
Isang Babae ang Naging Kaibigan Niya sa Ospital; Ngunit Bakit Hindi Niya na Nakita Pa Ito Uli Noong Gumaling na Siya?
Dumako ang tingin ni Daphney sa parteng iyon ng parke sa loob ng ospital. Gaya ng inaasahan niya ay naroon na naman ang babaeng hindi niya kilala.
Tahimik itong nagbabasa. Nang basahin niya ang nakasulat sa pabalat ng librong binabasa niya ay napangiti siya.
Alam niya na kasi kung paano ito kakausapin! Pamilyar sa kaniya ang librong binabasa nito.
Tahimik siyang umupo sa tabi nito. Nang matapos itong magbasa ay sinulyapan niya ito.
“Nakakalungkot ang istorya nung libro, ano?” tanong niya.
Tila nagulat ito nang kausapin niya ito ngunit ngumiti rin ito pabalik.
“Oo. Nakakalungkot nga. Marami siyang kaibigan nung mabubuhay pa siya, pero wala man lang ni isang dumalaw sa kaniya noong nawala siya,” naiiling na sagot nito.
Ilang sandali pa nilang pinagkwentuhan ang libro bago niya narinig ang pagtawag ng kapatid niya.
“Daphney! Hinahanap ka na ng doktor!”
Bago siya umalis ay nilingon niya ang babae.
“Nandito ka ba ulit bukas?”
Ngumiti ito bago tumango. “Oo, bakit?”
“Kita ulit tayo! Ba-bye!” aniya bago nagtatakbo papasok ng ospital.
Kinabukasan, laking tuwa ni Daphney nang makita niya ulit ang babae kung saan ito parating nakaupo.
Masigla niya itong nilapitan.
Sa pagkukwentuhan nila ay nalaman niya na “Princess” pala ang pangalan nito.
“Princess, may sakit ka ba? Bakit hindi ka naman nakasuot ng damit na pang-ospital?” kunot-noong usisa niya.
“Hindi ako ang may sakit. Kapatid ko,” halos pabulong na sagot nito.
Siya naman ang hindi nakaimik. Ginagap niya ang kamay ng bagong kaibigan. “‘Wag kang mag-aalala, gagaling din ang kapatid mo!”
Hindi man ito sumagot ay nabahiran naman ng munting ngiti ang labi dito.
Iyon ang naging simula ng pagkakaibigan nila ni Princess. Sinabi niya ang lahat ng alam niya tungkol dito. Kung ano ang sakit niya, at kung paanong kailangan niya ng panibagong puso para makapamuhay nang normal.
Naging kaibigan niya ito. Pinapalakas nito ang loob niya, kagaya ng pagpapalakas niya ng loob nito sa t’wing ito naman ang pinanghihinaan.
Araw-araw rin silang nagkukwentuhan lalo na’t maraming hilig ang parehas sila.
Isang araw ay isang magandang balita ang natanggap ng pamilya nila. May nahanap na raw na donor ang mga doktor, at maari na raw siyang maoperahan kinabukasan din!
Tuwang-tuwang ikinuwento niya sa bagong kaibigan ang magandang balita. Sa sobrang saya niya ay hindi niya na nakita ang mga pilit nitong ngiti, at ang namumuong luha sa maganda nitong mga mata.
“Daphney, sana ay sumaya ka na sa bago mong puso. Sa wakas, makakapamuhay ka na nang normal,” nakangiting wika pa nito.
“Matagal akong mawawala, pero sa pagbalik ko, dapat narito ka, ha? Pwede na tayo maging magkaibigan kahit sa labas ng ospital!” natutuwang bulalas niya.
Tumango naman ito.
Naging matagumpay ang operasyon ni Daphney. Kailangan niya na lang daw magpagaling at maari na siyang lumabas ng ospital.
Ilang linggo matapos ang operasyon ay pinayagan na rin siya ng doktor na lumabas sa kaniyang silid.
Ang unang-una niyang ginawa ay puntahan si Princess at ipaalam dito na magaling na siya. Subalit ganoon na lamang ang pagkadismaya niya nang hindi niya ito matagpuan sa dati nilang tambayan. Kahit anong hanap niya rito ay wala ito roon.
