Inday TrendingInday Trending
Palaging Sinisigawan at Sinasaktan ng Ama ang Kaniyang Anak na Babae; Isang Masamang Pangyayari ang Magpapabago sa Kaniyang Pananaw

Palaging Sinisigawan at Sinasaktan ng Ama ang Kaniyang Anak na Babae; Isang Masamang Pangyayari ang Magpapabago sa Kaniyang Pananaw

“Bakit ang baba ng nakuha mong grade ngayon? Talaga bang nag-aaral ka nang mabuti o puro kalokohan lang ang iniintindi mo sa eskwelahan?!” galit na sinigawan ni Anthony ang labing anim na taong gulang niyang anak na si Lea matapos nitong ipakita sa kaniya ang nakuha nitong grado.

Tila nagulat naman ang kaniyang anak sa naging reaksyon niya. Ang buong akala kasi ng dalagita ay ikatutuwa na niya ang pagiging top 2 nito sa klase, ngunit nagkamali pala ito ng inaakala!

“P-papa, ginawa ko naman po ang lahat ng makakaya ko,” napapayuko namang sagot ng dalagita sa ama ngunit isang masamang titig lamang ang ipinukol ni Anthony rito.

“Hindi sapat! Kulang pa ang ginagawa mo! Ano ang sasabihin sa akin ng mama mong nagpapakahirap sa abroad? Na pinababayaan kita rito?!”

Sa sobrang pagkapikon na kaniyang nararamdaman ay hindi na napigilan ng dalagita na managot nang pabalang sa ama. “Hindi nga ninyo ako pinababayaan, pero sobra naman ninyo akong pinaghihigpitan! Kada maling kibot, kahit napakakatiting lang ng nagawa kong kasalanan, bubulyawan na ninyo ako’t sasaktan! Daig ko pa ang nakakulong!” sumbat pa ng anak niyang si Lea kaya naman sa sobrang pagkabigla ay napagbuhatan ni Anthony ng kamay ang anak.

Bumakat ang palad ng lalaki sa pisngi ng anak na si Lea ngunit tila wala man lang pagsisisi sa mga mata niya. Iyon ang eksenang naabutan ng kapatid niyang si Joey na noon ay panandaliang nakikituloy sa kanila.

“Kuya, anong ginagawa mo sa pamangkin ko?!” nabibiglang paghangos ni Joey sa mag-ama.

“E, sumasagot na nang pabalang ’yan, e! Hayaan mo ako, Joey. Dinidisiplina ko lang ang anak ko!” sigaw namang muli ni Anthony bago ibinaling ang tingin pabalik sa anak. “Ikaw, simula ngayon, ihahatid-sundo na kita sa eskuwela para masigurado akong pag-aaral lamang ang inaatupag mo!”

Sa narinig ay umiiyak na nagtatakbo na lamang si Lea patungo sa kaniyang silid at doon ay nagkulong. Samantala, si Joey naman ay naiiling na tinitigan ang kaniyang Kuya Anthony.

“Kuya, baka naman p’wedeng hinay-hinay ka lang sa pagdidisiplina kay Lea. Hindi ba, dapat ay ikaw ang unang nagpapakita sa kaniya kung papaano siya dapat tinatrato ng ibang lalaki? Nang sa ganoon, kapag dumating na ang panahong pipili siya ng lalaking pakikisamahan sa buhay ay mataas ang standard niya at hindi siya magse-settle lang sa ‘pwede na’ para sa sarili niya?” mahabang litaniya ni Joey ngunit malamig na tingin lang ang itinugon ni Anthony sa kapatid. Wala siyang balak na makinig dito.

Bumaba sa kaniyang sinasakyang motorsiklo si Anthony nang makarating na siya sa eskuwelahan ng kaniyang anak na si Lea. Magdadalawang linggo na niyang hinahatid-sundo ang anak upang masigurado niya na hindi ito gumagawa ng kalokohan. Iniisip kasi ni Anthony na baka mamaya’y natutulad na rin si Lea sa mga tipikal na teenagers ngayon na puro pagnonobyo na ang inaatupag imbes na mag-pokus sa pag-aaral.

Ngunit nang araw na iyon, nagtataka si Anthony nang lumabas sa kanilang school si Lea na may suot na salamin at natatakpan ng face mask ang kalahati ng kaniyang mukha.

“Lea, tanggalin mo nga ’yang tumatakip sa mukha mo. Ang pangit mong tingnan!” agad na ani Anthony sa anak ngunit tila wala itong narinig. Dahil doon ay muli niyang inulit ang kaniyang sinasabi. “Tatanggalin mo ba ’yan nang kusa o ako pa ang magtatanggal niyan?”

Dahil sa takot sa ama ay tumalima na rin sa wakas si Lea. Tinanggal niya ang tumatakip sa kaniyang mukha at tumambad sa ama ang itinatago niyang mga pasa sa mukha!

Nabigla si Anthony nang makitang nangingitim ang ilalim ng mga mata ni Lea na animo ito ay minaltrato! Lapnos din ang balat nito sa kaliwang pisngi na animo makailang ulit na sinampal hanggang sa pumutok!

“Sino ang may gawa n’yan?!” nagpupuyos sa galit na tanong ni Anthony sa anak.

“W-wala po…” ngunit sagot naman ni Lea.

“Sino ang may gawa n’yan! Sabihin mo sa akin at nang makastigo ko! Hindi tama ’yan!” sabi pa ni Anthony ngunit natulala siya sa sumunod na isinagot ni Lea.

“Bakit pa po? Ganito rin naman ang ginagawa n’yo sa akin, hindi ba? Iyong mga lalaking nambu-bully sa akin sa school, katulad mo lang sila. Siguro nga, ito ang nararapat sa akin. Kaya umuwi na lang po tayo, papa.”

Tila bumalik sa balintataw ni Anthony ang mga katagang tinuran ng kapatid na si Joey nang siya ay pangaralan nito. Tama nga ito. Dahil doon ay nakaramdam siya ng hiya sa sarili. Kung sino pa iyong hindi pa nagiging magulang, iyon pa ang nagpangaral sa kaniya ng mas tamang gawin.

Kaya naman nang gabing iyon, nang sila ay umuwi sa bahay ay sinimulang manghingi ng tawad ni Anthony sa anak. Ipinaintindi niya kay Lea na mali ang mga naging pagtrato niya rito kaya dapat ay hindi ito pumayag na sasaktan din siya ng ibang tao. Simula noon ay bumawi si Anthony sa anak at sinunod ang payo ni Joey.

Advertisement