
Kailan man ay Hindi Nagpakita ng Pagsuporta ang Ina sa Talento at Hilig ng Kaniyang Anak; Isang Pangyayari ang Magpapabago pala ng Lahat
“Tigilan mo na nga ’yang kalokohan mo, Darren! Ang dami-dami pang kailangang gawin dito sa bahay, pagkatapos ay puro ’yan pa ang inaatupag mo? Aba, mahiya ka naman sa amin!”
Nagsimula na namang magbunganga si Aling Minda, ang ina ni Darren, nang makita nitong hawak na naman ng anak ang kaniyang panulat at isang pamilyar na kuwadernong makailang ulit na rin niyang tinangkang itapon, ngunit palagi rin itong iniuuwi pabalik ng binata sa kanilang tahanan.
Napabuntong-hininga na lamang si Darren sa sinabi ng kaniyang ina. Isinara niya ang kaniyang kuwadernong naglalaman ng mga kantang kaniyang isinulat noon pa na nais niya sanang isali sa isang malakihang patimpalak na gaganapin upang mahanap ang huling magiging miyembro ng sikat na sikat ngayong Philippine Boy Band na hindi lamang sa Pilipinas sikat, kundi pati na rin sa ibang panig ng mundo!
Matagal nang pinapangarap ni Darren na iparinig sa maraming tao ang kaniyang musika, ngunit kailan man ay hindi siya nakakuha ng ni katiting man lamang na suporta mula sa kaniyang ina. Noon pa man ay hinahadlangan na nito ang kaniyang hilig sa pagbuo at pagtugtog ng kaniyang mga kanta, kahit pa marami na ang nagsasabi na may talento siya rito. Hindi rin alam ni Darren kung bakit ganoon ang ina ngunit pinilit na lamang niyang intindihin ito. Hindi naman kasi lingid sa kaniya na galit ang kaniyang ina sa mga katulad niyang musikero dahil na rin sa kaniyang ama na noon ay nagawa silang ipagpalit para sa kaniyang banda. Ngunit sa huli ay nauwi lang ito sa masamang landas at ngayon ay naghihimas na lamang ng rehas dahil sa pagkakalulong nito sa masasamang bisyong mula sa impluwensya ng mga kabanda nito.
Sa kabila ng pagpigil ng kaniyang ina ay lihim na pinagbutihan pa rin ni Darren ang pagtapos ng kantang kaniyang isasali sa patimpalak na maaaring magdala sa kanila sa rurok ng tagumpay. Alam ni Darren na ang larangang ito talaga ang dapat sa kaniya. Patutunayan ni Darren na hindi lahat ng mga nagbabanda ay nauuwi lang sa pagbagsak katulad ng nangyari sa kaniyang ama.
Galit na galit si Aling Minda nang araw na iyon. Paano ay nanunuod ito kanina ng telebisyon ngunit bigla nitong nakita ang pangalan ng kaniyang anak na si Darren bilang isa sa mga kalahok sa nagaganap na patimpalak ngayon para sa paghahanap ng huling miyembro ng sikat na banda ngayon sa bansa.
“Ilang beses ko bang sasabihin sa ’yo na wala kang mapapala sa pagbabandang ’yan?! Hindi ka mapapakain ng musika! Hindi maiibsan ang gutom natin dahil lang sa mga liriko ng kantang binubuo mo!” galit na hiyaw ni Aling Minda sa anak na noon ay nayuyuko sa kaniyang harapan.
“Inay, gusto ko lang naman pong subukan, e. Malaki rin naman ang premyo at—” Ngunit bago pa man maituloy ni Darren ang sasabihin ay agad nang lumapat sa kaniyang mukha ang palad ng kaniyang ina.
“Wala akong pakialam! Sa tingin mo ba mananalo ka? Sa tingin mo ba magaling ka?!” tila may pang-iinsultong tanong pa ni Aling Minda sa anak na noon ay natahimik din at hindi alam ang isasagot.
Akmang ipagpapatuloy pa ng ina ang kaniyang sinasabi nang marinig nila ang biglang pag-a-announce ng winner sa naturang patimpalak… at iyon ay walang iba, kundi si Darren!
Biglang namutla si Aling Minda. Natuyo ang kaniyang lalamunan at umurong ang kaniyang dila nang masaksihan ang mismong pagkapanalo ng kaniyang anak. Lalo na nang banggitin ng announcer ang halaga ng papremyong napanalunan nito!
Isang milyong piso, kalakip ng sarili nilang bahay, lupa, at sasakyan!
Ganoon na lang din ang gulat ni Darren. Binalot ng matinding saya ang kaniyang puso at nayakap niya ang kaniyang ina bago siya nagtatalon. “Inay, nanalo tayo! Nanalo tayo!” sabay sigaw niya nang ganoon.
Tila ba napahiya pang lalo sa kaniyang sarili si Aling Minda. Kailan man ay hindi niya sinuportahan ang kaniyang anak, ngunit isinasali siya nito ngayon sa kaniyang tagumpay! Ngayon niya lang tila napagtatantong hindi naman nito kasalanan ang ginawa ng ama nito at magkaiba sila ng kapalaran, kahit pa iisa ang landas na gusto nilang tahakin!
Simula noon ay ipinangako ni Aling Minda sa kaniyang sarili na susuportahan na niya ang kaniyang anak at ibibigay ang kaniyang buong paggabay upang hindi ito maligaw ng landas tulad ng nangyari sa kaniyang mister!

Tinulungan ng Lalaki ang Isang Pulubing Nanlilimos sa Daan; Hindi Niya Akalaing Agad na Babalik sa Kaniya ang Ginawa Niyang Kabutihan
