Inday TrendingInday Trending
Hindi Naging Maganda ang Pagtrato ng Babae sa Batang Kaniyang Inampon Noon; Magsisisi Siya sa Kaniyang Ginawa nang Nalaman Niya kung Sino Talaga Ito

Hindi Naging Maganda ang Pagtrato ng Babae sa Batang Kaniyang Inampon Noon; Magsisisi Siya sa Kaniyang Ginawa nang Nalaman Niya kung Sino Talaga Ito

“Puro kamalasan talaga ang hatid mo sa buhay naming bata ka! Lumayas ka nga sa harapan ko at baka kung ano pa ang magawa ko sa ’yo!” sigaw ni Aling Pasita sa batang lalaking si Kenzo, matapos nitong matabig ang baso ng tubig na nasa tabi ng kaniyang kinahihigaan.

Kapapanganak pa lamang niya at sa totoo lang ay hindi dapat siya naii-stress ngunit heto na naman siya at sumisigaw dahil sa kasutilan ng batang inampon niya, dalawang taon na ang nakalilipas.

Ang buong akala kasi ng mag-asawang Berto at Pasita ay hindi na sila magkakaanak pa. Dahil doon ay naisipan na lamang ng mag-asawang ito na mag-ampon at iyon na nga ay si Kenzo…

Noong una ay maayos naman ang naging pakikitungo ni Pasita sa bata. Kahit papaano ay minahal niya ito, inalagaan at itinuring na para na rin niyang tunay na anak sa loob ng dalawang taon. Ngunit nagbago ang lahat nang sa hindi inaasahang pagkakataon ay may himalang nangyari… nagkaroon ng laman ang kaniyang sinapupunan!

Buhat nang malaman ang balitang iyon ay tila ba naging mailap na rin si Pasita sa batang si Kenzo. Tila ba nakalimutan na rin niyang minsan na niyang ipinadama sa bata ang kaniyang pagmamahal at ganoon din naman ito sa kaniya. Para kay Pasita ay wala nang ibang batang dapat na makadama ng buo niyang pagmamahal kundi ang anak lamang niya… bagay na hindi niya naibigay noon sa naging anak niya sa pagkadalaga.

May isa pa kasing anak si Pasita ngunit hindi na niya alam kung nasaan na ito ngayon matapos niya itong iwanan sa puder ng ama nitong ayaw siyang panagutan. Labis siyang nagsisisi kaya naman ngayon ay gusto niyang bumawi sa kaniyang tunay na anak at hindi sa isang ampon lamang. Tila ba nahihiya sa sarili niya si Pasita sa tuwing maiisip na nagagawa niyang alagaan ang ibang bata, samantalang ang tunay na anak, ang kaniyang panganay, ay nagawa niyang iwan.

“Papa, hindi na po ba ako mahal ni mama?” minsan ay narinig niyang tanong ng batang si Kenzo sa kaniyang asawa.

“Naku, huwag mong iisipin ’yan, anak. Alam mo, pagod lang ang mama mo. Pero ako? Hinding-hindi magbabago ang pagmamahal ko sa ’yo, okay?” pang-aalo naman ni Berto sa bata. Nananatili ang magandang pakikitungo nito kay Kenzo. Sa katunayan nga ay palagi siya nitong sinasaway sa tuwing susungitan niya ang kanilang ampon na kung minsan pa ay nagiging dahilan ng kanilang pag-aaway.

Nag-init ang ulo ni Pasita nang marinig ang isinagot ng kaniyang mister kaya naman nagpakita na siya sa mga ito. “Talagang hindi kita mahal. Hindi naman kita anak!” pasaring niya sa bata nang nakangisi. Nakita na lamang niya na biglang tumulo ang luha sa mga mata nito ngunit hindi ito nagsalita.

“Pasita, ano ba! Bakit ba napakasama ng ugali mo sa anak natin?!” galit namang saway sa kaniya ni Berto ngunit tila ba walang narinig si Pasita. Patuloy lamang itong nagtungo sa kanilang kusina upang kumuha ng maiinom.

Napailing na lamang si Berto. Sa tingin niya ay dapat nang malaman ni Pasita ang totoo.

Lingid sa kaalaman ng asawa, matagal na niyang ipinahahanap ang tunay na mga magulang ni Kenzo. Gusto niya kasing madama ng bata ang tunay na pagmamahal ng isang ina na alam niyang hindi na kayang ibigay ng kaniyang asawang si Pasita. Mahalaga si Kenzo para kay Berto kaya naman handa siyang isakripisyo ang pinagsamahan nila ng bata upang maging masaya ito sakaling kunin ito ng tunay na mga magulang…

Ngunit isang nakabibiglang katotohanan pala ang kaniyang malalaman!

“Kung ako sa ’yo, hindi ko na gagawin kay Kenzo ang ginagawa mo sa kaniya ngayon, Pasita,” mariing saad ni Berto sa asawa.

Natawa naman ang babae. “At bakit?” may pang-iinsultong tanong pa nito.

“Lingid sa kaalaman mo’y ipinahanap ko ang tunay na mga magulang ni Kenzo. Gusto ko siyang isauli sa tunay niyang mga magulang dahil hindi mo kayang ibigay ang pagmamahal na nararapat para sa kaniya…”

“Ngunit hindi ko akalain na hindi pa rin pala siya makakatakas sa kalupitan mo, Pasita… dahil ikaw ang tunay niyang ina. Si Kenzo ang anak na iniwan mo noon sa puder ng dati mong nobyo!”

Napasinghap si Pasita sa kaniyang mga narinig. Nabitiwan din niya ang hawak na baso. Noong una ay ayaw niyang maniwala ngunit nang ipakita sa kaniya ni Berto ang DNA test result na lihim din nitong ipinagawa ay hindi na niya naiwasang manghina!

Si Kenzo, ang tunay niyang anak, ay pinagmalupitan niya!

Tinakbo ni Pasita ang kinaroroonan ng bata at niyakap niya ito nang mahigpit. Agad siyang humingi ng matinding kapatawaran. Pinagsisisihan ni Pasita ang kaniyang mga nagawa sa bata. Mahirap ngunit makalipas ang araw na iyon ay unti-unting bumawi sa anak si Pasita. Sa pagkakataong ito, ipinangako niya na hinding-hindi na siya ulit at tuluyan nang magbabago.

Advertisement