Inday TrendingInday Trending
Nainis Siya sa Kaibigang Mumurahin ang Regalo sa Kasal Niya; Sa Huli ay Siya ang Napahiya

Nainis Siya sa Kaibigang Mumurahin ang Regalo sa Kasal Niya; Sa Huli ay Siya ang Napahiya

Magarbo ang ayos ng paligid. Masaya ang okasyon. Maraming bisita ang dumalo sa reception ng kasal ng bagong mag-asawang James at Joanne.

Kabi-kabila ang bumabati sa mag-asawa.

“Congratulations, Mr. and Mrs. Martinez!”

Ngiting-ngiti naman ang mag-asawa habang sinasalubong ang mga bisita. Masayang-masaya sila. Sa wakas ay natuloy na ang magarbong kasal na matagal nilang pinag-ipunan.

Mas lalong lumapad ang ngiti ni Joanne nang makita ang pagdating ng malapit niyang kaibigan na si Macy.

Subalit mabilis na nawala ang ngiti sa labi niya nang makita ang halaman na bitbit ng nobyo nito. Nakatanim iyon sa isang magandang paso na pinaikutan ng puting ribbon.

“Congrats, Joanne at James! Ang ganda-ganda ng wedding niyo,” nakangiting papuri nito bago ipinatong sa lamesa ang regalo nitong halaman.

“Salamat sa pagdalo! At sa regalo!” aniya bago ito binato ng isang pilit na ngiti.

Nang makalayo ito kasama ang nobyo ay halos magpapadyak siya sa inis.

“O, anong problema?” usisa ng asawa niya.

“Nakakainis si Macy! Ang ganda-ganda ng takbo ng negosyo niya, tapos ano’ng regalo niya sa atin? Halaman?” nandidilat na bulalas niya.

Marahang natawa ito.

“Ano ka ba naman, hindi naman mahalaga ‘yang mga regalo na ‘yan. Ang mahalaga, kahit busy sila, nakapunta sila para mag-celebrate ng kasal natin,” paliwanag nito.

Agad na napalis ang inis ni Joanne sa sinabi ng asawa. Hindi niya maiwasang humanga sa pagiging lohikal at kalmado nito.

I-enjoy na lang natin ang gabing ito, ok?” nakangiting sabi pa nito.

Naging napakasaya ng gabi na iyon para sa mag-asawa. Kinabukasan, sabik na nagbukas ng sandamakmak na regalo si Joanne.

Hindi naman siya nabigo. Karamihan sa mga nakuha niyang regalo sa mga malalapit niyang kaibigan ay magaganda at mamahalin. Iba’t ibang gamit sa bahay at alahas, mga regalong gustong-gusto niya.

Muling umasim ang mukha niya nang makita ang halaman na regalo ng kaibigang si Macy. Napakasimple lang noon. Ni hindi man lang ito nag-abala na bumili ng mamahaling halaman!

Inis na inilapag niya sa isang sulok ang halaman. Ayaw niya naman itapon ‘yun dahil alam niyang magagalit ang asawa niya.

Isang buwan matapos ang kasal niya ay nakipagkita siya sa mga kaibigan. Nagtatanong kasi ang mga ito kung kumusta raw ang honeymoon nilang mag-asawa.

“Girls! Salamat sa mga regalo niyo, ha! Ang laki ng natipid namin ni James, kasi karamihan sa mga bibilhin namin, niregalo niyo na!” ngiting-ngiting bungad niya sa mga kaibigan.

Mas lalo siyang nainis nang hindi niya makita si Macy. Gusto niya pa naman itong komprontahin dahil sa mumurahing regalo nito sa kaniya.

“Nasaan si Macy?” usisa niya sa mga kaibigan.

“Wala, hindi makakapunta kasi pumunta silang mag-boyfriend sa ibang bansa,” paliwanag ni Mara.

Sa sinabi nito ay napairap siya, bago napagdesisyunang magkwento sa mga kaibigan.

“Alam niyo ba, inis na inis ako kay Macy?”

Halos sabay-sabay na nag-komento ang mga ito.

