
Isang Matanda ang Tinulungan Niya sa Kalagitnaan ng Gabi; Iyon na Pala ang Simula ng Kaniyang Swerte
“Boss, dito ka na sa shop ko, bagito ang gumagawa riyan!” narinig niya sigaw ng isa sa mga tauhan sa katapat nilang talyer.
Napabuntong hininga na lamang si Abdul nang sa hindi niya mabilang na pagkakataon ay maagawan siya ng kustomer ni Mang Ador.
Sa talyer na nga nito napupunta ang mga bigateng kliyente, pati ang malilit na kustomer ay hindi nito pinapatawad!
Ano nga naman ang magagawa niya? Kay liit-liit ng talyer niya, kumpara sa kabila!
Ilang taon nang mekaniko ang bente anyos na si Abdul. Bata pa lang siya ay natutunan niya nang magkumpuni ng mga sasakyan dahil sa kaniyang ama na isa ring magaling na mekaniko.
Subalit pumanaw na ito, kaya naman siya ang naiwan upang magtaguyod sa kaniyang inang may sakit at nakababatang kapatid.
Hirap na hirap sila sa buhay lalo pa noong magtayo rin ng malaking talyer ang kapitbahay nila. Dahil higit na maliit ang talyer nila, imbes na sa kaniya ay mas nagtitiwala ang mga nais magpagawa ng sasakyan sa kabila.
Hindi pa nakatulong ang bata niyang edad, kumpara kay Mang Ador na kaedaran ng kaniyang ama.
“Isarado mo na ang talyer mong bulok, Abdul. Wala ka namang panama sa talyer namin!” Iyon ang madalas niya marinig mula kay Janus, ang anak ni Mang Ador.
Subalit ano na lang ang kakainin nila kung gagawin niya ‘yun?
Kaya naman sa umaga ay nag-memekaniko siya, habang pumapasok naman siya bilang isang kargador sa kalapit na pier sa gabi.
Nang gabing iyon, naglalakad pauwi si Abdul mula sa kaniyang panggabing trabaho. Papasok na sana siya ng kanilang bahay nang marinig niya ang komosyon na nagaganap sa tapat ng talyer ni Mang Ador.
Ipinagtaka niya iyon, lalo na’t halos mag-aala una na ng madaling araw.
“Sarado na kami! Pumunta na lang kayo sa iba!” marahas na pagtataboy ni Mang Ador sa isang matandang lalaki. Mayroon itong isang lumang sasakyan.
“Pero kayo lang ang malapit na talyer. Baka tumirik na kung saan ang sasakyan ko. Baka naman maaaring pakitingnan,” malumanay na pakiusap ng matanda.
“Naku, hindi ko na problema ‘yan. Umalis na nga ho kayo at nakakaabala na kayo! Bakit ho ba kasi kayo nabiyahe nang malayo, eh bulok na ang sasakyan niyo? Hindi niyo ba alam na binubulabog ninyo ang pamamahinga namin?” inis na pakli ni Mang Ador bago nito isinara ang malaking gate.
Naiwan naman ang matanda na nakatayo roon, tila hindi malaman ang gagawin.
Nagtatalo naman ang isip ni Abdul. Pagod na pagod kasi siya, ngunit hindi niya rin naman magawang iwan na lang ang matanda, lalo pa’t alam niyang kailangan nito ng tulong.
Napabuntong hininga ang binata bago lumapit sa matandang lalaki.
“Sir, may problema ho ba?” magalang na tanong niya.
Gulat itong napalingon sa kaniya. Tila hindi nito inaasahan na may tao pa sa lansangan nang mga ganoong oras.
“Naku, oo. Bigla na lang umingay ang makina. Hindi ko alam kung anong problema, ayaw ko naman na patuloy na umandar dahil baka huminto na lang ako bigla kung saan. Mabuti nga at may talyer, kaso ayaw naman ako tulungan,” kwento nito.
“Tutulungan ko po kayo, ‘wag kayong mag-alala. Iandar niyo ho rito sa tapat, at titingan ko,” aniya, bago itinuro ang maliit nilang talyer.
Agad namang tumalima ito.
Binuksan niya ang kaniyang talyer bago pinindot ang switch ng ilaw.
“Naku, mabuti na lang at dumating ka, hijo! Saan ka ba nanggaling?” kuryosong tanong ng matanda.
Habang kinukutingting niya ang sasakyan ng matanda ay hindi niya maiwasang magkwento rito, lalo pa’t may pagkamadaldal ang matanda.
Naikwento niya rito ang lahat, kasama na ang trabaho niya sa gabi at ang pagiging matumal ng talyer niya dahil sa talyer ni Mang Ador. Maging ang katotohanan na siya lamang ang inaasahan ng pamilya nila.
“Napakasipag mo naman, hijo. Sigurado ko na hindi magtatagal ay dadapuan ka rin ng swerte. Dahil pinagpapala ang may mabuting loob,” komento ng matanda nang marinig ang istorya niya.