Nagpabalik-balik siya sa parke ngunit wala talaga roon si Princess. Nalungkot ng hindi maipaliwanag na lungkot si Daphney. Maikli man kasi ang oras na nakasama niya si Princess ay napalapit na ang loob niya rito.
Hanggang sa isang araw ay malaman niya ang katotohanan.
Kasalukuyan siyang nakaupo kung saan madalas silang nakatambay ni Princess nang tawagin siya ng kaniyang Mama.
“Daphney, anak…”
Nang lingunin niya ito ay nakita niya ang kaniyang Mama at Papa, kasama ang isang lalaki at babae na hindi niya kilala.
“Sila si Mr. at Mrs. Orlando. Sila ang magulang ng may-ari ng puso mo, anak,” pagpapakilala ng kaniyang ama sa dalawang estranghero.
“H-hija, pwede ba kitang mayakap?” garalgal ang boses ng tanong ng ginang.
Nang tumango siya ay tuluyan nang tumulo ang luha sa mga mata nito.
Mahigpit siyang niyakap ng nagluluksang ginang habang patuloy ito sa paghikbi. Damang-dama niya ang pangungulila at pagluluksa nito.
Nang kumalma ito saka lamang siya naglakas loob na magtanong.
“P-pwede ko po ba siyang makita? Ang may-ari ng bago kong puso?” nag-aalangang tanong niya sa ginang.
Isang larawan ang inabot nito sa kaniya. At tila tinambol ang dibdib niya nang makita ang mukha ng nasa larawan.
“P-princess?” mahinang anas niya bago siya napahikbi.
“Paano mo nakilala si Princess, hija?” takang tanong ni Mr. Orlando.
“K-kaibigan k-ko po s-siya,” umiiyak na paliwanag niya.
“Ibig sabihin po, wala na si Princess?” nanginginig na tanong niya sa mag-asawa.
Bago pa makasagot ang dalawa ay isang pamilyar na tinig na ang narinig niyang nagsalita.
“Hoy, Daphney, buhay na buhay pa ako! ‘Wag ka ngang umiyak at baka makasama ‘yan sa’yo!”
Nang lingunin niya ang nagsalita ay napanganga siya sa nakita – walang iba kundi si Princess!
“Ano? Paanong?”
Halos hindi siya makapagsalita sa sobrang pagkalito.
“Ang may-ari ng puso mo ay si Priya, ang kakambal ko. Ingatan mo ang puso niya, ha, mahal na mahal ko ‘yun!” naluluhang paliwanag nito bago hinawakan nang mahigpit ang kamay niya.
“Naku, magkaibigan pala ang mga anak natin!” narinig niyang komento ng kaniyang ina.
“Pasensya na at nawala ako bigla. Inasikaso kasi namin ang paglilibing kay Priya. Pero masaya ako na maayos ka na at wala nang iniindang sakit!”
May tipid na ngiti ito sa labi.
“Masaya ako na sa kagaya mo napunta ang isang bahagi ng kapatid ko,” dagdag pa nito.
Tigagal pa rin sa pagkagulat si Daphney. Akala niya talaga ay wala na ang kaibigan niya.
“‘Wag po kayong mag-alala. Iingatan ko po ang puso ni Priya, bilang respeto sa alaala niya,” pangako niya sa mag-asawa.
“At magiging mabuting kaibigan po ako kay Princess. Ituturing ko po siya na parang isang kapatid,” dagdag pa niya.
Muling napaluha ang mag-asawa. Nilapitan niya naman ang mga ito at niyakap nang mahigpit.
Napangiti siya nang masulyapan ang asul na langit. Sigurado siya na nakatunghay sa kanila si Priya kung nasaan man ito ngayon.
Napagtanto niya na tunay nga na sa bawat umaalis, ay may dumarating.
“Salamat, Priya. Salamat sa pagkakataon ng bagong buhay. Magpahinga ka na, at babantayan ko ang pamilya mo, bilang pagtanaw ng utang na loob,” bulong niya sa hangin, umaasa na maiaabot nito kay Priya ang munting mensahe niya.