
Palagi na Lamang Iniisip ng Artistang Ito ang Masasamang Komento ng Ibang Tao Tungkol sa Kaniya; Ito pa yata ang Magiging Dahilan ng Pagsuko Niya
Napabuntong-hininga na naman si Carmela matapos niyang ibaba ang kaniyang cellphone sa mesitang na nasa kaniyang harapan. Nasa loob siya ngayon ng kaniyang dressing room at kasalukuyang naghahanda para sa guesting niya mamaya sa isang sikat na talkshow upang i-promote ang panibagong teleseryeng muli niyang pagbibidahan.
“O, bakit ganiyan na naman ’yang hitsura mo?” tanong ng makeup artist niyang si Logan na ilang taon na ring nagtatrabaho sa kaniya, nang mapansing kasabay ng malalim niyang pagbuntong-hininga ay ang pagsimangot naman ng kaniyang mukha.
Humalukipkip naman si Carmela. Pinagkrus ang kaniyang mga bisig. “Paano, napakarami na agad hate comments ng ibang tao sa trailer pa lang ng bago kong teleserye. Alam ko naman na dapat kong tatagan ang puso ko dahil ganito talaga sa industriyang pinasok ko, pero minsan, hindi ko maiwasang masaktan sa mga sinasabi nila,” aniya pa sa kausap bilang tugon.
“Naku po, Carmela, bakit ba naman kasi iniintindi mo ’yang mga ganiyan? Mga wala lamang magawa sa buhay ’yan. Alam mo, ’yang mga nagko-comment sa ’yo ng hindi maganda, miserable ang mga buhay n’yan. Mga walang pinagkakaabalahan kaya maraming time na manghamak ng ibang tao,” muli ay sabi naman ng kaibigang beki, gamit ang ipit at matinis nitong tinig.
“Kahit na…” Malungkot na yumuko si Carmela. “Sobrang naaapektuhan na ako sa mga sinasabi nila tungkol sa akin. Minsan nga, parang ayoko nang ituloy ang pag-aartista dahil doon,” dagdag pa ni Carmela na nagpasinghap naman kay Logan.
“Diyos miyo, Carmela, huwag mong gagawin ’yan! Sayang naman ang mga pinaghirapan mo! Hindi lang naman haters ang mayroon ka, dahil mas marami pa rin namang nagmamahal sa ’yo. Napakarami mong fans, hindi ba? Hindi naman papalo sa napakataas na ratings ang mga dati mong teleserye kung hindi ka mahal ng madla! Hindi rin magiging blockbuster ang movies mo kung walang sumusuporta sa ’yo,” litanya pa ni Logan na sa wakas ay nakapagpaisip din kay Carmela, hanggang sa tawagin na ng isang staff ng talk show ang kaniyang pangalan at sinabing siya na ang susunod na sasalang sa interview.
Paglabas pa lamang ni Carmela sa backstage ay halos mabingi na siya sa lakas ng hiyawan at palakpakan ng mga tao. Nagulat siya dahil hindi niya ini-expect ’yon. Lalo na nang makita niya ang mga banner na mayroong pangalan niya at litrato, mga grupong nakasuot pa ng uniform na T-shirt na nagsasabing sila raw ay kaniyang solid supporters.
Nang sumalang na siya sa interview ay naging maayos naman ang daloy niyon. Hanggang sa bigla na lang iimporma ng isa sa mga staffs ng show ang host na trending daw sa iba’t ibang social media platforms ang episode nila ngayong gabi. Bukod doon ay pumalo rin sa highest rating ang kanilang palabas at lahat ng iyon ay dahil ang guest ngayong gabi ay si Carmela!
Pakiramdam ni Carmela ay gusto niyang maiyak. Bakit nga ba ngayon lamang niya napagtuunan ng pansin ang mga bagay na ’to? Masiyado na ba talaga siyang nag-focus sa mga negatibong komento ng ibang tao tungkol sa kaniya? Tuloy, ngayon ay napapaisip siya. Mukhang tama ang mga sinabi sa kaniya ni Logan kani-kanina lang. Dahil sa pagiging aligaga niya tungkol sa sinasabi ng mga taong may ayaw sa kaniya ay nakalimutan na niyang pakinggan din ang mga sinasabi ng mga taong nagmamahal naman sa kaniya, na hindi hamak na mas marami at mas importante naman kaysa sa nauna!
“O, kita mo na?” Matapos ang naturang talk show ay sinalubong siya ng nakangiting si Logan na noon ay nakataas pa ang isang kilay na para bang sinasabing tama siya.
“Oo na, tama ka na,” nakangiting sagot naman ni Carmela na nakahinga rin nang maluwag matapos ma-realize ang mga bagay na iyon kanina habang nakasalang siya sa interview.
“Alam mo, okay lang naman na magbasa ka ng mga kritisismo mula sa ibang tao paminsan-minsan. Kaya lang ang gawin mo, pulutin mo lang ’yong mga salitang sa tingin mo ay makakatulong sa ’yo para mag-improve ka bilang tao at bilang artista, pagkatapos ay itapon o kalimutan mo naman ang mga salitang walang pakinabang,” sabi pa ni Logan sabay akbay sa kaniya.
Lalong naliwanagan si Carmela sa sinabi nito. Hindi naman natin kayang i-please ang lahat ng tao sa mundo at hindi rin natin kailangang gawin ’yon lalo na at alam naman nating wala tayong ginagawang masama. Pagtuunan ng pansin ang mga bagay na mas makabubuti sa atin nang sa ganoon ay mamuhay tayo nang mas masaya at mas magaan.