Inday TrendingInday Trending
Malayo ang Loob Niya sa Nakababatang Kapatid; Isang Masakit na Katotohanan ang Magpapababago Rito

Malayo ang Loob Niya sa Nakababatang Kapatid; Isang Masakit na Katotohanan ang Magpapababago Rito

“Andie, tumigil ka na sa pag-iinarte mo, ha! Papaluin kita!” nanlalaki ang matang pananakot ni Wella sa nakababata niyang kapatid.

“Ate, gusto kong lumabas! Maglalaro ako,” muli ay pagpupumilit nito.

“Hindi! Subukan mo talaga at yari ka sa’kin!” banta niya sa kapatid bago siya muling bumalik sa pagbabasa.

Wala itong ibang magawa kundi ang magmukmok habang umiiyak sa isang sulok.

Pitong taon si Andie, habang siya naman ay labing pitong taong gulang.

Kailanman ay hindi siya naging malapit sa kapatid. Pakiramdam niya kasi ay isa itong kontrabida na inagaw ang korona niya bilang isang prinsesa. Hindi niya gusto na kahati ito sa atensyon at pagmamahal ng Mama at Papa nila.

Naiwan silang magkapatid sa bahay nang araw na iyon dahil may aasikasuhin daw ang mga magulang nila. Mahigpit ang bilin ng mga ito na manatili lang sila sa bahay.

Ilang minuto na siyang nagbabasa nang makaramdam siya ng pagkauhaw kaya tumungo siya sa kusina para uminom.

Subalit nang makabalik siya sa sala ay wala na si Andie!

“Andie! Nasaan ka?” galit na sigaw niya sa kapatid.

Hinalughog niya ang buong bahay sa pag-aakala na nagtago ito ngunit ilang minuto na siyang naghahanap ay wala pa rin ito.

Napagtanto niya na tumakas ito nang makita niya ang nakabukas ang gate.

“Humanda sa’kin ‘tong batang ‘to!” nanggigigil na bulalas niya bago lumabas ng bahay upang hanapin ito.

Sinuyod niya ng tingin ang mga batang naglalaro sa kalsada. Ngunit wala ito roon.

“Saan naman kaya nagpunta ang batang ‘yun?” inis na bulong niya.

Tinungo niya rin ang palaruan na malapit sa bahay nila, at doon nakita si Andie na nakikipaglaro sa ibang bata.

“Andie!” dumadagundong na sigaw niya sa kapatid.

Kitang-kita niya ang takot sa mukha nito nang halos kaladkarin niya ito pauwi.

Nang makauwi sila ay isang malakas na palo ang pinadapo niya sa pwet ng bata.

“Hindi ba’t sinabi ko sa’yo na hindi ka pwedeng lumabas? Bakit ba ang tigas ng ulo mo?” kastigo niya sa bata.

Agad itong pumalahaw ng iyak, kaya naman ilang sunod-sunod na palo pa ang ibinigay niya rito.

“Aray, Ate! Tama na!”

Isa pa sanang palo ang papadapuin niya sa bata nang isang malakas na sigaw ang nagpahinto sa kamay niya.

“Wella, anong ginagawa mo?”

Nang lingunin niya ang pinto ay nakita niya ang galit na ekspresyon sa mukha ng Papa at Mama niya.

Mabilis na lumapit ang dalawa at hinila ang umiiyak na si Andie palayo sa kaniya.

“Bakit mo pinapalo ang kapatid mo?” marahan ngunit matigas na usisa ng kaniyang ina.

“Kasi sinabihan ko siya na dito lang kami sa loob ng bahay! Pero tinakasan niya ako, ‘Ma!” nanlalaki ang matang paliwanag niya sa mga magulang.

Napailing ito. Halata pa rin ang pagkadismaya.

“Mali ang ginawa mo, Wella. Pinalaki kayong magkapatid na hindi sinasaktan. Hindi mo dapat saktan ang kapatid mo, dapat protektahan mo siya,” malumanay na paliwanag naman ng kaniya Papa.

Tila maiiyak siya dahil sa labis na sama ng loob. Hindi man lang pinakinggan ng mga ito ang paliwanag niya!

“Ganyan naman po kayo lagi! Si Andie lang ang laging magaling! Ako na lang ang laging mali. Siguro, mas mahal niyo siya!” hindi niya na napigilang bulalas habang umiiyak.

Bumakas ang gulat sa mukha ng kaniyang mga magulang. Halatang hindi inaasahan ng dalawa ang narinig mula sa kaniya.

“Anak, ano ba ‘yang sinasabi mo? H-hindi totoo ‘yan, pantay ang–”

Bago pa matapos ng Mama niya ang sinasabi nito ay umiiyak na siyang nagtatakbo papasok sa kaniyang silid.Kahit anong pagtawag ng Papa niya ay hindi niya iyon pinansin. Masama ang loob niya sa mga ito.

Nang gumabi na ay narinig niya ang pagkatok ng kaniyang ina.

“Anak, kumain ka na ng hapunan. Baka malipasan ka ng gutom,” marahang paalala ng kaniyang ina. Bakas sa tinig nito ang pag-aalala.

