
Tinulungan ng Lalaki ang Isang Pulubing Nanlilimos sa Daan; Hindi Niya Akalaing Agad na Babalik sa Kaniya ang Ginawa Niyang Kabutihan
Napahilot sa sarili niyang sentido si Renzo nang mabasa ang isang artikulong kumakalat ngayon sa iba’t ibang social media platforms tungkol sa kaniya at sa kaniyang kompanya. Hindi na niya mabilang kung ilang masasamang komento ang kaniyang nabasa tungkol sa kaniyang masama raw na pag-uugali bilang boss.
Isa raw siyang abusado, malupit, at walang awang boss na basta na lamang nagtatanggal at nagbibintang ng mga taong pinaghihinalaan niyang espiya mula sa kalabang kompanya. Iisa lang naman ang nasisigurado niyang may gawa ng lahat ng ito… at iyon ay si Peter, ang dati niyang kaibigan na itinalaga niya rin bilang general manager ng kanilang kompanya.
Iyon ay matapos niya itong tanggalin sa posisyon nito at patalsikin sa kanilang kompanya matapos niyang mahuli ang ginagawa nitong pananabotahe sa kanila. Binabayaran ito ng isa sa mga kalaban niyang kompanya upang gawin ang lahat ng iyon kaya naman agad siyang umaksyon. Kung hindi kasi gagawin ni Kenzo iyon ay mas maraming maaapektuhan, lalo na ang maliliit nilang empleyado.
Ngunit hindi inaakala ni Kenzo na aabot sa sukdulan ang kakapalan ng pagmumukha ng dati niyang matalik na kaibigan. Hindi niya naman maisip kung bakit nito nagagawa iyon, hanggang sa malaman niyang ang lahat pala ng ito ay dahil lamang sa pagnanasa nitong maagaw ang kaniyang nobya.
Relihiyosa ang nobya niyang si Abigail kaya naman talagang naapektuhan ito sa naturang balita tungkol sa kaniya. Maging ito ay nagduda kung totoo nga ba ang sinasabing iyon ni Peter kaya naman nagdalawang-isip na ito kung ipagpapatuloy pa ang kasal nila.
Naisipan ni Kenzo na lumabas muna sandali upang sana ay makalanghap ng sariwang hangin. Ngunit nang lumabas siya sa kanilang building ay isang pulubi ang natagpuan niyang namamalimos sa daan.
Agad na nakadama ng awa si Kenzo sa naturang pulubi lalo pa at may katandaan na ito kaya naman nilapitan niya ito upang abutan ng tulong.
“Manong, ito ho, bumili po kayo ng makakain n’yo.” Naglabas ng lilibuhin si Kenzo at inabutan ang matanda na bigla namang nanlaki ang mga mata nang makita kung magkano ang iniabot niya. “Sige na ho, manong. Alam ko hong makakatulong sa inyo ’yan. Kunin n’yo na po,” dagdag pa ni Kenzo nang ilang sandali na ang lumilipas ay nananatili pa ring nakatitig ang matanda sa iniaabot niyang tulong!
Agad itong nagpasalamat kay Kenzo. Sa katunayan ay muntik pa itong maiyak. “Maraming salamat sa ’yo, hijo. Napakabuti ng puso mo. Sana ay malaman ng buong mundo kung gaano ka kabuting tao ,” sabi pa ng matandang pulubi ngunit tanging ngiti na lamang ang naisagot ni Kenzo.
Bago iwan ng binata ang kawawang pulubi ay ipinakilala muna niya ito sa mga guwardiya ng kaniyang building. Ibinilin niya sa mga ito na kung sakaling hanapin man siya ng pulubing iyon ay agad na ipagbigay alam sa kaniya lalo na kung may kailangan ito. Nagtataka man ay agad namang sinang-ayunan ng kaniyang mga tauhan ang kaniyang utos.
Makalipas ang isang linggo…
Bagsak ang balikat ni Kenzo nang pumasok siya sa opisina nang araw na iyon. Paano ay hanggang ngayon, hindi pa rin niya ma-contact ang kaniyang nobya. Natatakot siyang baka tuluyan na siyang iwanan nito.
Ngunit laking pagtataka ng binata nang sa pagpasok niya sa kanilang building ay inabutan niya ang kaniyang mga empleyado na nagtitipon sa lobby pa lang ng naturang lugar upang siya ay batiin!
“Congratulations, sir!” halos sabay-sabay na sigaw ng kaniyang mga empleyado na agad naman niyang ipinagtaka, lalo na nang mamataan niya ang kaniyang nobya habang papalapit ito sa kaniyang pwesto.
“I’m so proud of you, Kenzo,” sabi pa nito sa kaniya sabay halik sa kaniyang pisngi.
Lalong nangunot ang noo ng binata, ngunit bago pa man siya makapag-react ay agad nang nag-play sa white screen na pinagagana ng isang projector ang viral na pala ngayong video ni Kenzo habang tumutulong siya sa isang matandang pulubi na lingid sa kaniyang kaalama’y parte pala ng isang social experiment ng isang show sa telebisyon! Pinabubulaanan ng nasabing video ang lahat ng kasinungalingang ipinakalat ni Peter tungkol sa kaniya at sa kanilang kompanya!
Hindi akalain ni Kenzo na agad na babalik sa kaniya ang kabutihang kaniyang ginawa sa kaniyang kapwa. Iyon pa ang magiging daan upang bumalik ang dignidad niya at mapatunayang totoo ang inaakusa niya sa dating kaibigang tinangka siyang pabagsakin! Mabuti na lamang at mas nanaig ang mabuting puso Kenzo kaysa sa kasamaan ng ugali ni Peter na ngayon ay nanganganib nang maharap sa patong-patong na kaso.

Ininsulto ng Babae ang Dating Kaklase Dahil Nang Muli Kasi Silang Magkita ay Mahirap pa rin Ito Habang Siya ay Mayaman ang Napangasawa; Sa Huli ay Pagsisisihan Niya Iyon
