Maganda Lang Daw ang Babae at Walang Ibubuga; Paanong Paghihiganti ang Gagawin Niya sa mga Hindi Naniwala?

“Therese, napakababa ng marka mo sa pagsusulit, ha! Hija, mag-aral ka nga, hindi pwede ‘yang puro ka lang paganda, dahil wala kang mararating kapag ganyan!”

Napangisi si Janice nang marinig ang sinabi ng kanilang guro sa kaklase niyang si Therese.

“Sorry po, Ma’am,” pabulong na anas nito habang kinukuha ang papel niya na may mababang marka.

“Puro kasi arte!” komento niya, na siniguro niyang maririnig nito.

Hindi naman ito nagkomento.

Mainit ang dugo niya sa kaklaseng si Therese. Transferee lamang ito, at ilang buwan pa lang ito sa eskwelahan nila, ngunit nakuha na kaagad nito ang atensyon ng lalaking gusto niya: si Ged.

Alam niya naman na lamang na lamang siya sa kaklase. Bukod kasi sa maganda siya ay siya pa ang nangunguna sa klase.

At alam niya rin na ang mga kagaya ni Therese ay walang mararating dahil maganda lang ito at puro kaartehan, pero b*bo naman ito!

Advertisement

“Mag-usap tayo tungkol sa mga pangarap niyo. Ano ang gusto niyong maging?” isang araw ay tanong ng kanilang guro.

Bilang nangunguna sa klase, siya ang naatasang mauna na magbahagi.

“Gusto ko na maging abogado. Gusto ko na tumulad kina Mama at Papa,” nakangiting wika niya sa klase.

Umani iyon ng mga positibong reaksyon mula sa klase.

“Kayang-kaya mo ‘yan, Janice! Ang galing mo kaya!”

“Naku, may future attorney na pala tayo sa klase,” nakangiting komento naman ng kanilang guro.

Isang ngiti ang ibinigay niya sa lahat bago siya umupo upang makinig sa ibang magbabahagi ng kani-kanilang pangarap.

Nang si Therese na ang magsasalita ay hindi maiwasang tumaas ng kilay niya.

Advertisement

“Ako, gusto ko maging isang sikat na fashion designer. Iyon kasi malapit sa puso ko. Mahilig ako sa magagandang damit,” nahihiyang sabi nito.

Malakas na tawanan ang namayani.

“Therese, pangarap daw, hindi kaartehan!” natatawang komento ng kaklase niyang si Jas.

Napayuko ito, marahil sa hiya. “Pangarap naman iyon, hindi ba? Maraming sikat na fashion designer. Gusto ko na maging kagaya nila,” turan ng kaklase.

Napaismid siya bago mag-komento.

“Sinuwerte lang sila, Therese. ‘Wag ka ngang ambisyosa riyan! Hindi ka nga makakuha ng mataas na score sa test natin, nangangarap ka pang sumikat!”

Umani ng malakas na tawanan ang komento niya. Natahimik lamang ang lahat nang magsaway ang kanilang guro.

Hindi na umimik pa si Therese ngunit umaasa siya na nagising na ito sa katotohanan. Dahil ang tagumpay para lamang sa mga kagaya niyang matalino at magaling!

Advertisement

Nang sumapit ang araw ng kanilang pagtatapos ay isang mensahe ang iniwan niya kay Therese.

“Hindi magtatagumpay sa buhay ng ganda lang, lalo pa’t hindi ka naman mayaman. Tingnan natin kung saan ka pupulutin,” nakangising pahayag niya.

“Bakit ba galit na galit ka sa akin, Janice? Ano bang kasalanan ko sa’yo?” tila maiiyak na tanong nito.

“Dahil inagaw mo sa akin si Ged! Kung hindi ka dumating, ako na sana ang girlfriend niya, at hindi ikaw! Ano bang nakita niya sa’yo, eh maganda ka lang naman?” inis na kastigo niya sa babae.

Bago pa man ito makasagot ay naglalakad na siya palayo.

Mahabang panahon ang lumipas, at hindi na siya nagkaroon pa ng balita sa kaklase na labis niyang kinaiinisan.

Kung maaari sana ay magkita silang muli para malaman niya kung ano na ang nangyari rito. Hindi naman ito naging sikat na fashion designer, gaya ng nais nito.

Hanggang sa isang araw ay aksidenteng nag-krus ang landas nila ng isang taong hindi niya inakala na makikita niya pang muli. Si Ged.

