Inday TrendingInday Trending
Inabandona Siya ng Kaniyang Ina sa Loob ng Mahabang Panahon; Palaisipan sa Kaniya ang Nangyari Rito

Inabandona Siya ng Kaniyang Ina sa Loob ng Mahabang Panahon; Palaisipan sa Kaniya ang Nangyari Rito

“‘Ma, uwi na tayo. Nagugutom na po ako eh,” yaya ng pitong taong gulang na si Emmanuel sa kaniyang ina.

Ngumiti naman ito at hinaplos ang kaniyang buhok.

“Anong gusto mong kainin, anak?” tanong nito.

Agad siyang napangiti. “Sopas po. Ipagluto niyo po ako ng sopas, iyon po ang paborito ko.”

Nakita niya kung paano namuo ang luha sa mata nito, ngunit dahil musmos pa lamang siya ay hindi niya iyon pinansin.

“Naku! Hindi pa tayo pwedeng umuwi ngayon, eh. Sa susunod, lulutuan ka ni Mama. Sa ngayon, heto munang hamburger ang kainin mo,” sabi nito bago siya inabutan ng pagkain.

Walang reklamo naman siyang sumunod dito. Matapos kumain ay nakaramdam siya ng antok dahil sa kapaguran. Maaga pa kasi nang ginising siya ng kaniyang ina. Nagmamadali ito. Sabi ng Mama niya ay may pupuntahan daw sila.

“Tulog ka lang diyan, anak,” narinig niyang bulong ng kaniyang ina bago siya tuluyang hinila ng antok.

Nagising siya sa marahang tapik sa kaniyang balikat. Nakarating na raw sila sa pupuntahan nila.

Dumating sila sa isang lugar kung saan maraming bata na kaedaran niya. Masayang-masaya siya dahil marami siyang nakalaro at naging kaibigan doon. Mababait din ang mga madre na nangangasiwa sa lugar na iyon.

Subalit nang gumabi na ay nagtaka siya sa sinabi ng Mama niya.

“Aalis muna ako, at maiiwan ka rito. ‘Wag kang mag-alala, mababait sila rito. Magpakabait ka, ha?” bilin nito bago siya hinagkan at niyakap nang napakahigpit.

“‘Ma, saan ka pupunta? Sama mo na lang ako,” pakiusap niya. Kahit kasi mababait ang mga tao roon ay hindi pa rin siya sanay na wala ang Mama niya.

“Hindi, dito ka lang. ‘Wag kang mag-alala, anak. Babalik ako,” pangako niya.

Walang lingon-likod itong naglakad palayo, tila hindi alintana ay pagpalahaw niya ng iyak.

Kay tagal niyang naghintay dito ngunit hindi ito muling bumalik. Doon napagtanto ni Emmanuel na tuluyan na siyang iniwan ng kaniyang ina sa ampunan.

Gayunpaman ay pinilit niya pa ring maniwala na babalik ito isang araw, na kailangan lang niya maging matiyaga sa paghihintay. Kaya kahit na maraming gustong umampon sa kaniya ay hindi siya pumayag. Iniisip na babalikan siya ng kaniyang ina sa parehong lugar kung saan siya nito iniwan.

“Maganda ang plano nila. Sa Amerika sila nakatira, nandoon ang kanilang negosyo. Sa pagkakaalam ko maganda ang buhay nila. At higit sa lahat, mabait ang mag-asawa na aampon sa’yo. Pumayag ka na, Emman. Ikaw kasi ang gustong-gusto nilang ampunin. Sayang naman,” pangungumbinsi sa kaniya ni Sister Annie.

Matigas siyang umiling. “Hindi po pwede, Sister. Alam mo naman po ang rason ko kung bakit nandito pa rin ako hindi po ba?”

Bumuntong-hininga ito. “Alam ko, pero ang tagal mo nang naghintay sa Mama mo. Hindi kaya oras na para tanggapin mo na na hindi na babalik ang mama mo? Isa pa, kung babalik man ang Mama mo rito habang wala ka ay ipapaalam ko sa’yo,” pangako nito.

Nang mga sumunod na araw ay halos araw-araw ang pagbisita ng mag-asawang nais umampon sa kaniya.

Tuluyan na nga siyang nakumbinsi lalo pa’t napakabait ng mga taong gusto umampon sa kaniya.

Ikinuwento ng mga ito kung bakit siya ang napili ng mga ito. Nawala raw kasi ang tunay na anak ng mga ito na si Ivan.

“‘Wag kang mag-alala, hindi ka kapalit ni Ivan. Mula ngayon, anak ka na rin namin. Ibibigay namin lahat ng pangangailangan mo at mamahalin ka namin na parang galing ka sa amin,” pangako pa ng mag-asawa.

Hindi naman siya nagsisi sa pagsama sa mag-asawa. Naging napakarangya ng kaniyang buhay sa piling ng mga ito.

