Inday TrendingInday Trending
Hindi man lang Maibili ng Ama ng Kahit Isang Pirasong Biskwit ang Anak Dahil sa Kakulangan sa Pera; Isang ‘Di Inaasahang Tao ang Magbibigay sa Kaniya ng Pag-asa

Hindi man lang Maibili ng Ama ng Kahit Isang Pirasong Biskwit ang Anak Dahil sa Kakulangan sa Pera; Isang ‘Di Inaasahang Tao ang Magbibigay sa Kaniya ng Pag-asa

“Ate, magkano po rito?” Itinaas ni Mang Gary ang isang piraso ng biskwit at ipinakita iyon sa cashier sa isang mini grocery store na malapit kung saan siya tumutuloy ngayon kasama ang anak na si Joy. Ito lang kasi ang tanging bukas na tindahan dahil simula nang kumalat ang balita tungkol sa pagkakaroon ng pandemiya ay ipinasara nang lahat ng sari-sari store sa lugar na iyon.

“Fifty pesos ho, kuya,” sagot naman ng cashier.

Agad na napakamot sa kaniyang ulo si Mang Gary. “Miss, hindi ba p’wedeng buksan ’yan at hatiin na lang ang laman? Bebeinte sinco kasi ang pera ko rito, e,” pakikiusap naman niya.

“Naku, hindi ho, manong,” ngunit agad namang sagot ng kahera.

Sinubukan pa rin ni Mang Gary na pakiusapan itong hatiin na lamang nila ang naturang biskwit ngunit tila kalaunan ay nainis na sa kaniya ang babae.

“Huwag na ho kayong makulit, manong. Kung wala ho kayong pambayad, pakibalik na lang po ng item. Ako pa ho ang pagagalitan sa ginagawa n’yo, e,” sabi ng kahera at noon ay napayuko na lamang si Mang Gary.

Siya namang kalabit sa kaniya ng anak na si Joy. “Tatay, hindi po natin mabibili ’yong biskwit?” malungkot na tanong nito sa ama.

“Pasensiya ka na, anak, ha?” Lumuhod si Mang Gary upang magpantay ang mukha nilang mag-ama. “Hayaan mo. Pagkatapos ng pandemiya, sisiguraduhin kong maghahanap muli ako ng magandang trabaho para mabili ko ang mga gusto mo, ha? Sa ngayon, lugaw na lang muna ang kakainin natin,” pagpapaliwanag pa ni Mang Gary sa anak.

Malungkot man ay napabuntong-hininga na lamang ang batang si Joy ay napasang-ayon sa kaniyang ama. “Okay po, tatay,” sagot nito at pinilit na ngumiti.

Tumayo na mula sa pagkakaluhod si Mang Gary at akmang lalabas na sila ng anak sa naturang grocery store, nang isang lalaki ang biglang lumapit sa kanila.

“Sandali po!” sabi nito sabay higit nang marahan sa braso ni Mang Gary.

“Bakit, hijo?” tanong naman ng may edad na ring lalaki.

“Narinig ko ho kasi ang usapan n’yo nitong anak n’yo. Gusto ko lang ho sanang mag-abot ng kahit kaunting tulong po sa inyo,” sagot naman ng binata sabay abot ng isang supot na naglalaman ng iba’t ibang mga essential goods na maaari nilang maiuwing mag-ama.

Nang makita iyon ni Mang Gary ay halos manlaki ang kaniyang mga mata sa gulat! Halos maluha rin siya dahil hindi niya akalaing mayroon pang lalapit sa kanila upang mag-abot ng tulong na siyang kailangang-kailangan nilang mag-ama ngayon lalo’t wala siyang trabaho.

“Sobrang nagpapasalamat ako sa ’yo, hijo. Napakalaking tulong sa amin ng anak ko itong ibinigay mo… pero gusto ko lang malaman kung bakit mo ginagawa ito?” muli ay tanong ni Mang Gary sa binata na sinagot naman siya ng isang malawak na pagngiti.

“Alam n’yo ho, noon, naranasan din ho namin ng mama ko na walang makain. Bata pa ho ako noon. Siguro ay kasing edad ako ng anak n’yo. Wala rin kaming makain nang araw na iyon… pero may isang lalaki hong lumapit sa amin. Isang mabait na lalaki na noon ay walang pagdadalawang isip na nag-abot sa amin ng tulong ni mama. Bukod po roon, tinulungan niya rin ang mama ko na makahanap ng trabaho kaya naman nagawa naming makaraos hanggang sa makatapos po ako ng pag-aaral at makapagtrabaho na rin sa isang magandang kompanya.”

“Napakalaki ho ng naging tulong sa amin ng lalaking ’ýon. Hinding-hindi ko ho makakalimutan ang araw na nakilala namin siya. Siya ang naging idolo ko sa loob ng mahabang panahon… at ngayong kailangan ho niya ng tulong, sa palagay ko ay oras na para ako naman ang bumawi sa kabutihan niya.”

Nang marinig ang sinabing iyon ng binata’y nagulat si Mang Gary dahil tila ba bumalik sa kaniyang balintataw ang pangyayaring iyon noong siya ay binata pa! Siya ang lalaking tinutukoy nito na tumulong sa kanilang mag-ina! Siya ang sinasabi nitong insipirasyon!

Walang pagsidlan ang tuwang nadarama ni Mang Gary nang mga sandaling ’yon. Hindi siya makapaniwala. Matapos kasi ng pagkikita nilang iyon sa grocery store ay tinulungan siya nitong makahanap ng trabaho! Bukod doon ay napag-alaman ni Mang Gary na matagal na ring tumutulong sa ibang tao ang binatang ito dahil sa kaniyang impluwensya. Talagang malaki ang nagagawa ng isang simpleng aksyon ng kabutihan.

Advertisement