Inday TrendingInday Trending
Pinagtawanan ng Binata ang Kaibigan Dahil sa Pagtitipid na Ginagawa Nito Gayong Bata pa Sila; Sa Paglipas ng Panahon ay Saka Lamang Niya Maiintindihan kung Gaano Iyon Kahalaga

Pinagtawanan ng Binata ang Kaibigan Dahil sa Pagtitipid na Ginagawa Nito Gayong Bata pa Sila; Sa Paglipas ng Panahon ay Saka Lamang Niya Maiintindihan kung Gaano Iyon Kahalaga

“Pare, subukan mong bumili ng bagong labas na damit ngayon ng sikat na brand na binibilhan ko. Tutal, pareho naman tayo ng sweldo, sigurado akong afford mo rin ’to!” Sabik na ipinarangya ni Rolly ang bago niyang damit na mamahalin sa kaibiga at katrabahong si Kurt. Kahapon kasi ay nakuha na nila ang kanilang unang sahod kaya naman agad niyang binili ang gusto niya.

“Naku, pare, gustuhin ko man ay hindi p’wede, e. May pinag-iipunan kasi ako,” sagot naman sa kaniya ni Kurt na sinabayan pa ng matinding pag-iling.

“Pinag-iipunan? Pare, ang alam ko, binata naman tayong pareho at wala pang pamilyang binubuhay. Ano’t ayaw mong gumastos?” tanong naman ni Rolly.

“Plano ko kasing mag-invest, pare. Isa pa, marami pa naman akong damit, e. Hindi ko kailangan ng bagong gamit sa ngayon kaya, pass na muna ako. Saka na lang kapag kailangan,” masaya namang sagot ni Kurt.

Ngunit nang marinig ang sagot ng kaibigan ay pinagtawanan lamang ito ni Rolly. “Pare, ang bata mo pa para magkuripot! Gumastos ka rin para sa sarili mo. Tingnan mo nga ’yang hitsura mo? ’Yang mga suot mo. Parang sampung taon na yata ang nakakalipas simula nang bilhin mo ’yan, e!” natatawa pang ani Rolly na may halo nang pang-iinsulto.

Hindi nakasagot si Kurt. Ipinagkibit-balikat na lamang niya ang sinabi ni Rolly at hindi na lamang niya ito pinansin pa. Simula noon ay palagi na lamang ganoon ang senaryong nangyayari sa kanila tuwing sasapit ang sahuran. Si Rolly ay magpaparangya ng panibagong gamit katulad ng mamahaling sapatos, relos, cellphone, damit at kung anu-ano pa at aayaing bumili rin si Kurt katulad niya. Ngunit sa tuwing tatanggi ang binata ay lalaitin niya ito at pagtatawanan!

Ganoon pa man ay ipinagpatuloy lamang ni Kurt ang kaniyang ginagawang pag-iipon upang maabot niya ang halaga ng kapital na kailangan niya para sa itatayo niyang pangarap na negosyo… ang pagkakaroon ng sariling mall.

Mataas ang pangarap na ito ni Kurt ngunit gagawin niya ang lahat upang ito ay makamit niya. Kahit mag-umpisa muna siya sa maliit, hanggang sa maabot na niya ang tuluyang paglago nito. Bata pa lamang ay nagtakda na ng goal si Kurt para sa kaniyang sarili at ipinangako niyang tutuparin niya ito anuman ang mangyari.

At ganoon na nga ang ginawa ni Kurt. Nang makaipon siya ng sapat na kapital sa pamamagitan ng pagtitipid ay agad na niyang sinimulan ang pagtatayo ng isang maliit na pamilihan ng sari-saring gamit. Habang lumilipas ang panahon ay lumalaki nang lumalaki ang naturang negosyo ni Kurt dahil sa kaniyang pagiging hands-on sa pagpapatakbo nito at sa patuloy na paghawak niya nang maayos sa kaniyang kinikita.

Dahil doon, hindi na inabot pa nang napakatagal na panahon upang sa wakas ay matupad din ni Kurt ang kaniyang pangarap na magkaroon ng sariling mall na malaki, maganda at dinadayo ng maraming kostumer!

Dahil doon, ngayon ay nabibili na ni Kurt ang lahat ng kaniyang mga gusto, nang mayroon pa ring pag-iingat. Paminsan-minsan ay itini-treat niya ang sarili at binibili ang mga luhong gusto niya ngunit hindi niya kailan man sinanay ang sarili niya sa gan’on.

Mayroon na rin siyang asawa ngayon at dalawang anak na walang dudang nabibigyan niya ng maganda at masaganang buhay, bukod pa sa pagiging masaya ng kanilang pamilya.

Nang araw na iyon ay opening na ng isa na namang branch ng kanilang mall at maraming tao ang dumalo. Hindi inaasahang nakasalubong ni Kurt ang kaniyang dating kaibigan at katrabahong si Rolly.

“O, pare, kumusta ka na?” tanong ni Kurt sa tila gulat na gulat na kaibigan na ngayon ay bakas ang inggit at paghanga sa mga mata.

“Ito, pare, hanggang ngayon ay empleyado pa rin…” sagot naman nito. “So, ito pala ang dahilan kung bakit noon ay halos hindi ka gumagastos. Ito pala ang sinasabi mong gusto mong ma-achieve kaya kailan man ay hindi ka nagpadala sa mga panunukso ko.”

Tumango si Kurt sa sinabi ng kaharap.

“Sana pala, pare, nakinig ako sa ’yo noon. Sana naniwala ako na imbes na gumastos ako nang gumastos sa mga bagay na walang kapakinabangan sa kinabukasan ko, sana nag-ipon na lang ako. Nahihiya ako sa sarili ko.” Madamdamin ang sinabing iyon ni Rolly sa kaniya. Halata sa mukha nito na nalulungkot ito at nagsisisi sa mga nagawa niya. Kaya naman tinapik ni Kurt ang balikat ng dating kaibigan.

“Hindi pa naman huli ang lahat, Rolly. P’wede ka pang bumawi,” aniya pa bago ito iniwan na kahit papaano ay may ngiti na sa labi.

Advertisement