
Binilhan ng Binatang Ito ang Nililigawan ng Sasakyan, Makuha Niya Nga Kaya ang Matamis na “Oo” Dahil Dito?
“Pare, alam mo ba, sabi ni Celene, ‘yong nililigawan kong dalaga, kapag daw nabilhan ko siya ng bagong sasakyan, sasagutin niya raw ako kaagad,” kwento ni Julio sa kaniyang kaibigan, isang hapon matapos nilang mag-ehersisyo sa parke.
“O, anong balak mo? Bibilhan mo nga siya ng sasakyan?” pang-uusisa nito.
“Oo sana, pare, may pera naman ako, eh, saka gustong-gusto ko talaga siya, eh. Hindi na ako makapaghintay na ipagmalaki sa buong mundo na mayroon akong maganda at matalinong nobya,” ngiting-ngiti niyang tugon habang iniisip ang mga pupwede niyang gawin kapag napasakamay na niya ang dalaga.
“Diyos ko, pare, isang malaking kat*ngahan ‘yang gagawin mo! Ikaw nga walang sariling sasakyan, eh, tapos ‘yong pinaghirapan mong pera, ibibili mo lang ng sasakyan niya?” kunot noong wika nito habang tinutuktok ang ulo niya.
“Ano naman? Magiging isa rin naman kami pagdating ng panahon,” kumpiyansado niya pang sagot na lalong ikinainis nito.
“Paano ka nakakasigurado? Sigurado ka bang kapag wala ka nang pera, nasa tabi mo pa rin siya? Tigilan mo ang kahibangan mo, ha!” sigaw nito sa kaniya.
“Ikaw ang tumigil, inggit ka lang kasi walang dalagang gustong magpaligaw sa’yo!” biro niya rito dahilan para habulin siya nito habang patawa-tawa.
Nasa kolehiyo pa lang ang binatang si Julio, mayroon na siyang napupusuang dalaga. Ngunit dahil nga pa siyang sariling pera noon, hanggang tingin lang ang nagagawa niya rito. Ayaw niya kasing manligaw ng isang dalaga na gagamitin niya ang perang bigay ng kaniyang mga magulang, ang nais niya, ang perang pinaghirapan niya ang gagastusin niya para rito.
Kaya naman, nang siya’y makapagtapos na ng pag-aaral at nagkaroon na ng sariling trabaho, agad niya itong hinanap. Nang mahanap na niya ito, roon na niya agad na inamin ang nararamdaman niya. Laking tuwa naman niya nang pumayag itong magpaligaw sa kaniya.
Kaya lang, halos mag-iisang taon na siyang nanliligaw dito, hindi pa rin siya nito sinasagot dahilan para tanungin na niya ito at labis siyang nahamon nang sabihin nitong gusto nito ng bagong sasakyan kapalit ang isang matamis na “oo”.
At dahil nga mahal na niya ang dalaga, ni hindi siya nagdalawang-isip na ibigay ang gusto nito kahit na tutol ang matalik niyang kaibigan.
Kinabukasan matapos silang mag-usap ng kaniyang pinsan, agad na siyang nagpunta sa isang bilihan ng mga sasakyan. Sakto namang binebenta rito ang gustong sasakyan ng dalagang nililigawan niya dahilan para agad niya itong lapitan at usisain.
Ngunit nang itanong na niya ang presyo, bigla siyang napabuntong hininga dahil kulang ng halos tatlong daang libo ang perang naipon niya. “Ano, sir, kukuhanin niyo na po ba? Isa na lang po ito, sa isang taon pa kami ulit makakakuha ng ganitong modelo,” wika pa ng isang empleyado roon dahilan para siya’y labis na mag-isip.
Hanggang sa sumagi sa isip niya ang pera ng kapatid niyang nasa bangko na siya ang nangangasiwa.
“Limang daang libong piso naman ‘yon, eh, saka hindi pa naman niya ‘yon kailangan. Mababayaran ko rin naman ‘yon bago siya pumasok sa kolehiyo,” pangungumbinsi niya sa sarili saka agad nang kinuha ang naturang sasakyan.
Wala nang mas sasaya pa sa dalaga nang ipakita niya ang bagong sasakyan at ganoon na lang din tumalbog ang puso niya nang siya’y halikan nito at sabihing, “Tayo na!”
Ngunit hindi nagtagal ng isang buwan ang kasiyahang naramdaman niya dahil nalaman ng kaniyang mga magulang ang ginawa niya at galit na galit ang mga ito sa kaniya.
“Bakit kailangan mo bilhan ng sasakyan ang dalagang iyon para sagutin ka, ha? Nasaan ang pagmamahal doon, nasa pera?” galit na sigaw sa kaniya ng nanay niya dahilan para siya’y mapatungo na lang.
Sa sobrang galit ng mga ito, kinuha sa kaniya ang bangko ng kaniyang kapatid at siya’y pinalayas.
Dahil nga wala siyang mapuntahan, siya’y nakitira sa bahay ng dalaga at doon siya labis na nakaramdam ng panliliit dahil nga wala na siyang maibigay na pera rito ni singko. May trabaho man siya, kulang pa ang sinasahod niya upang mabayaran ang kinuha niyang pera sa kapatid.
Hanggang sa isang araw, dumating na ang bagay na kinakatakutan niya. Siya’y hiniwalayan na ng dalaga at pinalayas sa bahay.
Ito ang dahilan para umuwi siyang humahagulgol sa kanilang bahay at labis na humingi ng tawad sa kaniyang mga magulang.
“Sabi na, eh, pera lang ang gusto ng dalagang ‘yan! Maganda nga, mukhang pera naman!” sigaw ng nanay niyang nanggagalaiti sa galit habang siya’y pinaghahandaan ng makakain.
Napag-isip-isip niyang hindi niya kailangan ng isang maganda dalaga sa buhay, ang kailangan niya, isang dalagang may prinsipyo at hindi tumitingin sa taba ng kaniyang bulsa.