Advertisement

Kasalukuyan siyang namimili sa mall nang makita niya ang lalaki. Ilang taon man silang hindi nagkita ay kilalang-kilala niya pa rin ang lalaki.

“Janice, ikaw ba ‘yan?” namimilog ang matang tanong nito.

“Ako nga. Kumusta ka na?” usisa niya.

“Mabuti naman. Ikaw ba, kumusta?” anito.

“Mabuti. Kakapasa ko lang ng board exam, at isa na akong abogado sa wakas!” nakangiting pagbabalita niya. 

Ngunit nawala ang ngiti niya sa sunod na sinabi nito.

“Wow, congrats! Ako naman, eto, kasal na sa babaeng mahal ko!” anito bago hinawakan ang suot na singsing.

“W-wow, c-congrats din sa’yo!” utal-utal na sagot niya sa lalaki, pilit na itinatago ang kaniyang pagkadismaya.

Advertisement

Ilang minuto na silang nagkukwentuhan nang makita niya ang isa pa sa mga taong matagal niya nang gustong makita. Si Therese.

Nasa loob ito ng isang sikat na bilihan ng damit, at kasalukuyang nag-aayos ng mga tinda roon.

Wala sa loob na nilapitan niya ang dalaga.

“Therese?”

Nanlalaki ang matang lumingon ito sa kaniya.

“Janice?”

Tumango siya bago pasimple itong pinasadahan ng tingin. Gaya ng dati ay maganda pa rin ito at maporma.

“Anong ginagawa mo rito? Mamimili ka ba?” usisa ng dati niyang kaklase.

Advertisement

“Hindi, kausap ko si Ged, tapos nakita kita, kaya ako lumapit. Ikaw, bakit ka nandito?” Siya naman ang nag-usisa.

“Dito ako nagtatrabaho,” sagot nito.

Nang makumpirma niya ang hinala ay natawa siya nang malakas.

“Tindera ka rito? Akala ko ba, magiging fashion designer ka? Hindi ba’t noon pa man sinabi ko na sa’yo na hindi sapat ang ganda lang? Sana nagsikap ka man lang,” natatawang komento niya.

“Ako, tingnan mo, abogado na. Natupad ko ang pangarap ko. Bakit ikaw, hanggang ngayon, simpleng tindera ng damit pa rin?” nang-iinis na tanong niya.

Sa gulat niya ay ngumiti ito.

“Hindi ka pa rin pala nagbabago, Janice. Matalas pa rin ang tabas ng dila mo,” naiiling na turan nito.

Nagulat man sa naging sagot nito ay hindi siya nagpahalata.

Advertisement

“Bakit, totoo naman, hindi ba?” gigil na saad niya.

Umiling ito. “Hindi. Kasi natupad ko ang pangarap ko na maging isang fashion designer. Mayroon nga akong sariling tindahan,” anito bago itinuro ang kabuuan ng tindahan.

Nanlaki ang mata niya.

“S-sa’yo ‘to?” hindi makapaniwalang bulalas niya. 

Isang matamis na ngiti ang naging sagot nito. “Oo, sa akin ito. At alam mo ba kung ano pa ang isang pangarap na natupad ko?”

Hindi siya sumagot, ngunit may kung ano itong itinuro sa likuran niya.

Si Ged. Papalapit ito sa kanila at may hawak na isang bungkos ng rosas.

“Asawa ko na rin ang lalaking mahal ko. Wala na akong mahihiling pa,” nakangiting pahayag ni Therese.

Advertisement

Tila iyon bombang sumabog sa pandinig niya. Hindi niya inakala na ito pala ang sinasabi ni Ged na asawa nito!

Bago pa makalapit sa kanila si Ged ay naglakad na siya paalis sa lugar na iyon. Labis ang hiyang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Ngunit bago pa siya makalayo ay tinawag siya ni Therese.

“Janice, salamat sa’yo. Kung hindi mo ako minaliit at ininsulto noon, baka hindi ako nagkaroon ng sapat na determinasyon para magtagumpay!”

Dahil sa malakas na boses nito ay nagtinginan ang mga taong namimili roon, dahilan upang lalo lamang siyang mapahiya.

Yukong-yuko si Janice habang naglalakad palabas ng mall na iyon. Mukhang matatagalan bago siya makabalik doon. Grabe kasi ang kahihiyan na inabot niya dahil sa masama niyang pag-uugali at matalas na dila!