
Ininsulto ng Lalaki ang Taong Nagsabing Bibili ng Propyedad na Kaniyang Ibinibenta Dahil sa Paraan ng Pananamit Nito; Nganga Siya nang Malaman Kung Sino Ito
“Grabe, ang laki po ng magiging komisyon ng kung sino mang makakabenta ng property na ito, ano, sir?” nakangiting tanong ng magalang na bagong empleyado ng kanilang real estate agency.
Natawa naman si Konor sa kaniyang narinig at hinarap ang kasamang baguhan. “Oo, pero huwag ka nang umasa, ha? Dahil kung mayroon mang makakapagsarado ng deal na ito, ako ’yon, at hindi ang baguhang katulad mo,” nakangisi pang aniya sa kausap na noon ay nagkibit na lamang ng balikat at hinarap ang bagong dating na client.
“Hi, sir, kayo po ba ’yong nagpa-appointment sa amin ngayon para tingnan ang property?” magalang na bungad nito sa isang lalaking nakasuot lamang ng isang itim at tila kupas pang t-shirt at pantalon na mayroon pang sira sa laylayan.
Agad na napakunot ang noo ni Konor sa kaniyang nakita. “Sandali, sandali, sandali!” pigil niya sa akmang pagsagot na sana ng lalaking kapapasok lang. Hinarap muli ni Konor ang baguhang kasama at tiningnan niya ito nang masama. “Bulag ka ba? Paanong magiging siya ’yon? Tingnan mo nga ang hitsura n’yan! Ang kliyenteng inaasahan nating dumating ngayon ay isang mayamang CEO ng isang malaking kompanya! Hindi kung sinu-sino lang!” pabulong ngunit nanggigigil na aniya sa kasamang si Hanna.
“Pero, sir—”
“Huwag ka nang magsalita! Paalisin mo na lang ’yan kung ayaw mong matanggal agad sa trabaho!” pigil niya sa sana’y sasabihin pa ni Hanna.
“May problema ba tayo?” Maya-maya ay nakahalata na ang lalaki at nagtanong ito.
“Meron,” sagot naman ni Konor sa mataas na tono. “Hindi kami tumatanggap ng mga kliyenteng kung sino-sino lang. May hinihintay kaming importanteng tao ngayon at obviously, hindi ikaw ’yon kaya, please, kung pwede, umalis ka na?!” dagdag pa niya na punong-puno ng sarkasmo.
“Hindi mo man lang ba ako hahayaang tingnan itong property na ’to? Ibinibenta n’yo naman ito, hindi ba?” ngayon ay ang lalaki naman ang nagtanong.
Napahilamos pa si Konor sa kaniyang sariling mukha bago ito sinagot. “Para saan pa? Hindi mo rin naman kayang ma-afford ang halaga ng bahay na ito! Alam mo ba kung magkano ’to? Limang milyon! Tumataginting na limang milyon!” sabi pa ni Konor.
“Sir Konor, kung ganoon po, wala naman sigurong mawawala sa atin kung hahayaan natin si Sir na i-check itong property, hindi ba? Ako naman po ang mag-a-assist. Isa pa, mukhang hindi naman na darating ang kliyenteng inaasahan nating dumating ngayon dahil tanghali na,” maya-maya ay singit muli ni Hanna sa pag-uusap nila ng lalaki.
Naipaikot na lang ni Konor ang kaniyang mga mata, ngunit hindi na siya nagsalita pa. Naupo na lamang siya sa isang gilid at hinayaan si Hanna na mag-assist sa naturang kliyenteng mukhang wala namang pera.
“Pasensya na po kayo, sir, ha?” Humingi ng paumanghin si Hanna sa kliyente at sinimulan na niyang i-tour ito sa buong kabahayan.
“Baguhan ba ang isang ’yon?” tanong naman sa kaniya ng naturang kliyente habang natatawa.
Agad namang umiling si Hanna. “Naku, sir, hindi po. Actually, ako pa nga po itong baguhan sa amin. Kaya pasensya na po kayo kung hindi pa gan’on kagaling ang convincing powers ko para makabenta,” sagot pa ni Hanna.
“Sa totoo lang ay natutuwa nga ako sa ’yo, hija. Hindi ako na-bore sa buong oras ng pagtu-tour natin sa bahay na ito. At dahil diyan…” sandaling ibinitin ng lalaki ang sasabihin. “Bibilhin ko na ’to. Consider this property as sold today,” dagdag pa ng lalaki.
Nanlaki ang mga mata ni Hanna sa narinig. Ganoon din si Konor na noon ay nakatayo na pala sa ’di kalayuan.
“Sandali… tama ba ang narinig ko? B-babayaran n’yo na itong bahay, ngayon mismo?” hindi makapaniwalang tanong ni Konor sa dalawa.
Ngunit hindi pinansin ng lalaki ang tanong ni Konor, bagkus ay nagpatuloy ito sa pakikipag-usap kay Hanna. “Bukod sa komisyon na matatanggap mo sa pagbili ko ng property na ’to, hija, asahan mo ang malaking tip na ibibigay ko sa ’yo bilang reward sa pagtrato mo sa akin nang tama, kahit ganito ang hitsura ko ngayon, dahil dito ako komportable. Ako si Mr. Valdez, ang kliyenteng inaasahan n’yo ngayon. Ang CEO ng isang malaking kompanya na ininsulto ng lalaking ’yan, dahil lang sa aking hitsura.”
Halos kainin na ng kahihiyan si Konor dahil sa nangyari. Dahil sa ugaling ipinakita niya, ang ilang taong pagpapaganda niya ng kaniyang pangalan ay naburang lahat at natalo lamang ng isang baguhang may magandang asal at marunong makisama sa lahat ng uri ng kliyenteng kaniyang makasasalamuha.

Pinagtawanan ng Binata ang Kaibigan Dahil sa Pagtitipid na Ginagawa Nito Gayong Bata pa Sila; Sa Paglipas ng Panahon ay Saka Lamang Niya Maiintindihan kung Gaano Iyon Kahalaga
