Inday TrendingInday Trending
Nagpanggap na Buntis ang Babaeng Ito Upang Maagaw ang Lalaking Gusto Niya sa Babaeng Pakakasalan Nito; Hindi Niya Akalaing Kabaliktaran pa ang Mangyayari

Nagpanggap na Buntis ang Babaeng Ito Upang Maagaw ang Lalaking Gusto Niya sa Babaeng Pakakasalan Nito; Hindi Niya Akalaing Kabaliktaran pa ang Mangyayari

Napangiti si Kyla nang mapansing unti-unti nang nagigising si Steve. Ang lalaking pinakamamahal niya na noon pa man ay hindi siya pinapansin. Katrabaho niya ito at kagabi ay nagkayayaang mag-inuman ang kanilang mga kasamahan sa opisina at suwerte namang napasama silang dalawa. Suwerte, dahil sa wakas ay nagawa na rin ni Kyla ang planong matagal na niyang gustong gawin… ang akitin si Steve.

Agad na rumehistro ang pagtataka sa mukha ng binata nang mamulatan nitong magkatabi silang dalawa sa iisang kama. Bukod doon ay pawang mga wala rin silang suot na kahit na anong saplot, tanda na kagabi ay may kababalaghang nangyari sa pagitan nila, dahil sa epekto ng alak.

“S-sorry, Kyla… hindi ko sinasadya kung ano man ang nangyari sa atin!” maya-maya ay basag ni Steve sa katahimikang namamagitan sa kanilang dalawa.

Ngumiti si Kyla upang ipahiwatig sa binata na ayos lang sa kaniya ang nangyari. “Pareho naman natin ’tong ginusto, hindi ba?” sabi pa ng dalaga sabay hawak sa kamay ng lalaki.

Ngunit agad na pumiglas si Steve sa hawak na iyon ni Kyla. Binawi niya ang kaniyang kamay. “Hindi mo naiintindihan, Kyla!” sabi nito sa kaniya na napahilamos pa sa sariling mukha. “M-may girlfriend na ako at malapit na kaming ikasal! Mali itong nangyari sa atin. Isa itong kataksilan!” dagdag pa ng binata na noon ay halos ikadurog naman ng puso ni Kyla.

Tumayo si Steve at nagbihis. Pagkatapos ay walang lingon-likod na umalis na ito sa motel kung saan sila nagpalipas ng gabi. Nagpupuyos sa galit ang dibdib ni Kyla! Dahil doon ay isang plano ang naisip niya.

Dalawang linggo makalipas ang pangyayaring iyon sa pagitan nila ni Steve ay muling kinausap ni Kyla ang binata. Itinaon niya habang kumakain ito nang mag-isa sa cafeteria. Dalawang linggo na rin kasi siyang iniiwasan nito kaya hindi siya makahanap ng tiyempo para isagawa ang kaniyang plano.

“Steve, buntis ako at ikaw ang ama,” walang kagatol-gatol na bungad ni Kyla pagkaupo pa lamang niya sa harapan ni Steve.

Halatang nabigla ang binata, ngunit maya-maya ay napabuntong-hininga na lamang. Nasapo nito ang sariling mukha. Tila hindi alam ang kaniyang gagawin.

Napangisi naman si Kyla. Sigurado na siyang makukuha niya ang binata, kahit ang totoo ay hindi naman talaga siya buntis, dahil nang gabing iyon ay wala naman talagang nangyari sa kanilang dalawa.

Lasing na lasing noon si Steve, ngunit kahit ganoon ay hindi ito nakalimot na mayroon na siyang nobya. Paulit-ulit siya nitong itinulak sa tuwing lumalapit siya sabay sambit ng mga katagang: “May girlfriend na ako, lumayo ka!”

Umaga na nang magawang alisan ni Kyla ng saplot ang binata at pagkalipas ng ilang sandali ay nagising na rin ito kaya naman wala talagang nangyari sa kanila.

“Kyla, pasensya ka na, pero hindi kita kayang panagutan. Ang tanging kaya ko lang gawin ay ang suportahan ang anak natin, kung totoong buntis ka. Sinabi ko na rin naman sa girlfriend ko ang nangyari at suwerteng pinatawad niya ako. Sa kabila ng mga posibilidad na maaari ngang mangyari ito ay sinabi niya sa aking handa niya akong tanggapin ulit. Hindi ko kayang mawala siya sa akin.”

Nabigla si Kyla sa narinig na sinabi ni Steve. Hindi niya akalaing magagawa nitong aminin sa kaniyang nobya ang nagawa nitong kasalanan para lang hindi ito makapagsinungaling! Hindi siya makapaniwalang may lalaki pang katulad ni Steve na handang harapin ang nagawa niyang kasalanan, huwag lang magsinungaling sa babaeng mahal nito.

Nakaramdam ng matinding inggit si Kyla sa nobya ni Steve. Dahil doon ay lalo niyang hinangad na sirain ang relasyon ng dalawa. Pinanindigan ni Kyla ang kaniyang kasinungalingan hanggang sa lumipas na ang ilang buwan.

Malapit na rin ang kasal nina Steve at ng nobya nito, ngunit kahit anong gawin ni Kyla ay hindi niya talaga nagawang sirain ang kanilang relasyon. Sinubukan na niyang pagselosin ang babae sa pamamagitan ng pagkuha ng lahat ng oras ni Steve at gamitin iyon sa kaniyang pekeng pagbubuntis, ngunit tila lalo lamang niyong pinagtibay ang relasyon ng dalawa.

Doon na nagsimulang mapaisip si Kyla. Pakiramdam niya ay naging kontrabida siya sa isang teleserye at tila natauhan na siya sa kaniyang mga kasalanan. Noon din mismo ay ginusto niyang itama ang lahat ng iyon kaya naman agad siyang nag-file ng resignation letter sa kanilang kompanyang pinagtatrabahuhan at nag-empake paalis. Nag-iwan siya ng isang sulat ng pag-amin kay Steve dahil hindi niya kayang aminin dito nang harapan ang kaniyang ginawa. Sa huli ay hinayaan na ni Kyla na maging masaya ang dalawang taong tinangka niyang sirain ngunit lalo lamang napagtibay ang pagsasama.

Advertisement