Inday TrendingInday Trending
Nagawang Palayasin ng Kaniyang Ama ang Dalagita nang Malamang Nabuntis Siya ng Kaniyang Nobyo; Sino na ang Tutulong sa Kaniya Ngayon?

Nagawang Palayasin ng Kaniyang Ama ang Dalagita nang Malamang Nabuntis Siya ng Kaniyang Nobyo; Sino na ang Tutulong sa Kaniya Ngayon?

“Lumayas ka, Analise. Hindi ko kailangan ng suwail na kagaya mo sa pamamahay na ito,” ma-awtoridad ngunit kalmado pa ring sabi ng ama ng dalagitang si Analise sa kaniya at dahil doon ay napahigpit ang kapit niya sa hawak na pregnancy test kit, na may positibong resulta.

Napansin kasi ng ama niya ang malaking pagbabago sa kaniyang katawan nitong mga nakaraang linggo. Maging ang mga sintomas na nararanasan niya ay nakita rin nito, kaya naman tumindi ang hinala nito tungkol sa kaniyang kondisyon. Agad itong nagpabili ng pregnancy test kit sa kaniyang tiyahin at ipinagamit iyon sa kaniya. Nagulat na lamang din si Analise nang lumabas ang dalawang pulang guhit bilang resulta ng kaniyang test! Buntis siya, at ang masama pa roon ay disisais anyos pa lamang siya!

Hindi inaakala ni Analise na mangyayari ang bagay na ito sa kaniya. Aminado siyang isa siyang suwail na bata ngunit hindi naman niya inaasahang aabot siya sa ganito. Ngayon ay nagsisisi siya, kung kailan huli na ang lahat at may bata na sa kaniyang sinapupunan. Kung sana ay nakinig lamang siya sa ama at ina noon ay hindi niya siguro kakailanganing danasin ito ngayon.

“Papa, please, patawarin n’yo po ako!” pakiusap ni Analise sa ama. Halos maglumuhod na siya sa harap nito ngunit nananatili ang matigas nitong anyo, habang sa tabi nito ay ang kaniyang inang walang kibo at nakayukong umiiyak lamang at ni hindi siya tinatapunan ng tingin. Kung noon ay palagi siyang ipinagtatanggol ng ina sa tuwing siya ay pagagalitan ng kaniyang ama, ngayon ay tila ba nawalan na ito ng tinig. Tila nagsawa na ito sa pagtatanggol sa kaniya.

“Lumayas ka na, hangga’t nakakapagpigil pa ako. Ayaw kong masaktan pa kita, Analise! Umalis ka na! Alis!” ngunit muli ay sigaw pa rin ng ama. Wala nang nagawa pa si Analise kundi ang tumalima sa utos nito.

Agad na nag-empake ang dalagita ng kaniyang mga damit. Nanginginig pa ang kaniyang kamay. Ngayon lamang niya nakitang ganoon kagalit ang kaniyang ama kaya naman labis ang takot na nadarama niya rito. Dahil doon ay tuluyan na siyang umalis sa kanilang bahay kahit pa ang totoo ay hindi niya alam kung saan siya pupunta ngayon.

Hindi na niya ma-contact pa ang ama ng kaniyang ipinagbubuntis dahil ang totoo ay mag-iisang linggo na rin naman silang hiwalay bago pa niya nalaman ang kaniyang kalagayan. Nasuyod na rin niya ang kaniyang mga kabarkada ngunit ni isa man sa mga ito ay walang gustong tumulong o kumupkop man lang sa kaniya ngayon kahit panandalian.

Inabot na ng gabi sa daan si Analise. Umiiyak, nagugutom at tulala. Pakiramdam niya ay gusto na niyang wakasan ang sariling buhay upang tapusin na ang dinaranas na paghihirap, ngunit sa tuwing maaalala niyang may bata sa kaniyang sinapupunan ay natitigilan siya. Hindi niya kayang isiping sa gagawin niya ay mapapahamak din ang kaniyang anak.

Nakahiga sa latag ng mga karton si Analise, sa ilalim ng isang waiting shed kung saan niya binabalak na magpalipas ng gabi, nang bigla na lang siyang tawagin ng isang pamilyar na tinig.

“Anak…” sabi ng tinig ng kaniyang ama. Noong una, ang akala ni Analise ay nagdedeliryo lamang siya ngunit nang magpalinga-linga siya sa paligid ay natagpuan niya ang kaniyang ama at inang nakatayo sa kaniyang likuran!

“Napakapasaway mo. Suwail ka at matigas ang ulo.” Napayuko siya sa sinabing ’yon ng ama. “Ngunit mga magulang mo kami, Analise. Kahit ano ang mangyari ay hinding-hindi ka namin matitiis,” dagdag pa nito sabay damba sa kaniya ng isang mahigpit na yakap!

Napaluha na lamang si Analise habang hawak ang kaniyang tiyan nang magkasabay siyang daluhan ng kaniyang mga magulang. Tila ba bumalik sa kaniyang balintataw ang mga panahong palagi niyang binibigyan ng sakit sa ulo ang mga ito. Nakaramdam siya ng matinding pagsisisi at agad niya iyong ihiningi ng tawad sa kanila.

Matapos makapanganak ni Analise ay muli siyang bumalik sa pag-aaral, sa tulong ng kaniyang ama at ina. Nagpasiya rin siyang tumulong sa canteen ng kaniyang tiya bilang part-time job niya tuwing gabi. Sa ganoong paraan ay hindi lamang niya iniaasa sa kaniyang mga magulang ang responsibilidad para sa kaniyang anak. Mas naging masipag at masunurin na ngayon si Analise kaysa noon. Pilit niyang itinama ang mga pagkakamaling kaniyang nagawa upang nang sa ganoon ay maganda ang matututunan sa kaniya ng anak balang araw.

Advertisement