Nang hindi siya sumagot ay narinig niya ang pagbuntong hininga nito bago ito naglakad papalayo.

Ilang oras na siyang nagmumuni-muni. Pilit niyang inignora ang kumakalam na sikmura. Subalit gutom na talaga siya, dahil umaga pa noong huli siyang kumain.

Nang sulyapan niya ang maliit na orasan ay nakita niya na alas dose na pala ng hatinggabi.

“Tulog na sina Mama at Papa,” sa isip-isip niya nang patingkayad siyang nagtungo sa kusina.

Nagtaka siya nang makita ang bukas na ilaw sa nakaawang na pinto kwarto ng kaniyang mga magulang. Kadalasan kasi ay maaga natutulog ang dalawa.

Unti-unting lumilinaw sa kaniya ang pinag-uusapan ng dalawa habang papalapit siya.

Narinig niya ang paghikbi ng kaniyang ina.

“Sa tingin mo, alam ni Wella na inampon lang natin siya?” tanong ng Mama niya.

“Hindi. Hindi, paano niya malalaman?”

“Kawawa naman ang anak natin. Nangako ako sa kaniya noon na mamahalin ko siyang parang tunay na anak, pero bakit pakiramdam niya mas mahal natin si Andie? Pantay ang pagmamahal ko sa kanila,” umiiyak na pahayag ng kaniyang ina.

“Alam ko. ‘Wag kang mag-alala, kakausapin natin siya bukas. ‘Wag ka nang umiyak,” sabi naman ng Papa niya.

Natutop ni Wella ang bibig niya sa labis na gulat. Hindi niya inaasahan ang sikretong aksidenteng nabunyag nang gabing iyon.

Tulala siyang bumalik sa kaniyang kwarto.

Tahimik na lumuha si Andie sa silid niya. Ni sa hinagap kasi ay hindi pumasok sa isip niya na hindi siya tunay na anak. Kahit minsan kasi ay hindi naman siya pinabayaan ng kaniyang Mama at Papa. Kahit minsan ay hindi niya naramdaman na hindi siya mahal ng mga ito.

Kinaumagahan ay wala siyang imik habang kumakain.

“Kumain ka nang marami, anak. Hindi ka kumain kagabi, hindi ba?” nakangiting wika ng Mama niya habang dinadagdagan ang pagkain sa plato niya.

Napalingon siya kay Andie nang magsalita ito.

“Sorry, Ate,” anito bago nilagyan ng isang hotdog ang plato niya. Alam kasi nito na paborito niya iyon.

Tipid na ngiti ang isinukli niya sa kapatid bago marahang pinisil ang pisngi nito.

“Sorry rin, Andie,” sagot niya sa kapatid.

Nang matapos silang kumain, gaya ng inaasahan niya ay kinausap siya ng kaniyang ama at ina.

Ganoon kasi ang pamilya nila. Kapag may hindi pagkakaunawaan ay pinag-uusapan.

“Anak, pasensiya ka na at napagalitan ka namin. Ayaw lang namin na sinasaktan mo si Andie, gaya ng ayaw namin na nasasaktan ka. Kaya nga kahit ni minsan, hindi ka namin napalo ng Mama mo, hindi ba? Kasi mahal ka namin,” paliwanag ng Papa niya.

Hindi na niya napigilan ang pagtulo ng luha niya.

“Alam ko po. Sorry po, mali ang ginawa ko kay Andie,” sinserong paghingi niya ng tawad sa mga magulang.

“‘Wag kang umiyak, anak, Hindi naman kami galit ng Papa mo,” wika ng Mama niya bago siya niyakap.

“Alam ko po. Alam ko rin na hindi niyo ako tunay na anak. Narinig ko kagabi,” pag-amin niya.

Walang nakapagsalita sa dalawa. Bakas sa mukha ng mga ito ang takot at gulat.

“Maraming salamat po sa pagmamahal niyo sa akin. Hindi ko po dapat sinaktan si Andie, na tunay niyong anak,” umiiyak na bulalas niya.

“Anak, ‘wag mong sabihin ‘yan. Pareho namin kayong totoong anak. Hindi ka man sa akin nanggaling, kami ang nagpalaki sa’yo, kaya mahal na mahal ka namin,” tugon ng kaniyang ina.

“Ibinigay ka sa amin ng Diyos. Kami ang nakatadhana na maging magulang mo. Kaya ‘wag mong iisipin na mas mahal namin si Andie kaysa sa’yo,” sabi naman ng kaniyang Papa habang marahang hinahaplos ang buhok niya.

Dahil sa pangyayaring iyon ay maraming napagtanto si Wella. Una, napakaswerte niya. At ikalawa, nagkulang siya sa kaniyang kapatid. Kung minahal siya ng mga ito na parang tunay na anak, dapat niya ring mahalin at pahalagahan ang kapatid niya.

Kaya naman simula noon ay natutunan niya nang mahalin ang kaniyang kapatid. Dahil tinuruan siya ng kaniyang mga nakagisnang magulang ng tunay na pagmamahal.

Advertisement