
Palaging Ginagawang Kompitensya ng Ina ang Lahat ng Bagay Pagdating sa Kaniyang mga Anak; Makakatulong nga ba Talaga Ito sa Kanila?
“O, mga anak, kung sino ang siyang unang makakaubos ng gulay niya ay may surprise sa akin mamaya, ha?” nakangiting ani Aling Soledad sa dalawang anak na ngayon ay nakaupo sa harapan ng hapagkainan. Katatapos lamang niyang ihain sa mga ito ang iniluto niyang ginisang gulay na alam niya namang parehong hindi gusto ng dalawa kaya’t upang mapakain niya ang mga ito ng gulay ay kailangan niyang bigyan sila ng reward.
Nagkatinginan naman ang magkapatid na Jason, ang sampung taong gulang na panganay at si Mikael, walong taong gulang. Kapwa handa na ang mga ito sa isa na namang kompitensya na sa isip ng dalawa ay normal lamang dahil ganito na ang kinalakihan nila noon pa.
“Nauna ako!” hiyaw ng panaganay na si Jason sabay lahat ng kaniyang simot na simot na plato. Napangiti naman ang kanilang inang si Aling Soledad.
“Aba, magaling, a! Dahil diyan, ikaw lang ang may sorpresa,” aniya bago naglakad papalapit sa kanilang refrigerator at doon ay kinuha ang isang popsicle stick at ibinigay iyon kay Jason.
Samantala, ang tagpong iyon ang nagpangiwi naman kay Mikael. Lihim na ipinangako ng bunso sa kaniyang sarili na sa susunod nilang laban ng kaniyang kuya ay siya naman ang mananalo at makakukuha ng reward.
Halos lahat na lang ng bagay ay kanilang pinagkukumpitensyahan. Pagkain, pagligo, pag-uwi galing sa eskwela, pagmamahal ng mga magulang… at lahat ng iyon ay dahil iyon ang palaging ginagawa ni Aling Soledad upang mapasunod sila.
Hanggang sa nagbinata na ang dalawa. Hindi man nagkakalayo ang kanilang edad ay malayo naman ang loob ng magkapatid sa isa’t isa dahil tila nilamon na ng kanilang pakikipagpaligsahan sa isa’t isa ang kanilang samahan! Lumaki silang animo hindi magkadugo kundi mortal na magkakompitensya sa lahat ng bagay… at ngayon pa lamang tila nauunawaan ni Aling Soledad ang bagay na iyon.
Siya ang may kagagawan kung bakit naging ganito ang magkapatid. Parehong nagtapos nang may karangalan ang dalawang anak ni Aling Soledad at kalaunan ay mga nangagsipagtayo ng kani-kaniya nilang mga kompanya. Parehong tungkol sa paggawa ng iba’t ibang klase ng mga high technology gadgets ang mga iyon na sa mga sumunod pang taon ay pawang mga nanguna sa merkado!
Dahil doon ay tila lalo pang nalayo ang loob ng magkapatid. Itinuring nilang kalaban ang isa’t isa na maging ang publiko ay hindi rin alam na sila pala ay magkadugo!
Unti-unti nang tumatanda si Aling Soledad at gusto niyang bago sana siya mawala sa mundo ay magkaayos muna ang dalawa niyang mga anak. Hindi niya naman kasi akalaing ang simpleng pagtuturo niya noon sa mga ito na maglaban sa kahit na pinakamaliliit na bagay ay hahantong sa ganito. Sana pala ay hinubog niya silang magtulungan noon pa. Sana pala ay mas ipinaintindi niya na kahit na anong mangyari ay magkapatid pa rin sila.
Labis ang hinagpis ni Aling Soledad habang minamasdan ang palagiang paglalaban ng dalawa niyang mahal na mga anak kaya naman gumawa na siya ng paraan. Umalis siya nang hindi nagpapaalam sa kahit na sino sa mga ito.
Nagtago si Aling Soledad nang maigi kaya naman magkahiwalay siyang ipinahanap ng mga anak. Ganoon pa man ay hindi pa rin natagpuan ng dalawa ang kanilang ina, hanggang sa dalawang buwan na ang lumipas.
Napilitang mag-usap sina Jason at Mikael. Kung sino ang naunang lumapit ay wala na silang pakialam pa. Binalot na ng labis na pag-aalala ang dalawang lalaki sa kanilang ina na nakalimutan na nilang magkakompitensya sila.
“Alam mo, sa tingin ko kasalanan nating pareho ’to, e!” naguguluhang ani Jason sa kapatid na si Mikael na walang pagdadalawang isip namang sumang-ayon sa kaniyang sinabi.
“Tama ka, kuya. Masiyado tayong nabulag ng paligsahan natin na nakalimutan nating may isang tao pa palang nandyan upang maging patunay na kahit anong mangyari ay magkapatid pa rin tayo,” sagot pa nito.
Sa puntong iyon ay nagpasiya ang dalawa na magkasundo muna at magtulungan sa paghahanap sa kanilang ina. Muli ay naging madalas na ang pag-uusap ng dalawa. Nagkaroon na sila ng oras upang mas maging malapit… at sa wakas ay magkapatawaran sa mga nangyari noon pa.
Hindi nagtagal ay nahanap nina Jason at Mikael ang kanilang inang si Aling Soledad at ganoon na lang ang tuwa ng tatlo nang muling mabuo ang kanilang pamilya. Ipinangako nila sa isa’t isa na hindi na muling uulitin pa ang paligsahan sa pagitan ng dalawa, bagkus ay magtutulungan na sila at uumpisahan nila iyon sa pagsasanib-pwersa ng kanilang mga kompanya.

Ininsulto ng Chef na Ito ang mga Putaheng Iniluluto ng Kusinera sa Kalaban Nilang Kainan; Karma ang Aabutin Niya sa Kaniyang Kapangahasan
