
Ininsulto ng Babae ang Dating Kaklase Dahil Nang Muli Kasi Silang Magkita ay Mahirap pa rin Ito Habang Siya ay Mayaman ang Napangasawa; Sa Huli ay Pagsisisihan Niya Iyon
Nakaupo si Darlene sa waiting area ng building kung saan nagaganap ang meeting ngayon ng kaniyang asawang nagmamay-ari ng isang malaking kompanya. Paano ay may usapan silang ngayon nila ise-celebrate ang kanilang 3rd Wedding Anniversary na nakaligtaan na nilang ipagdiwang noon pang isang linggo dahil sa sobrang busy ng kaniyang asawa. Napaka-hectic kasi ng schedule nito at halos sa opisina na ito tumira.
Nasa ganoong posisyon si Darlene nang may isang pamilyar na babae siyang napansing pumasok din sa naturang building. Naglakad ito papalapit sa kaniyang puwesto at mukhang may balak ding makiupo roon.
“Wait, Darlene, ikaw ba ’yan?” tila gulat na bati ng nasabing babae sa kaniya nang maging siya ay makilala nito. Doon lamang naging malinaw kay Darlene kung sino ito at kung bakit pamilyar sa kaniya ang mukha nito. “Ako ito, si Kaye! Kaklase mo ako noong highschool!” pagpapakilala pa nito sa kaniya na bakas ang pagkasabik.
“Kaye?” nasambit ni Darlene. “Iyong kaklase kong poorita noon?” gusto niya pa sanang idagdag ngunit hindi na niya itinuloy.
“Oo, ako nga! Ang tagal nating hindi nagkita. Kumusta ka na?” tuwang-tuwa pang tanong sa kaniya ni Kaye.
Doon ay napataas ang noo ni Darlene. “Well, heto. Mas maganda na ang buhay ko ngayon. Sinuwerte ako sa napangasawa ko, e. Guwapo, matalino at higit sa lahat, napakayaman! Sa totoo lang ay hinihintay ko siya ngayong matapos sa meeting niya,” may himig ng pagyayabang namang sagot ni Darlene sa kausap ngunit tila hindi naman nito alintana iyon.
“Wow! Congratulations, Darlene!” sabi nito na animo totoong natutuwa para sa kaniya.
“Ikaw, anong ginagawa mo rito?” pagbaling naman ni Darlene kay Kaye.
“Sa totoo lang, pareho tayo. Hinihintay ko rin ang asawa ko, e,” sagot naman nito na may ningning pa sa mga mata nang banggitin ang salitang asawa.
“That’s nice! So, business man din ang asawa mo?”
Agad na napailing si Kaye sa tanong ni Darlene. “Naku, hindi! Receptionist ang asawa ko rito,” anito.
Napanganga si Darlene. Dahil sa sagot na iyon ni Kaye ay hindi na niya napigilan pang hindi matawa. “Oh my, Kaye! Mahirap ka na nga, mahirap pa ang lalaking pinili mo?” natatawa pang komento niya at dahil doon ay nawala ang ngiti sa labi ng kausap.
Biglang napaisip si Kaye. “Bakit? Wala naman sigurong masama, hindi ba? Hindi naman kasi ako naghahangad na yumaman. Isa pa, sa ugali pa lang ng asawa ko at sa pagmamahal na ibinibigay niya sa akin, okay na ako,” saad pa nito na sa huli ay nagpasilay pa rin ng ngiti sa kaniyang labi.
“Kung sa bagay,” sagot naman ni Darlene, natatawa pa rin. “Sanay ka naman na sa hirap, e.”
Parang may dumaang anghel. Biglang namayani ang katahimikan sa pagitan ng dalawa hanggang sa muli iyong basagin ni Darlene.
“So, bakit mo hinihintay ang asawa mo? Magde-date din ba kayo?” tanong niya kay Kaye.
Umiling naman ito. “Naku, hindi. Sasamahan kasi niya ako sa OB-Gyne ko. Schedule na kasi ng check up ko ngayon, e.”
“Buntis ka?” Ikinagulat ni Darlene ang nalaman.
“Oo, two weeks na,” nakangiti namang sagot ni Kaye. Halata ang matinding saya sa mukha nito. Nakaramdam naman ng inggit si Darlene sa kaniyang narinig. Ang totoo ay mag-iisang taon na rin niyang sinusubukang mabuntis ngunit hindi iyon hinahayaan ng kaniyang asawa. Ang sabi nito ay ayaw nito ng anak dahil ayaw raw nitong masira ang kaniyang katawan.
“Paano mo bubuhayin nang maayos ang anak mo? Hindi ba at wala kayong pera?” Idinaan ni Darlene sa pang-iinsulto ang inggit na nadarama niya sa dating kaklase, ngunit tila wala iyong epekto roon.
“Kaya naman namin ng asawa ko. Maayos naman kasi ang trabaho niya at may ipon na rin kami sa ilang taon naming pagtutulungan. Isa pa, may online business din akong pinatatakbo at tinutulungan din ako ng pamilya at mga kaibigan ko kaya alam kong kaya namin ito. Iyon naman kasi ang essence ng pagkakaroon ng pamilya, hindi ba? Kaya kahit salat kami sa kayamanan, masaya kami.”
Tila naman tinamaan nang matindi si Darlene sa kaniyang narinig. Napahiya siya sa kaniyang sarili. Hindi pa man siya nakababawi ay dumating na ang asawa ni Kaye na mayroong dalang bulaklak.
“Mahal, pinaghintay ba kita? Pasensiya ka na, ha? Pero may pakonswelo ako. Bulaklak para sa maganda kong misis,” sabi ng lalaki na ikinapula ng pisngi ni Kaye.
Lalong inilubog ng sariling inggit si Darlene. Simple lang ang bulaklak na iyon ngunit tinalo n’on ang lahat ng mamahaling regalo ng kaniyang asawa, dahil puno iyon ng pagmamahal. Kailan man ay hindi ginawa ng asawa niya sa kaniya ang ganitong klaseng paglalambing. Kailan man ay hindi niya nadamang pinahahalagahan siya ng kaniyang asawa, liban na lang kung kailangan nito ng katabi sa gabi. Tunay ngang hindi nabibili ng pera ang kaligayahan at iyon ang pinatunayan ni Kaye sa kaniya.