Inday TrendingInday Trending
Hindi Matanggap ng Babaeng Ito ang Nobya ng Kaniyang Kapatid; Aniya ay Pera lang ang Habol Nito sa Kanilang Pamilya

Hindi Matanggap ng Babaeng Ito ang Nobya ng Kaniyang Kapatid; Aniya ay Pera lang ang Habol Nito sa Kanilang Pamilya

“Ano ba ang pumasok sa kukote mo, Greg? Bakit naisipan mong patulan ang babaeng ’yan?” galit na tanong ni Michelle sa kaniyang kapatid na si Greg nang mga sandaling iyon. Kasalukuyan pa man din silang nasa isang restaurant at hindi sinasadyang napalakas ang kaniyang boses kaya naman nakuha niya agad ang atensyon ng karamihan ng naroon din sa lugar na iyon.

“Huminahon ka, Ate, p’wede ba?” saway naman sa kaniya ng kapatid.

“Anong huminahon? Paano ko gagawin ’yon kung gusto mong magpakasal sa isang babaeng manggagantso?!” ngunit galit pa ring sagot niya. “Greg, baliw ka na ba talaga para maniwala sa babaeng ’yan? Pera lang natin ang habol niya sa ’yo!” tahasang pag-aakusa pa ng dalaga sa nobya ng kapatid na parehong ikinasinghap ng mga ito.

Galing sa isang pamilyang may kakayanan sa buhay ang magkapatid na Greg at Michelle. May magandang trabaho si Greg, ngunit hanggang ngayon ay binata pa rin kaya naman kahit papaano ay malaki-laki na rin ang naiipon nitong pera. Sa tingin ni Michelle ay iyon lamang ang tanging habol ng babaeng si Patricia sa kaniyang kapatid kaya naman labis ang nagiging pagtutol niya sa relasyon ng mga ito.

Kung alam lang niya na ito pala ang dahilan kung bakit gustong makipagkita ng kapatid niya sa kaniya, sana ay hindi na lamang siya nagpunta.

“Michelle, ano ba! Huwag mong sabihin ’yan sa girlfriend ko! Mahal niya ako!” hiyaw pa rin ni Greg.

Natawa nang mapait si Michelle. “Sampung taon ang tanda mo sa kaniya, Greg. Maraming mas higit sa ’yo na kaedad niya, pero bakit ikaw ang pinili ng babaeng ’yan? Iyon ay dahil lang may pera ka!”

Nakita ni Michelle na napayuko ang babae ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring kibo. Sa tingin niya ay nahihiya na ito sa sarili dahil lahat ng sinasabi niya tungkol dito ay tama. Nagsimula na ring mapansin ni Michelle kung gaano kagara ang restaurant na siyang nagsilbing meeting place nila ngayon. Mukha itong mamahalin at halatang pangmayaman ang lugar na ito. Siguradong ang babae ang pumili ng lugar na ito upang sa wakas ay makapunta siya sa ganito kasosyal na lugar.

“Michelle, nakikiusap ako sa ’yo, pakinggan mo muna ako. Hindi isang manggagantso ang girlfriend ko. Kilalanin mo muna siya bago ka manghusga!” giit pa rin ni Greg na ngayon ay halatang may galit na sa tinig.

“Huwag mo na akong kumbinsihin pa, Greg. Kailan man ay hinding-hindi na magbabago ang isip ko tungkol sa babaeng ’yan. Pakasalan mo siya kung gusto mo siyang pakasalan, pero huwag kayong umasa sa basbas ko.” Akmang aalis na sana si Michelle sa mesang iyon nang bigla na lang hawakan ni Patricia ang kaniyang braso. Mabilis itong nakatayo mula sa kinauupuan at nahabol ang kaniyang braso.

Nang lingunin niya ito ay naroon ang pagmamakaawa sa mukha ng babae. “Please, hayaan mo muna akong magpakilala sa ’yo. Kailan man ay hindi ko hinangad ang pera ng kapatid mo. Maaaring mas bata nga ako sa kaniya ng ilang taon, pero totoong mahal ko ang kapatid mo. Handa akong patunayan ang sarili ko sa inyo, pangako.”

Sandaling namayani ang katahimikan sa pagitan ng tatlo, ngunit maya-maya ay muli iyong binasag ng malakas na paghalakhak ni Michelle!

“Seryoso ka ba, babae? Akala mo ba makukuha mo ako sa pagpapaawa mo? Kung ang kapatid ko, mabilis mong napaikot sa mga palad mo, pwes, ibahin mo ’ko,” sabi pa ni Michelle sabay tulak sa babae na naging dahilan upang mabuwal ito at mapasalampak sa sahig!

Nabigla ang lahat sa ginawa ni Michelle. Maging siya ay hindi inaasahang mapapalakas ang tulak niya sa babae kaya naman napahawak din siya sa sariling bibig kasabay ng kaniyang pagsinghap. Sa tagpong iyon ay tumayo na rin si Greg at dinaluhan ang nobya.

“Ano ba, Michelle! Ganiyan ka na ba talaga kawalang puso ngayon?!” hiyaw ni Greg nang tingalain nito ang pwesto niya. “Alam mo bang wala siyang kailangang patunayan sa ’yo? O kahit sa akin! Sa totoo lang, ako pa ang nagpapasalamat dahil nagustuhan niya ang isang hamak na kagaya ko lang! Ni hindi tayo gan’on kayaman, Michelle. Siya ang may-ari ng restaurant na ’to. Siya si Patricia Villafuerte, ang unica hija ng mga business tycoons na noon pa man ay hinahangaan mo na!”

Ganoon na lang ang gulat ni Michelle nang malaman ang katotohanan. Bigla siyang nakaramdam ng hiya. Kung ikukumpara pala siya sa babae ay animo siya alikabok na kayang-kaya nitong walisin, ngunit hindi nito ginawa para mapatunayan ang pagmamahal nito sa kaniyang kapatid.

Nang araw ding iyon ay agad na humingi ng tawad si Michelle sa babae. Agad naman siyang pinatawad nito. Nangako si Michelle na hinding-hindi na niya uulitin ang nagawa.

Advertisement