Inday TrendingInday Trending
Ipinahiya ng Isang Instructor ang Matabang Babaeng Pumasok sa Kanilang Gym; Magsisisi Siya Kapag Nakilala na Niya kung Sino Ito!

Ipinahiya ng Isang Instructor ang Matabang Babaeng Pumasok sa Kanilang Gym; Magsisisi Siya Kapag Nakilala na Niya kung Sino Ito!

Masiglang nagbukas ng kanilang gym ang instructor na si Lulu nang araw na iyon. Paano ay pinayagan na muli ng kanilang barangay ang pagbubukas ng mga gym ngayon. Simula kasi nang magkaroon ng pandemiya ay naging mahina na ang kanilang negosyo. Mabuti na nga lang at kahit na ganoon ay marunong magkonsidera ng sitwasyon ang landlord na siyang nirerentahan nila ng lugar para sa kanilang gym.

Maaga pa lang ay halos mapuno na ng tao iyon. Mukhang sabik na ang mga ito na magpapayat lalo pa at nitong nakaraang lockdown ay hindi maitatangging ang mga tao ay nasira ang pagdidiyeta dahil sa pags-stay nila sa kani-kaniya nilang mga bahay.

Noong una ay ayos naman ang takbo ng araw nina Lulu at ng kaniyang mga kapwa instructor, hanggang sa napansin ni Lulu ang biglang pagdating ng isang napakatabang babae…

Nabaling dito ang mata ng karamihan sa kanilang mga kostumer at maging ni Lulu na agad na napangisi habang pinasasadahan ng tingin ang bagong dating mula ulo hanggang paa.

“Ang taba,” pabulong ngunit tumatawang komento ni Lulu na agad namang inayunan ng isa pang kostumer na nakarinig sa kaniyang sinabi.

“Ano’ng ginagawa ng tabachoy na ’yan dito?” taas ang isang kilay na tanong pa nito.

Dahil doon ay nagpasya si Lulu na lapitan ang babaeng tinawag na tabachoy.

“Ano pong kailangan nila?” tanong ni Lulu sa babae na agad naman siyang nginitian.

“Hi, instructor ka ba rito, miss? Ako nga pala si Marie, p’wede ba akong magpa-assist?” tanong nito sa kaniya habang nakangiti nang pagkalawak-lawak.

“Sigurado po ba kayo?” tanong naman ni Lulu na hanggang ngayon ay natatawa pa rin. Nagtaka naman ang babae sa naging tanong niya ngunit nananatili pa ring nakaukit sa mukha nito ang masayang pagkakangiti. “Ang ibig kong sabihin, hindi kaya nagkakamali ka lang ng pinuntahan, miss? I-remind lang kita, ha? Hindi ito isang eat-all-you-can. Gym ito,” dagdag pa niya na hindi na pinigilan ang malakas na halakhak na kumawala sa kaniyang bibig!

Biglang nawala ang ngiti sa mukha ng matabang babaeng nagpakilalang Marie. Agad ding nangilid ang luha sa mga mata nito lalo na nang masundan pa ng palihim ngunit halata namang tawanan at bulungan ang pang-iinsultong iyon ni Lulu sa kaniya.

“A—ang sama mo!” naibulalas niya sa mukha ni Lulu sa nanginginig na tinig.

“Paanong naging masama? Nagsasabi lang naman ako ng totoo, a? Bakit? Ano ba’ng tingin mo sa sarili mo? Sexy?” sunod-sunod pang tanong nito na kalakip pa rin ng mapang-insulto nitong tono.

Naikuyom ni Marie ang kaniyang kamao at sa hindi inaasahang bugso ng damdamin ay tila kusang gumalaw ang kaiyang palad at malakas na lumapat iyon sa mukha ni Lulu!

Nabigla ang mga nakakita ng pangyayaring ’yon. Dahil doon ay nagkaroon ng komosyon at mas lumakas ang bulungan na naging dahilan naman para matawag na rin ang pansin ng ilan pang kostumer ng naturang gym, maging ng mga kapwa instructor ni Lulu na nang mga sandaling iyon ay busy at may kaniya-kaniyang ginagawa.

“Ano’ng nangyayari dit—Miss Marie Pineda?!” akma sanang magtatanong ang kapwa gym instructor ni Lulu na si Gilbert nang bigla nitong makilala si Marie, na isa palang kilalang vlogger na nakilala dahil sa malawakang pagtulong nito sa mga nangangailangan! Bukod doon ay kilala rin ito dahil sa maganda nitong pangangatawan noon na nasira lamang noong mamana nito ang naging sakit ng kaniyang ina.

Kinailangan kasi ni Marie na mag-take ng medikasyon na ang isa sa mga side effect ay ang pagkakaroon ng labis na timbang, para lamang siya ay maka-survive sa kaniyang sakit. Nang ipaliwanag iyon ni Gilbert kay Lulu at sa iba pang mga kostumer na nagtatawa kanina ay halos magkandayuko ang mga ito sa kahihiyan, lalo na nang malaman nilang ito rin pala ang mabait na may-ari ng building na kinatatayuan ng kanilang gym!

“Sana, bago kayo manghusga ng kapwa, alamin n’yo muna kung ano ang pinagdaraanan niya. Kaya ako pumunta sa gym na ito ay dahil gusto kong ipagpatuloy ang healthy living ko sa kabila ng problemang pinapasan ko, pero hindi ko akalaing ganito mo ako tatratuhin. Handa akong harapin kung gusto mong magreklamo sa pagsampal ko sa ’yo. Pero gusto ko lang malaman mong hindi ko iyon pinagsisisihan.”

Hindi alam ni Lulu kung papaano siyang sasagot sa mga katagang binitiwan ni Marie bago nito lisanin ang kanilang gym. Malaking pagsisisi ang kaniyang nadama lalo na at matapos ang pangyayaring iyon ay nawalan na rin siya ng trabaho bilang parusa sa hindi magandang asal na kaniyang ipinakita.

Advertisement