Inday TrendingInday Trending
Pinagsisigawan at Hinamak ng Isang Ginoo ang Isang Aeta na Nakabangga; Labis Niyang Pagsisisihan ang Ginawa Niyang Ito

Pinagsisigawan at Hinamak ng Isang Ginoo ang Isang Aeta na Nakabangga; Labis Niyang Pagsisisihan ang Ginawa Niyang Ito

“Mukhang maganda ang gising mo ngayon, Philip. Anong meron?” tanong ng asawang si Glydel sa kaniyang mister.

“Ngayon kasi sasabihin ng mga boss namin kung sino na ang nakakuha ng pinakamataas na posisyon sa departamento ko. Malakas ang kutob kong ako na ‘yun dahil wala namang ibang karapat-dapat kung hindi ako. Bukod sa mataas na ang posisyon ko ngayon ay mas marami akong mga ideya na naibigay sa kanila. Kaya ihanda mo na ang masasarap na putahe na alam mo at mamaya ay magdidiwang tayo!” tugon naman ng mister.

“Naku, Philip, alam kong magaling ka. Pero sa tingin ko ay huwag kang masyadong umasa nang sa gayon ay hindi ka masaktan. Baka mamaya ay hindi ikaw ang mapili at magalit ka pa sa kompanya,” paalala naman ng ginang.

“Wala ka bang tiwala sa asawa mo, Glydel? Ikaw pa naman ang inaasahan kong unang susuporta sa akin. Bahala ka nga kung sa tingin mo ay nangangarap lang ako. Kapag tumaas na ang sahod ko ay hindi kita ibibili ng bag na gusto mo! Tigilan na nga natin ang pag-uusap na ito at papasok na ako sa opisina baka mausog pa ang promotion ko!” saad muli ni Philip.

Labis na nag-aalala si Glydel para sa mister. Kahit na magaling kasi ito’y alam niyang may kahambugan ang asawa. Malaki ang tyansa na hindi mapunta kay Philip ang posisyong iyon kung ugali lamang ang pagbabasehan.

Dahil maaga pa naman ay dumaan muna sa isang cafe itong si Philip.

“Mabilhan nga ng mga mamahaling tinapay at kape ang mga kasamahan ko. Libre ko na sila tutal sigurado naman na ang promotion ko,” wika pa ng ginoo.

Sa pagpasok niya sa cafeteria ay nakabangga niya ang isang lalaking kulot ang buhok at maitim ang kulay ng balat.

“Ano ba naman at hindi mo tinitingnan ang iyong dinadaanan?!” galit na sambit ni Philip.

“Pasensya na, ginoo, nagmamadali lang talaga ako. Hindi ko sinasadya,” paghingi ng paumanhin ng lalaki.

“Palibahasa’y hindi sanay ang mga kagaya mong Aeta sa siyudad. Bakit bumababa pa kasi kayo ng bundok para makihalubilo sa amin? Manong bumalik ka na lang sa gubat na pinagmulan mo!” bulyaw pa ni Philip.

“Ginoo, nanghihingi naman po ako ng paumanhin. Inaako ko na nga ang kasalanan kahit parehas tayong nagkamali. Hindi naman tama na dahil lamang sa maliit na bungguan ay gagawin mo nang katatawanan ang aking pangkat na kinabibilangan,” pakiusap muli ng lalaki.

“Wala akong pakialam sa lahat ng sinasabi mo. Totoo naman ang sinasabi ko, a! Pasakit kayong mga Igorot dito sa siyudad. Ni hindi niyo alam ang sibilisasyon. Pilit kayong nagsusumiksik dito pero wala naman kayong dulot kung hindi perwisyo. Palibahasa’y hindi man lang kayo inabot ng edukasyon. Wala ka kasing pinag-aralan kaya hindi mo alam kung sino ang binabangga mo! Taga-Maynila ako at mas marami akong karapatan sa iyo dahil sampid ka lang dito!” galit na wika pa ni Philip.

Dahil pinagtitinginan na ng marami ay pinili na lamang ng lalaki na umalis at hindi na sagutin pa ang pagmamayabang ni Philip.

Taas noo naman si Philip nang umalis ang lalaki dahil alam niyang siya ang nanalo sa pagkakataong ito.