Pinayagan siyang mag-aral ng abogasya gaya ng pangarap niya. Ngunit gaano man karangya ang buhay niya, at gaano man siya kamahal ng mag-asawa, pakiramdam niya pa rin ay may kulang.

Hinahanap niya pa rin ang inang inabandona siya noon. May isang sulok sa kaniyang isip na nagsasabing hindi niya ito kailangan at dapat lang na kalimutan niya na ito gaya ng paglimot nito sa kaniya, ngunit may mas malaking parte ang humihingi ng kasagutan. Nais niyang umuwi sa Pilipinas para hanapin ito.

Iyon nga lang ay nahihiya siyang sabihin sa kaniyang mga magulang.

“Ano ka ba naman? Hindi naman namin mapapalitan ang tunay mong ina kahit na kailan. ‘Wag kang mag-alala, naiintindihan namin,” buong pang-unawang sagot ng kaniyang Mommy Elsa, ang nakagisnan niyang ina, nang magpaalam siya rito.

Agad siyang umuwi sa Pilipinas. Ilang buwan din ang lumipas bago sa wakas ay may nahanap siyang kapangalan ng kaniyang ina.

Isang address ang ibinigay ng imbesigador sa kaniya. Ngunit nabigla siya nang ang address na natunton niya ay isang malaking kulungan. At doon ay nakita niya si Eloisa Perez.

Hindi siya maaaring magkamali. Ito ang kaniyang tunay na ina. Tumanda ang mukha nito nang ilang taon, ngunit kahit na kailan ay hinding-hindi niya ito makakalimutan. Ngunit tila hindi siya namukhaan nito.

Grabe ang kabog ng dibdib ni Emman. Ni sa panaginip ay hindi niya naisip na sa ganitong pagkakataon niya muling makikita ang inang matagal niya nang hinahanap.

Sa pag-uusisa niya ay nalaman niya ang kaso nito. Pinagtangkaan daw ito ng amo nito. Nang subukan nitong ipagtanggol ang sarili ay aksidente nitong naitulak sa hagdan ang lalaki na ikinasawi nito.

“Pinagtatanggol niya lang ang kaniyang sarili kung ganoon,” kunot noong katwiran niya.

“Alam ko, pero makapangyarihan ang pamilya nung lalaki kaya noong sinabi nilang sinadya ni Eloisa ay wala kaming nagawa. Napakatagal ko nang nilalaban ang kasong ito pero walang nangyayari. Isa pa, ayaw na rin niya ituloy dahil wala na rin naman ang anak niya kahit makalabas siya,” paliwanag ng abogado nito.

Natahimik siya habang pinoproseso ang mga narinig.

“Ilang taon na ho siyang nakakulong?”

Sandali itong nag-isip. ”Lagpas dalawang dekada na rin,” anito.

Napaisip si Emman. Simula iyon noong dinala siya nito sa ampunan.

Natigagal siya. Naalala niya kung paano ito tila madaling-madali. Marahil ay sumuko na ito sa pulis matapos nitong masiguro na magiging maayos na ang lagay niya.

Doon na tumulo ang luha niya. Dinala siya ng ina sa ampunan para hindi siya mapariwa. Hindi na siya nabalikan nito dahil nakulong ito sa salang hindi nito ginawa.

“Kawawa naman ang Mama ko,” umiiyak na napaluhod siya sa awa sa kaniyang ina. Napakalungkot siguro ng naging buhay nito.

“Anong problema?” nag-aalalang usisa ng abogado nang makita nito ang pagsabog ng emosyon niya.

Ipinagtapat niya rito ang lahat at kinumpirma na ito ang kaniyang ina. Noon niya nabuo ang isang kongkretong plano.

“Kung ganoon, kukuhanin ko ho ang kasong ito, at ako mismo ang magpapatunay na walang kasalanan si Mama,” determinadong wika niya.

Ginamit niya ang lahat ng kaniyang impluwensya para masiguro na magtatagumpay siyang ilabas ito. Ilang buwan pagkatapos ay idineklara ang kanilang pagkapanalo.

Sa wakas, makakalaya na ang Mama niya.

“Maraming salamat, Attorney Ferrer,” anito sa kaniya kasabay ng isang malungkot na ngiti.

Nangilid ang kaniyang luha at hinawakan ang mga kamay nito. Panahon na para malaman nito ang totoo.

“Mama, ako po ito, si Emman,” pabulong na anas niya sa inang nawalay sa kaniya nang mahabang panahon.

Agad na tumulo ang luha nito. Siya naman ay tila isang paslit na umiyak sa bisig ng kaniyang ina.

“Anak. Emmanuel. Patawarin mo ako, anak,” bulalas nito sa pagitan ng hagulhol.

“Wala kang kasalanan, Mama. Pasensiya ka na at nahuli ako ng dating,” aniya sa ina.

Tila bulang naglaho ang mabigat na pasanin ni Emman. Sa wakas, nakauwi na talaga siya sa kaniyang tahanan.

Advertisement