Inday TrendingInday Trending
Ininsulto ng Chef na Ito ang mga Putaheng Iniluluto ng Kusinera sa Kalaban Nilang Kainan; Karma ang Aabutin Niya sa Kaniyang Kapangahasan

Ininsulto ng Chef na Ito ang mga Putaheng Iniluluto ng Kusinera sa Kalaban Nilang Kainan; Karma ang Aabutin Niya sa Kaniyang Kapangahasan

Napasilip ang head chef na si Chef Louie sa bintanang salamin ng restaurant na kaniyang pagmamay-ari. Paano ay ngayon kasi ang opening ng kalabang kainan na kung tutuusin ay isa lamang namang pipitsugin at walang binatbat kumpara sa kanila.

Ngunit naagaw ng napakahabang pila sa labas ng nasabing kainan ang atensyon ni Chef Louie. Ang mga nasabing tao ay pawang mga nakangiti at animo takam na takam na sa amoy pa lamang ng mga putaheng inihahanda ng kusinera sa naturang kainan. Puno ang loob ng kainang ’yon at mahaba pa ang pila sa labas, samantalang sa kaniyang restaurant naman ay mabibilang lamang sa mga daliri niya ang nagpupunta!

Agad na nakadama ng pagngingitngit sa kaniyang puso si Louie. Nag-iinit ang kaniyang ulo kaya naman nagtungo siya sa kaniyang office upang magbihis ng damit. Nagpasya siyang magpunta sa kalabang kainan upang tingnan kung ano ang espesyal doon at bakit dinudumog sila ng mga tao.

Nagtiis sa mahabang pagpila si Louie para lang makapasok siya sa naturang kainan. Dahil doon ay lalo pang nadagdagan ang kaniyang init ng ulo. Maya-maya pa, sa wakas ay nakapasok na siya sa naturang kainan. Agad siyang binati ng isa sa mga crew doon at itinuro nito kung saan may bakanteng upuan.

Napangiwi si Louie nang makita ang isang malaking karatula sa gilid ng counter. “Self service,” anang nakasulat doon. Sa likod ng kaniyang isip ay naipaikot niya ang kaniyang mga mata. Lihim na pinagtatawanan ang pagiging pipitsugin ng kainang ito.

“Sir, ano pong order nila?” tanong ng isang serbidora nang makitang nakatingin siya sa menu.

“Wala akong mapili. Panay pipitsugin ba talaga ang mga putaheng iniluluto n’yo rito?” mapang-insultong tanong naman niya. Walang kaabog-abog.

Hindi agad nakasagot ang serbidorang kausap niya. Tila nabigla ito. Nang sa wakas ay makabawi ay muli siya nitong nginitian. “Sir, baka po gusto n’yong subukan itong Pancit Palabok namin? Specialty po ito ng aming kusinera,” magalang na sabi pa nito sa kaniya na lalo pang nagpangisi kay Louie.

“Sige. Tutal ay mahaba na rin naman ang ipinaghintay ko, maanong subukan ko na rin talaga ang pagkain dito kahit mukhang pipitsugin at walang kwenta itong kainan n’yo. Siguraduhin mong magugustuhan ko ’yang putaheng ’yan kundi ay maglalathala ako ng hindi magandang review tungkol dito sa kainan n’yo,” sabi pa niya, na muli ay hindi pa rin pinansin ng serbidora.

Marami pang pang-iinsulto ang binanggit at sinabi ni Louie tungkol sa kainan at marami na rin ang nakarinig ng tungkol doon. Ganoon pa man ay nanatiling propesyonal ang mga tao sa naturang kainan. Maya-maya pa ay inihain na ng kaparehong serbidora ang kaniyang order.

Ganoon na lang ang gulat ni Louie nang malanghap ang amoy ng bagong lutong pancit palabok na isa sa mga paborito niyang pagkain. Paano ay kaamoy iyon ng palabok na siyang palaging inihahain sa kaniya noon ng kaniyang Nana Celia, ang dating katulong ng kanilang pamilya na siyang naging inspirasyon niya kung bakit ginusto niyang maging chef.

Nanginginig pa ang kamay ni Louie habang hawak ang tinidor. Kinain niya ang unang tikim sa naturang palabok at doon pa lang ay nalaglag na ang kaniyang luha. Tila bumalik sa kaniyang ala-ala ang magandang samahan nila noon ng kaniyang Nana Celia bago ito magretiro at magpasyang umuwi sa probinsya upang alagaan ang mga apo nito.

“P-pwede ko bang malaman ang pangalan ng kusinera n’yo?” kabadong tanong ni Louie sa serbidorang naghain sa kaniya ng pagkain.

“Ang kusinera po namin ang siya ring may-ari ng kainang ito… si Nana Celia,” sagot naman ng serbidora at doon ay nanghina si Louie.

Agad na nanginig ang kaniyang tuhod nang makumpirma ang kaniyang hinala. Nagsisi siya sa kaniyang mga sinabi patungkol sa kainang ito kani-kanina lang. Kulang na lang ay lamunin siya ng lupa. Napayuko si Louie, ngunit maya-maya pa ay isang tapik sa balikat ang muling nagpatunghay sa kaniya.

“Nana Celia…” Napanganga si Louie nang muling masilayan ang dating tagapangalaga. Tila naibsan ang lahat ng kaniyang pangungulila nang mga sandaling iyon. Agad na nagpakilala si Louie sa matanda at agad na humingi ng tawad dahil sa mga sinabi niya kanina.

Sa huli, nagpasya si Louie na isara na lamang ang sariling restaurant. Kinumbinsi niya si Nana Celia na tanggapin ang tulong niya upang mas mapalaki pa nila ang negosyo nito, ngunit pumayag lang ito sa kondisyong magiging magkasosyo silang dalawa, ’tulad ng mga pangarap nila noong bata pa siya.

Advertisement