
Pinagtaguan Niya ng Pagkain ang Kapatid na Nangangailangan; Sa Dulo ay Wala ring Nakinabang sa mga Iyon
Kasalukuyang naghahapunan ang mag-iina nang makarinig sila ng sunod-sunod na katok. Iritableng tumayo si Lorin para tingnan kung sino ang nasa pintuan.
“O, ‘Nay, ano hong sa atin?” kunot-noong tanong niya nang mapagbuksan niya ang kaniyang ina.
“Lorin, baka naman may bigas at ulam kayo riyan, bahaginan mo naman ang kapatid mo. Alam mo naman, walang trabaho ang bayaw mo,” bungad na pakiusap ng kaniyang Nanay.
Hayagan niyang ipinakita ang disgusto.
“Ano ba naman ‘yan, ‘Nay! Lagi na lang silang ganyan. Bakit ba kasi napakatamad ng asawa ni Ella!” naasar na kastigo niya sa asawa ng kapatid.
Napayuko naman ang kaniyang ina sa sinabi niya. Ngunit hindi ito nagkomento.
“Pagbigyan mo na, anak. Kung kaya ko lang eh ako na rin ang tutulong sa kapatid mo. Kaso alam mo naman na walang-wala rin kami ng Tatay mo,” katwiran ng Nanay niya.
Mas lalo lang siyang nainis sa sinabi nito. Kaya palaasa ang kapatid niya, eh! Alam nito na may makukuha ito sa kaniya.
Padabog na tinungo niya ang bigasan para kumuha ng ilang takal ng bigas. Sinamahan niya na rin iyon ng ilang pirasong isda na pwede na ring ipang-ulam.
“Ayan na ho, ‘Nay. Sabihin niyo kay Arturo, magbanat siya ng buto! Hindi ‘yang palagian siyang nakaasa sa amin!” nakairap na bilin niya sa ina nang iabot niya rito ang pagkain.
“Salamat, anak,” anito bago nagmamadaling umuwi.
Nang bumalik siya sa hapag-kainan ay nawalan na siya ng ganang kumain. Naiinis pa rin siya sa kapatid niya.
Mula pa noong mga bata pa sila ay parati na lang itong sakit sa ulo. Ito ang inuunawa at iniintindi. Ito ang kinakampihan.
Hanggang ngayon ba naman ay ganoon pa rin? Bakit pa ito nagpamilya kung hindi naman pala nito kayang akuin ang responsibilidad?
Sa murang edad ay nabuntis si Ella. Dahil menor de edad din ang nakabuntis dito ay wala silang nagawa kundi patuluyin ang asawa nito sa noon ay maliit nilang barong-barong.
Kasabay ng pagbubuntis ng kapatid niya ay ang pagkawasak ng mga pangarap niya. Bilang nakatatandang kapatid kasi ay wala siyang ibang nagawa kundi ang tumulong sa bagong miyembro ng pamilya nila.
Kinalimutan niya ang pangarap niya na makapagtapos ng pag-aaral dahil kinailangan niyang magtrabaho.
Kaya heto siya ngayon, namumuhay bilang isang simpleng maybahay.
“Tapusin niyo na ang pagkain nang makalinis na tayo, mga anak,” marahan niyang paalala sa mga anak.
Wala siyang ibang magawa kundi ang hilingin na sana ay magbago na ang kapatid niya para naman hindi na ito patuloy na umasa sa kaniya.
Kinabukasan, habang kumakain sila ng tanghalian ay narinig niya na naman na may kumaakatok sa pintuan nila.
Nahulaan niya na ang Nanay niya iyon kaya mabilis pa sa alas kwatro na tumayo siya at pinagtatago ang mga pagkain sa loob ng aparador.
Nang buksan niya ang pinto ay agad na kumulo ang dugo niya nang mabungaran ang bisita.
“Ate…” tila nahihiyang bungad ni Ella.
“Ano na namang kailangan mo?” taas-kilay na tanong niya sa kapatid.