“E ‘di wala siyang masagot. Totoo naman na walang kwenta ang mga tulad nila. Pasakit sa sambayanan. Nagpapanggap na may kaya para makasabay sa mga taga siyudad. Nakakasuka ang pag-uugali!” ayaw pa ring tumigil ni Philip.

Pagkakuha niya ng kaniyang mga binili ay agad siyang sumakay sa kaniyang sasakyan at dumiretso na sa opisina.

“Hindi ako dapat mag paapekto sa nangyari sa akin nitong umaga. Swerte pa rin ako dahil alam kong ako ang makakakuha ng promotion!” sambit ni Philip habang nakatingin sa salamin at inaayos ang kaniyang suot na uniporme.

Pagpasok niya sa opisina ay isa’isa niyang pinamigay ang sa mga katrabaho ang binili niyang kape at tinapay.

“Aba, ano ang nakain mo at bumait ka yata,” saad ng isang katrabaho.

“Bakit hindi ba ako p’wedeng basta na lang manlibre sa inyo kung kailan ko gusto? Ang tingin n’yo yata sa akin ay walang pera. E mas mataas ang sahod ko sa inyo!” pagmamalaki pa ni Philip.

“Teka nga, may kinalaman ba ito sa ia-announce na promotion ngayon? Marahil ay tingin mo’y ikaw ang mapipili, ano? Iyon ang dahilan kung bakit nanlibre ka ngayon,” saad pa ng kasamahan.

“E, ano pa ba? Saka sino pa ba ang karapat-dapat sa opisinang ito sa promotion na ‘yun kung hindi ako. Ako ang susunod na pinakamataas na posisyon sa ating departamento. Malakas ang kutob kong ako na ang makakakuha ng posisyon na iyon!” tiwalang tiwala si Philip sa kaniyang sarili.

Ilang sandali pa ay nariyan na ang may ari ng kompanya. Hindi mapigilan ni Philip ang kaniyang mga ngiti dahil hindi na siya makapaghintay na banggitin ang kaniyang pangalan.

Ngunit laking gulat niya nang ibang pangalan ang sinambit ng may-ari.

“Ito nga pala si Norman Ablong, ang bago n’yong Marketing Head at Consultant. Pinahanga niya ang buong pamunuan dahil sa angkin niyang katalinuhan at galing. Siya ang nasa likod ng lahat ng promotions ng ating kompanya. Kaya tamang tama na sa kaniya ibigay ang posisyon,” wika ng may-ari ng kompanya.

Nanlaki ang mga mata ni Philip nang makita ang lalaking kaniyang nakaaway sa cafe ang kaniyang magiging boss. Alam niyang sap untong ito na hindi magiging madali para sa kaniya ang pagtatrabaho.

Habang nagdidiwang ang lahat dahil sa bagong mamumuno sa departamento ay hindi na alam ni Philip ang kaniyang gagawin dahil sa kahihiyan.

Nilapitan siya kaagad ni Norman upang kausapin.“Gusto ko lang sabihin sa iyo na hindi ko pahihirapan ang buhay mo dito sa opisina. Hindi kita pepersonalin. Pero sa susunod na makakita ka ng tulad ko ay huwag mo naman sanang husgahan. Tao rin ako na tulad mo. Iba man ang kulay ng aming balat o nakakatawa man para sa iyo ang itsura ng aming buhok at paraan ng aming pagsasalita, huwag mong maliitin ang uri namin dahil marami sa amin ay salat lamang sa edukasyon ngunit sagana naman sa mabuting ugali,” wika ni Norman kay Philip.

Wala nang maiharap na mukha si Philip sa lahat. Naging katatawanan pa siya dahil labis ang tiwala niya sa kaniyang sarili na siya ang makakakuha ng promosyon. Alam niyang pag-uwi pa niya sa bahay ay kakantiyawan din siya ng kaniyang asawa dahil hindi niya nakuha ang posisyong kaniyang inaasam.

Nagsilbing aral ito kay Philip na huwag manghusga sa kaniyang kapwa.

Ngayon, kahit na lamang sa hitsura si Philip ay araw-araw niyang dapat patunayan sa kaniyang boss na karapat-dapat siya sa posisyon niya sa kompanya.

Advertisement