Bago pa niya mamalayan ay naayos niya na ang makina ng sasakyan nito. Nang muli niya iyong paandarin ay nawala na ang kakaibang tunog ng sasakyan nito.
“Heto ho, maayos na. Langisan niyo lang ho paminsan-minsan, para hindi nag-iingay ang makina,” payo niya sa matanda.
Nang lingunin niya ito ay kita niya ang pagkamulagat nito.
“Tapos mo na kaagad? Kapag sa iba ako nagpapagawa, inaabot ako mga tatlong oras! Pero nagawa mo ng kulang-kulang isang oras?” tila hindi makapaniwalang bulalas nito.
Nahihiyang ngiti ang isinukli ni Abdul sa matanda.
“Bata pa po ako ay pinapanood ko na si Tatay na magkumpuni ng sasakyan,” paliwanag niya.
“Aba’y napakagaling mo naman, hijo!” ngiting-ngiting puri pa nito.
“Salamat ho! Kaya po i-rekomenda niyo ako sa mga kakilala niyo, ha?” pabirong hirit niya.
“Aba’y oo ba!” tila balik biro naman nito.
Nagkatawanan na lamang sila.
Magaan ang loob ni Abdul nang magpaalam ang matanda na nakilala niyang si Sir Jose,
Kinabukasan, ginulat siya ng malakas na pagyugyog ng kaniyang kapatid.
“Kuya! Kuya! May magpapagawa raw ng sasakyan!”
Napabalikwas siya ng bangon. Nang sipatin niya ang relo ay nagulat siya ng makitang alas otso pa lamang ng umaga.
“Wow! Maagang kustomer!” natutuwang bulalas niya bago dali-daling bumangon para sa kaniyang kustomer.
Tuwang-tuwa si Abdul. Swerte yata ang araw na iyon! Hindi pa man nangangalahati ang araw ay tatlo na ang dumating na kustomer!
Sa kabuuan, pito ang dumating na kustomer niya noong araw na ‘yun. Iyon na ang pinakamarami niyang kustomer simula noong magtayo ng talyer si Mang Ador.
Nang mga sumunod na araw ay laking pagtataka niya dahil sunod-sunod pa rin ang buhos ng tao sa maliit niyang talyer.
Hindi niya tuloy maiwasang usisain ang isang kustomer na bagong-bago ang sasakyan.
“Sir, bakit ho sa akin kayo nagpapagawa? May malaki naman hong talyer sa tapat, Bakit sa akin niyo ho pinapagkatiwala ang maganda niyong sasakyan?” tanong niya nang matapos kumpunihin ang sasakyan nito.
Ngumiti ang lalaki.
“May nakapagsabi sa akin na magaling ka raw, eh. Mukha nga. Ang bilis mo nagawa, eh! Hayaan mo, irerekomenda kita sa mga kakilala ko,” natutuwang komento nito.
“Salamat po, Sir, malaking tulong sa akin ‘yan. Pero sino ho ang nag-rekomenda sa akin? Wala naman ho akong kilala na malaking tao,” muli ay tanong niya.
“Si Sir Jose. Dun ako sa shop nila nagpapalinis ng sasakyan. Ang swerte mo nga, maraming nagpapalinis doon, kaya sigurado ako na dadami pa ang kustomer mo.”
Nanlaki ang mata ni Abdul sa narinig. Naalala niya ang palitan nila ng salita ng matanda noong gabing inayos niya ang sasakyan nito.
“Aba’y napakagaling mo naman, hijo!”
“Salamat ho! Kaya po i-rekomenda niyo ako sa mga kakilala niyo, ha?”
“Aba’y oo ba!”
Sa labis na pasasalamat niya sa matanda ay personal niya itong binisita. Malugod naman siya nitong sinalubong.
“Hijo, kumusta?”
“Maraming salamat, Sir Jose! Hindi ko na kailangang mag-kargador sa gabi, dahil sapat na ang kinikita ko ngayon,” kwento niya.
Ngumiti ito. “Hindi ba’t sinabi ko naman sa’yo na darating din ang swerte mo? Ito na ‘yun!”
Tama ang matanda. Iyon ang naging simula ng swerte ni Abdul. Matapos ang dalawang taong pag-iipon ay nakapagpatayo na siya ng mas malaking talyer upang makakuha ng mas maraming kustomer.
Ang talyer niya ay naging higit na malaki at matagumpay kumpara sa ka-kompetisyon niya na si Mang Ador.
Ang maliit niyang negosyo ay nagpatuloy sa paglago. Naipagamot niya ang kaniyang ina at nabigyan niya ito ang kapatid niya ng buhay na matagal na nilang pinapangarap.
Kung minsan ay hindi pa rin makapaniwala sa Abdul sa tinatamasa nilang kasaganahan. Salamat at tinulungan at nakilala niya ang matandang si Jose, ang taong nagdala sa kaniya ng sunod-sunod na swerte!