Inday TrendingInday Trending
Hiniwalayan Niya ang Kuripot na Nobyo Noon; Makalipas ang Ilang Taon ay Muling Nag-krus ang Landas Nila

Hiniwalayan Niya ang Kuripot na Nobyo Noon; Makalipas ang Ilang Taon ay Muling Nag-krus ang Landas Nila

Hayagang sinimangutan ni Allie ang nobyo na si Dan nang dalhin siya nito sa isang mumurahing kainan.

“Ano? Anniversary natin, tapos dito mo ako papakainin sa mumurahing lugar na ‘to?” mariing bulong niya sa lalaki.

Namula naman ang mukha nito. Tila napahiya.

“Hon, pasensya na. Alam mo naman na nagtitipid ako para sa kinabukasan natin, hindi ba?” katwiran nito.“Saka ‘wag kang mag-alala. Kahit mura rito, masarap ang pagkain,” nakangiting pangungumbinsi nito sa kaniya.

Napairap siya. Kung bibilangin niya ay nasa mahigit isang daang beses na siguro nasabi ni Dan na nagtitipid ito para sa kinabukasan nila.

Padarag na binuksan niya ang pinto ng kainan at naghanap ng mauupuan.

Masayang nagkukwento ang nobyo ni Allie ngunit wala roon ang atensyon niya. Iniisip niya kasi kung may patutunguhan ba ang relasyon nilang dalawa.

Ayaw niya ng mahirap na buhay. Gusto niya na maging reyna sa isang malaking mansyon. At ngayon niya lang napag-isip-isip na marahil ay hindi si Dan ang lalaking para sa kaniya.

Ni hindi nga siya nito mapakain sa isang mamahaling restawran, samantalang tatlong taon na silang magkasintahan.

“Dan,” putol niya sa anumang sinasabi nito.

“Ano ‘yun? May gusto ka pa bang kainin?” usisa nito.

Umiling siya bago hinawakan ang kamay ng nobyo.

“Maghiwalay na tayo,” wika niya habang diretsong nakatitig sa mga mata ng lalaki.

Ilang sandali itong nakatulala bago kumurap at tila nahimasmasan.

“A-ano? Makikipaghiwalay ka? Pero b-bakit?” utal-utal na tanong nito. Sa mukha nito ay bakas ang lungkot at pagkagulat.

“Ayoko ng ganito. Dan. Hindi mo naibibigay ang lahat ng gusto ko,” reklamo niya.

“A-ano bang gusto mo? Ibibili kita, ‘wag mo lang akong hiwalayan,” pagsusumamo nito.

Napamulagat siya.

“Talaga? Kaya mo ba akong bilhan ng mga mamahaling bag at sapatos? Kaya mo ba akong i-date sa mga mamahaling restawran?”

Natahimik ito. Tila pinag-iisipan ang mga sinabi niya.

“Kaya kong ibigay ang mga gusto mo, Allie. Pero hindi pa ngayon. Maghintay-hintay ka lang. Kapag nakapagsimula ako ng negosyo ay kikita na ako nang malaki,” sagot nito.

Napangiti siya nang mapait. Hindi iyon ang sagot na nais niyang marinig.

“Ayaw ko nang maghintay, Dan. Sana mahanap mo ang taong tutulong sa’yo na maabot ang mga pangarap mo. Paalam,” aniya bago walang lingon-likod na naglakad palayo mula rito.

Iyon na ang huling araw na nakita niya si Dan. Ang balita niya ang nangibang bansa ito upang doon na ipagpatuloy ang pagtatrabaho.

Pitong taon ang matulin na lumipas, at marami ang nabago sa buhay ni Allie.

Matapos ang matagal na paghahanap ay nakapangasawa siya ng isang negosyante. Biniyayaan sila ng dalawang anak.

Maayos ang naging buhay niya kasama ang asawang si Brandon. Hindi sila naghihirap, at kahit paano ay naibibigay nito ang luho niya.

Subalit nabago ang lahat nang malulong ang asawa niya sa sugal. Nalugi ang negosyo nila, at maging ang bahay nila ay naisangla sa bangko. Kabi-kabila rin ang naging utang nila.

Dahil sa sobrang lungkot ni Brandon sa nangyari sa pamilya nila ay inatake ito sa puso at binawian ng buhay.

Ngayon ay walang ibang magawa si Allie kundi ang maging matapang para sa kaniyang mga anak. Sa kaniya kasi naiwan ang sandamakmak na utang ni Brandon.

Naghanap siya ng trabaho. Sa kabutihang palad ay isang malaking bahay ang naghahanap ng karagdagang kasambahay. Natanggap naman siya kaagad.

Hindi niya maiwasang humanga sa ganda ng bahay. Tila isa yong mansyon na sa telebisyon niya lang nakikita!

“Ikaw ba si Allie? Ang bago naming kasambahay?”

Napalingon siya sa nagmamay-ari ng malamyos na tinig. Nakita niya ang isang magandang babae na sa tingin niya ay kaedaran niya.

Subalit nanlaki ang mata niya nang makita ang lalaking katabi nito.

“Dan?” namimilog ang matang bulalas niya.

“Allie? Ikaw na ba ‘yan?” gulat na turan ng lalaki bago siya nakangiting nilapitan.

Bumaling ito sa babae.

“Hon, siya si Allie, kaibigan ko. Allie, siya naman si Veronica, ang asawa ko,” pagpapakilala nito sa kanilang dalawa.

“Naku, mabuti naman at kaibigan ka ni Dan. At least alam ko na mapagkakatiwalaan ka namin,” nakangiting wika ni Veronica.

Sinuklian niya ito ng isang ngiti. Ngunit sa likod ng isip niya ay ang maraming tanong na nais niyang masagot.

Sa pagkukwentuhan nila ay nalaman niya ang lahat.

Sa tulong pala ni Veronica ay natupad ni Dan ang matagal na nitong pangarap – ang makapagpatayo ng sarili nitong restawran. Nagsosyo raw ang dalawa at sa kabutihang palad, makalipas ang ilang pagkabigo ay naging matagumpay ang negosyo.

Nalaman niya rin na magkasama sa lahat ng hirap at pagtitiis ang mag-asawa. Kaya naman ganoon ng lamang ang tibay ng pundasyon ng relasyon ng dalawa.

Matamang nakatitig si Allie sa dating kasintahan. Habang nagkukwentuhan sila ay hindi nawawala ang ngiti sa labi ni Dan. Halatang masaya at proud ito sa kinalalagyan nito ngayon.

Samantalang siya ay tila pasan ang mundo sa dami ng kaniyang problema. May nadama siyang panghihinayang.

Naisip niya tuloy, kung naging mas matiyaga kaya siya noon sa paghihintay kay Dan, siya kaya ang naging reyna sa mansyong iyon?

Subalit nang makita niya ang saya at pagmamahal sa mata ng mag-asawa ay napagtanto niya na ang mga ito talaga ang para sa isa’t isa.

Nanghihinayang man siya ay masaya naman siya dahil nahanap ni Dan ang babaeng tumulong rito upang maabot nito ang pinapangarap.

Advertisement