Inday TrendingInday Trending
Ipinahiya ng Anak ang Kaniyang Ina nang Subukan Nitong Sabayan Siya sa Kaniyang mga Hilig; Isang Pangyayari ang Magpapabago ng Kaniyang Pananaw

Ipinahiya ng Anak ang Kaniyang Ina nang Subukan Nitong Sabayan Siya sa Kaniyang mga Hilig; Isang Pangyayari ang Magpapabago ng Kaniyang Pananaw

Malungkot na naman si Belinda. Paano kasi ay mag-isa na naman siya sa salas dahil ang anak niyang si Ella ay nakakulong na naman sa kwarto nito at nagsasasayaw sa harap ng camera ng cellphone nito upang makiuso sa bagong dance craze ngayon sa social media.

Gusto sana ni Belinda na makipag-bonding sa anak, ngunit dahil nga dalaga na ito ngayon ay hindi na ito madalas makisama sa kaniya. Tanggap naman niya na habang nagdadalaga ito ay nag-iiba rin ang mga hilig nito, ngunit minsan ay hindi maiwasan ng ina na ma-miss ang mga dati nilang ginagawa, lalo na at nag-iisang anak niya si Ella.

“Naku, mars, ganiyan na talaga ang mga bata ngayon. Dapat talaga matuto rin talaga tayong makisabay sa mga nauuso ngayon sa mga kabataan kung gusto nating maka-bonding sila. Alam mo na, hindi naman kasi sila ang mag-a-adjust para sa atin, e,” payo sa kaniya ng kaibigan at kumare niyang si Grace nang magpasya siyang tawagan na lamang ito upang may magawa siya. Natapos na kasi niya ang kaniyang mga gawain para sa araw na ’to kaya naman naghahanap na siya ng kausap. Nabo-boring siya sa kaniyang bahay.

“Hmm?” patanong na himig niya naman. “Gan’on ba ’yon?” dagdag pa niya.

Natawa si Grace sa kabilang linya. “Oo, mars, gan’on ’yon! Tingnan mo nga kami ng dalawang dalaga ko, close na close pa rin,” sabi pa nito sa kaniya.

Nang matapos ang tawag ay napaisip si Belinda tungkol sa sinabi ng kaibigan. Nakakuha siya ng ideya dahil doon. Sa tingin niya ay tama ito. Kung gusto niyang makasundo at muling maka-bonding ang anak na si Ella, katulad noon, siguro ay dapat niya ngang sabayan ang trip ng mga kabataang tulad nito ngayon.

Nagpasya siyang umakyat sa second floor ng kanilang bahay at puntahan sa kwarto nito si Ella. Hindi na siya kumatok. Binuksan niya ang pintuan ng anak at naabutan niya itong nagsasayaw nga sa harap ng camera.

“Hi, anak, ano’ng ginagawa mo?” tanong ni Belinda sa anak.

“Wala naman. Ginagaya ko lang ’yong bagong trending na sayaw sa social media. Bakit?” tila iritable namang sagot sa kaniya ni Ella.

“Ay, anak, mukhang maganda ’yan! Kung hindi mo naitatanong, noong kasing edad mo ako ay miyembro din ako ng cheering squad ng eskuwelahan namin. Napakahusay kong sumayaw noon!” pagbibida pa ni Belinda sa sarili ngunit tinaasan lamang siya ni Ella ng isang kilay.

“So? Ano’ng point n’yo?” tanong pa nito ulit.

“Baka gusto mo akong turuan n’yan, anak, para naman sabay nating gawin?” masaya at masiglang sabi naman ni Belinda.

Ilang sandaling namayani ang katahimikan sa pagitan ng mag-ina ngunit maya-maya pa ay binasag iyon ng isang nakaiinsultong tawa mula kay Ella!

“Mommy, ano’ng tingin mo sa sarili mo? Teenager? P’wede ba! Hindi bagay sa ’yo ’tong ganito. Ang mas bagay na gawin n’yo ay maging nanay. Maglaba, magluto, maglinis ng bahay. Mapapahiya lang ako sa inyo, e!” Tila ba binuhusan ng malamig na tubig si Belinda dahil sa sinabi ng anak. Napahiya siya sa kaniyang sarili at hindi na lamang nagsalita hanggang sa lisanin niya ang kwarto nito.

Sinubukan ni Belinda na gawin ang naturang sayaw sa sarili niyang cellphone. Dahil sobra siyang nainsulto sa sinabi ni Ella ay sinadiya niyang i-post sa account ng anak ang naturang video niya! Ngunit nang mapanuod iyon ni Ella ay galit na galit ito!

“Mommy, nakakahiya ka! Bakit mo ginawa ’yon?! Wala na akong mukhang ihaharap sa friends ko!”

Ilang araw na hindi nag-check ng kaniyang mga social media account si Ella dahil sa takot na baka pinagtatawanan na siya ng mga nakakakakilala sa kaniya dahil sa ginawa ng kaniyang ina. Ngunit isang beses ay aksidenteng nag-notify iyon sa kaniyang cellphone.

Nang muli niyang bisitahin ang video ng kaniyang ina ay nakita niyang viral na viral iyon ngayon at humahakot pa ng napakaraming posibitong mga komento na nagsasabing sana ay mayroon din daw silang nanay na katulad ng kaniyang mommy!

Tila ba sinampal ng kahihiyan si Ella sa kaniyang mga nabasa. Habang may ibang batang kaedad niya na gustong maging nanay ang kaniyang ina, siya naman itong ikinahihiya pa ito dahil sa pagsubok nitong sabayan siya sa kaniyang mga hilig!

Kung mayroon mang nakakahiya, iyon ay ang ginawa niyang pagtrato sa kaniyang mommy at talagang pinagsisisihan na iyon ngayon ni Ella. Agad siyang nanghingi ng tawad sa kaniyang mommy at nangakong hindi na uulitin pa ang ginawa niya. Simula noon, hindi na muling nahati pa ang atensyon ng dalagita sa mga hilig niya at pakikipagbonding sa ina, dahil ngayon ay kasama na niya ito sa kaniyang mga ginagawa.

Advertisement