“Ate, baka naman pwedeng makahingi ng kaunting pang-ulam diyan. ‘Wag kang mag-alala, ibabalik ko rin. May nahanap na kasing trabaho si Arturo,” pangako nito.
Napairap siya. “Wala, wala na kaming natitirang pagkain dito,” aniya. Ipinakita niya pa ang lagayan nila ng pagkain para maniwala ito.
Bumagsak naman ang balikat nito.
“Pwede bang pautang na lang, Ate?” nag-aalangang pakiusap nito.
“Wala talaga, Ella. Kahit taktakin mo pa ako ay wala kang makukuha ni piso,” mataray na sagot niya.
Totoo naman iyon. Wala na talaga siyang pera. Ipinambili niya lahat ng pagkain nila. Pauwi na rin naman ang asawa niya bukas.
Nang mapagtanto ni Ella na wala itong mapapala sa kanya ay lulugo-lugo itong naglakad palayo.
Wala siyang nadamang awa sa kapatid. Panahon na para tumigil ito sa pag-asa sa kaniya.
Maghapon siya naging abala sa mga gawaing bahay, kaya naman tuluyan nang nawala sa isip niya ang mga pagkain mga pagkaing itinabi niya sa aparador.
Kalat na ang dilim nang mapagdesisyunan niyang magluto ng hapunan.
Subalit nang buksan niya ang aparador ay nabigla siya sa nakita – pinagkakain ng mga daga ang mga pagkaing itinago niya!
“Bwisit na mga daga!” iritableng bulalas niya habang iniisa-isa ang mga nasirang pagkain.
Dismayado siyang napailing nang mapagtanto niyang wala nang mapapakinabangan sa mga iyon.
“Ano ba naman ‘to? Anong ipapakain ko sa mga bata?” problemadong anas niya.
Napapitlag siya nang marinig ang sunod-sunod na katok. Napasimangot siya. Ang kulit talaga ni Ella!
Padabog niyang binuksan ang pinto.
“Ella, ano ba naman? Hindi ba’t sinabi ko na–”
Naputol ang sasabihin niya nang makita ang kapatid. May tangan-tangan itong supot na may ulam at kanin. Iniabot nito iyon sa kaniya.
“Ate. Sumweldo si Arturo. Dinalhan kita ng pagkain kasi sabi mo kanina wala na kayong pagkain,” nakangiting bungad nito.
Nang hindi siya makaimik ay muli itong nagsalita.
“Ate, pasensya ka na ha. Sa’yo ako laging naasa. Hiyang-hiya na ako sa’yo. Hayaan mo, ‘pag nakaluwag-luwag kami, ibabalik ko lahat ng tulong na ibinigay mo sa amin,” dagdag pa nito.
Tulala pa rin si Lorin. Hiyang-hiya siya sa naging asta niya sa nakababatang kapatid.
Isang tipid at nahihiyang ngiti ang sumilay sa kaniyang mga labi.
“A-ano ka b-ba naman Ella, para saan pa na m-magkapatid tayo?” aniya. “Salamat dito ha, sakto wala rin kaming pagkain,” sinserong pasasalamat niya sa kausap.
“Oo naman, Ate. Wala namang ibang tunay na magkakampi kundi tayo lang na pamilya,” sagot pa nito.
Nang makaalis ang kapatid niya ay halo-halo ang emosyon ni Lorin. Ngunit ang nakahihigit sa lahat ay pagkapahiya at pagsisisi.
Labis siyang nadismaya dahil akala niya ay tuluyan nang umasa sa kaniya ang kapatid niya. Walang-wala lang pala talaga ito.
Napailing siya habang itinatapon ang mga nasayang na pagkain. Dahil sa pagdadamot niya ay wala tuloy nakinabang sa mga iyon. Sana pala ay ibinigay niya na lang iyon sa kapatid niya.
Ipinangako niya sa sarili niya na tutulong siya sa kaniyang kapatid sa abot ng kaniyang makakaya. Iyon din naman ang gagawin nito kung siya ang malagay sa alanganin.