
Kinatatakutan ang Isang Sementeryo sa Isang Liblib na Baryo; Ano nga bang Lihim ang Itinatago Nito?
Napanguso si Kylie nang mabasa ang komento ng mga tao tungkol sa huli niyang vlog.
“Grabe, tutulong lang, kailangan ba talagang video-han?!”
“Sino ba ‘yang babaeng ‘yan, masyadong papansin sa social media!”
“Kunwari pa siyang tumutulong, pero kitang-kita mo sa mukha niya na gusto lang niya magpasikat!”
Isa siyang sikat na vlogger. Madalas siyang maglagay ng kung ano-anong video sa social media upang ipakita ang magarbo niyang buhay.
Karamihan sa mga vlog niya ay nagpapakita ng mga lugar na napuntahan niya na, mga mamahaling restawran kung saan siya kumain, o ‘di kaya ay mga mamahaling gadget o mga kolorete na ginagamit niya.
Subalit ang huling vlog niya ay nagdulot ng malaking problema sa kaniyang maganda sanang imahe sa madla.
“Bakit ba naman kasi mabibigay ka lang ng pagkain, kailangan mo pang i-video, anak? Pwede ka namang tumulong nang hindi nakikita ng ibang tao,” naiiling na tanong ng kaniyang Papa.
Napalabi si Kylie.
“Syempre, Papa, para maipakita ko sa mga followers ko na hindi ako puro pagpapaganda lang, marunong din ako tumulong,” iritableng sagot niya sa ama.
“So, ano? Para lang sa imahe mo, ganun? Hindi maganda ‘yang tutulong ka ng walang sinseridad, anak,” tila paalala naman ng kaniyang ina.
“Oo nga, anak. Marahil ay naramdaman ng mga tao na hindi ka sinsero sa pagtulong kaya na-bash ka!” komento pa ng kaniyang ama, na labis niyang ikinainis.
Napasimangot na lang ang dalaga. Ngunit lumabas lang naman din sa kabila niyang tainga ang pangangaral ng kaniyang mga magulang.
Tumungo na lamang siya sa kaniyang silid upang hindi na marinig ang iba pang sermon ng kaniyang ina at ama.
Ilang sandali lamang ay tumatawag na ang kaibigan niyang si Princess, na isa ring sikat na vlogger.
“Sis, ayos ka lang ba? Medyo maraming namba-bash sa’yo ngayon, ha?” bungad nito,
Muli siyang napasimangot.
“Oo nga, eh. Pero wala akong pake. Alam mo naman mga tao ngayon, laging may nasasabi. Napatawag ka?”
“May vlog kasi akong naiisip. May kinatatakutang sementeryo sa probinsya namin. Iniisip kong mag-ghost hunting, sama ka? Alam ko mahilig sa mga ganito, eh,” anito.
Agad siyang nakaramdam ng pananabik. Simula pagkabata kasi ay mahilig na talaga siya sa mga katatakutan.
“Syempre, sama ako!” natutuwang pagpayag niya.
Nang araw ring iyon ay bumiyahe sila papunta sa sinasabi nitong probinsya. Tumuloy sila sa lumang bahay ng kamag-anak nito upang maghanda sa kanilang ghost hunting.
“Sigurado ba kayo sa gagawin niyo, mga ineng? Marami raw kababalaghan sa sementeryo na ‘yun. Minsan, gabing-gabi, may mga batang nagtatakbuhan. Minsan naman raw, may nakikitang babae,” kwento ng nakausap nilang taga-baryo.
Imbes na matakot ay lalo pang nasabik ang magkaibigan. Kaya naman nang sumapit ang alas onse ay tumungo sila sa kinatatakutang semeteryo.
“Nandito na kami sa sementeryo sa liblib na baryo ng San Roque, na pinaniniwalaang may multo,” wika ni Kylie habang naka-harap sa camera.
“Titingnan namin kung totoo nga ba na may katatakutan dito,” sabi naman ni Princess habang nakaharap din sa sarili nitong kamera.
Subalit ilang oras na silang paikot-ikot sa madilim na sementeryo ay wala naman silang nakitang kakaiba.
“Hindi naman pala totoo, sayang lang ang punta natin,” nakasimangot na untag niya sa kaibigan.
Maging ito ay tila dismayado.
