para sa mga anak ko. Kahit ang totoo ay ang sakit sakit ng ginagawa sa akin ng asawa ko!” muling wika ni April.

Dahil sa mga pahayag na ito ni April ay lalong sumama ang tingin ng mga tao kay Aling Rosita. Napapansin na ito ng ginang ngunit hindi na lang siya nagsalita pa.

Hanggang isang araw ay umuwi ang asawa ni April na si Roland. Narinig niya ang mga kapitbahay na pinag-uusapan ang kaniyang ina at asawa. Kaya upang makasiguro ay tinanong niya ang mga kapitbahay. Nagulat na lamang ang ginoo nang sitahin siya ng mga ito.

“Ikaw naman, Roland, grabe mong pahirapan ang asawa mo. Ayan, tuloy at tuluyan ka nang iniwan! Alam mo ba kung gaano kahirap ang sitwasyon niya. Habang ang nanay mo ay nagpapakasasa sa mga padala mo ay naghihirap naman ang asawa mo. Nanghihiram lang siya sa amin ng pera para mapagbigyan ang gusto ng mga anak n’yo! Nagtitiis siya para sa mga bata!” saad ni Manang Lucy.

“Saka ‘iyang ina mong si Rosita, napakaganid niya. Ni hindi man lang niya ibigay sa pamilya mo ang nararapat na pangangailangan nila. Laging pahirapan kay April ang paghingi sa kaniya ng pera. Ang sama sama ng nanay mo!” saad naman ni Aling Juliet.

Dito na nagpanting ang tenga ng ginoo.

“Napakasakit n’yo naman pong magsalita ata sa nanay ko! Wala po kayong alam kaya huwag kayong makialam sa pamilya namin!” sambit ni Roland.

“Makikialam kami dahil kami ang laging nilalapitan niyang si April!” saad naman ni Manang Juliet.

“Sa kaniya marahil nanggaling ang lahat ng balitang ito. Sana ay bago kayo magsalita laban sa aking ina ay inalam n’yo muna ang totoo! Ilang beses na akong niloko ni April ngunit para sa anak namin ay pilit pa rin akong nakikisama sa kaniya. Binibigay ko pa rin ang mga pangangailangan niya at ng mga anak namin sa kabila ng mga nagawa niyang pangangaliwa sa akin! Ilan beses niya akong hinuthutan para lamang may maibigay sa lalaki niya. Maraming gamit sa bahay ang binenta niya para lamang matugunan niya ang pangangailangan ng kaniyang laman. Masisisi niyo ba ako kung sa nanay ko na ipahawak ang perang pinaghirapan ko? Gusto ko lang naman makasiguro na mapupunta sa mga bata ang lahat! Umalis siya dahil sumama siya sa iba. Iniwan niya ang mga anak namin at pinagpalit sa lalaki niya!” galit na galit na sambit ni Roland.

Gulat na gulat ang mga ginang sa katotohanang kanilang narinig. Hindi nila akalain na sa tagal ng panahon ay pinapaikot lamang sila ni April upang makunan sila ng pera. Hiyang hiya sila sa panghuhusgang ginawa nila kay Aling Rosita dahil sinusubukan lang naman nitong tumulong sa pamilya ng kaniyang anak.

Gigil na gigil ang mga ginang kay April dahil sa panlolokong ginawa nito sa kanila. Humingi sila ng tawad kay Rosita at sa anak nitong si Roland dahil sa masasamang nasabi nila.

“Sabagay, kaya nga niyang lokohin ang sarili niyang asawa at anak. Ano pa kaya tayong iba sa kaniya,” sambit ni Manang Lucy kay Aling Juliet.

Simula noon ay naging aral sa mga ginang na hindi tama ang manghimasok sa buhay ng ibang tao.

Advertisement