“Bakit? Anong ginawa ni Macy?”“Alam niyo ba kung anong regalo niya sa’kin? Halaman!” imbyernang pagkukwento niya.

Maging ang mga kaibigan niya ay tila nagulat.

“Ha? Halaman? Bakit naman halaman?” takang tanong ni Carmela.

“Hindi ko rin alam. Hindi naman pwede na dahil wala siyang pera, ‘di ba? Ayan nga, nasa ibang bansa sila! Saka kilala naman natin si Macy ‘di ba? Mapera ‘yun, kaya sumama ang loob ko na hindi man lang siya nakapaghanda ng regalo para sa’ming mag-asawa. Nakakainis lang, kasi ako pa naman ang unang-unang nag-asawa sa’ting magbabarkada, tapos ganun,” mahabang litanya niya.

Nang makauwi siya ay ramdam na ramdam niya pa rin ang inis. Mabuti na lamang at dumalaw ang Nanay niya para ipagluto silang mag-asawa.

Kasalukuyan itong nasa kusina nang dumako ang tingin nito sa halamang ibinigay ni Macy. Natigilan ito bago nilapitan ang halaman.

“Anak, saan mo nakuha ang halaman na ito?” takang tanong nito.

“Regalo ‘yan ni Macy sa kasal, ‘Nay. Alam mo ba kung anong halaman ‘yan?” balik tanong niya sa ina. Mahilig kasi ito sa paghahalaman.

Sunod-sunod na tango ang naging sagot ng Nanay niya habang nakatitig pa rin sa halaman.

“Ang bait-bait naman ni Macy, anak. Napakaganda ng regalo niya sa inyong mag-asawa,” maya-maya ay nangingiting komento nito.

Kunot-noo niya itong nilingon. Nagbibiro ba ito?

“Eh ‘Nay, simpleng halaman lang ‘yan! Si Mara nga mamahaling washing machine ang regalo sa amin,” nakairap na sagot niya.

“Ano ka ba! Alam mo na sa ibang bansa lang nabibili ang halaman na ‘yan? Swerte kasi ‘yan. Ang sinumang regaluhan ng ganyan ay magiging maswerte ang buhay may-asawa! Kaya nga napakamahal ng halaman na ‘yan eh. Siguro nahirapan si Macy na hanapin ‘yan,” katwiran nito.

Siya naman ang nagulat sa sinabi ng ina.

“Sigurado ka ba riyan, ‘Nay?” hindi kumbinsidong usisa niya rito.

“Oo naman, anak. Sa buong buhay ko, dalawang beses pa lang ako nakakakita ng ganitong halaman. Pasalamatan mo si Macy,” paalala pa nito.

“Isa pa, anak. Kung normal na halaman man ‘yang regalo ng kaibigan mo, pasalamatan mo pa rin. Ang mahalaga ang nakaalala,” dagdag sermon nito.

Hindi pa rin makapaniwala si Joanne. Naalala niya kung paano niya ito hinusgahan sa harap ng mga kaibigan nila.

Agad-agad niya itong tinawagan.

“Joanne, kumusta ang honeymoon?” masiglang bungad nito sa telepono.

“Maayos naman.”

Agad niyang sinabi rito ang dahilan ng pagtawag niya. Ikinuwento niya rito kung paano siya nadismaya sa regalo nito, at kung paano niya nalaman ang tungkol sa swerteng halaman.

Tawa lamang ang isinagot ito.

“Hayaan mo na. Gusto ko lang na maging masaya ang buhay may-asawa mo. Alam mo naman na isa ka sa mga kaibigan na pinakamalapit sa puso ko, hindi ba?” malambing na tugon nito.

Hiyang-hiya si Joanne sa inasta niya sa kaibigan. Isang malaking aral ang natutunan niya.

Tama ang Nanay niya. Hindi naman talaga nakabase sa mahal ng regalo ang sinseridad ng isang tao. Ang mahalaga ay ang tunay na kagustuhan ng kaibigan ni Macy na mapabuti siya sa bagong kabanata ng kaniyang buhay.

Totoo man o hindi ang swerte ng halaman, alam na ni Joanne na mapalad siya sa pagkakaroon ng kaibigan na gaya ni Macy!

Advertisement