Paalis na sana sila nang sa hindi inaasahang pagkakataon ay masinagan ng dala niyang flashlight ang imahen ng dalawang bata. Tila nagulat ang dalawa at dali-daling tumakbo palayo sa kanila.
Gulat na nagkatinginan ang magkaibigan bago dali-daling hinabol ang dalawang bata.
“Totoo nga na may multo! May dalawang bata!” sabik na sigaw ni Princess.
Ngunit sa paghabol nila sa dalawang bata, isang lihim ang natuklasan nila.
Nakita nila na pumasok ang dalawa sa isang pintuan. Nang subukan nilang buksan ang pinto ay tila nakakandado iyon.
Napapitlag ang magkaibigan nang may magsalita mula sa kabilang banda ng pintuan.
“Sino kayo, at ano’ng kailangan niyo?” tanong ng isang boses lalaki.
Nagkatinginan ang magkaibigan. “Nakakapagsalita ang multo?” bulalas ni Kylie.
Tila narinig iyon ng lalaki. “Walang multo rito. Tao kami at buhay na buhay. Umalis na kayo at ‘wag niyo kaming gambalain!”
Nakuryoso si Kylie sa narinig. “Hindi po kami masamang tao! Pwede po ba namin kayong makausap? Ano pong ginagawa niyo rito ngayong dis-oras ng gabi?” lakas loob na tanong niya.
Maya-maya ay bumukas ang pinto. Sumungaw roon ang isang lalaki.
Nang buksan nito ang pinto ay nakita nila ang isang maliit na espasyo kung saan nagkakasya ang apat na tao, isang babae at isang lalaki na nahinuha nilang magulang ng dalawang bata.
Ang maliit na barong-barong ay nakatirik sa dulo at tagong bahagi ng semeteryo. Natatakpan ang bahay ng nagtataasang talahib.
Napagtanto ng magkaibigan na iyon pala ang nagsisilbing tirahan ng mag-anak.
“Alam niyo po ba na kinatatakutan ang sementeryo dahil sa inyo? Akala nila multo kayo na pagala-gala kapag kumakagat ang dilim,” aniya sa lalaki.
Napayuko ito, tila nahihiya. “Alam namin. Ang kaso ay wala naman kaming magagawa. Kapag nalaman ng mga tao na nakatira kami rito ay malamang sa lansangan kami pulutin,” turan nito.
Agad siyang nakadama ng awa sa mag-anak.
“Kaya sana ay walang makaalam ng lihim na ito,” pakiusap naman ng babae.
“Eh paano ho kayo nabubuhay rito? Saan ho kayo kumukuha ng pagkain?” tanong naman ni Princess.
Isang malungkot na ngiti ang pumaskil sa labi ng padre de pamilya bago ito sumagot.
“May mga pamilya na nag-iiwan ng kung ano-anong pagkain sa puntod ng mga kapamilya nilang yumao. Kaya kapag gabi ay nag-iikot kaming mag-asawa para kunin ‘yung mga pagkain na pwedeng mapakinabanagan. ‘Yun ang nagiging pantawid gutom namin.”
Hindi na namalayan ni Kylie ang pagtulo ng kaniyang luha dahil sa kalunos-lunos na kalagayan ng pamilya.
Sa puso niya ay nagkaroon ng sinserong pagnanais na matulungan ang pamilya.
Kaya naman imbes na vlog tungkol sa katatakutan ay ginawa nilang tungkol sa pamilya ni Mang Rogelio iyon.
Marami ang naantig sa istorya ng mag-anak at marami ang nagnais na mag-abot ng tulong para sa pamilya.Sa tulong ng magkaibigang vlogger at nakalikom sila ng malaking halaga upang makapamuhay nang mas maayos ang pamilya ni Mang Rogelio.
Napatayuan nila ito ng maliit na bahay at isang maliit na negosyo ng maaring pagkakitaan ng pamilya.
“Maraming salamat sa inyo! Habang buhay namin itong tatanawin na malaking utang na loob!” taos pusong pasasalamat ni Mang Rogelio.
Labis ang saya ng magkaibigan, lalong-lalo na si Kylie. Sa hindi niya inaasahang pagkakataon ay natutunan niya ang matagal nang pinapangaral ng kaniyang mga magulang – ang pagtulong ng may sinseridad sa puso.
Natutunan niya na ang kamera na dati ay nagagamit niya lamang para sa maganda niyang imahe ay maaari rin palang maging instrumento para mabago ang buhay ng iba.